YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 17, 2015

Ukrainian national, ninakawan ng gadget sa Boracay

Posted January 17, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi na nagamit muli ng isang Ukrainian National ang kanyang iPhone 5S matapos itong nakawin nitong nakaraang Miyerkules.

Sumbong ng biktima sa himpilan ng Boracay PNP, nasa baybayin ng station 2 Boracay ito nang nakawin ng hindi nakilalang suspek ang kanyang gadget.

Subali’t natuklasan nito na on line ang kanyang iPhone nang makatanggap umano ito ng email at pinalitan na ang kanyang pangalan at ibang number.

Dahil dito, minarapat niyang lumapit sa mga taga Boracay PNP upang maimbistigahan.

Kasalukuyan naman itong pina-follow up ng mga otoridad.

Friday, January 16, 2015

Implementasyon ng official uniform ng mga security sa Boracay, nakalutang parin

Posted January 16, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nakalutang parin ang implementasyon ng official uniform ng mga security sa Boracay.

Kaugnay nito, kanya-kanya paring uri ng uniporme ang mga security guard sa mga establisemyento, hotel at resort sa isla.

Base kasi sa impormasyon, muli pang magpupulong ang mga security agencies at SAGU o Security Agencies and Guards Unit.

Magugunitang pinulong din ni SAGU Chief-PSupt. Condrado Carganillo ang mga security agencies sa isla nitong nakaraang taon matapos madismaya sa iba’t-ibang uniporme ng mga security guards.

Magugunita ring binigyan ni Carganillo ng tatlong buwan ang mga security agencies upang ipatupad ang opisyal nilang uniporme.

Base rin sa napagkasunduan, itim ang magiging bull cap ng mga security guards, gray an t-shirt, itim ang short pants at rubber shoes, kulay gold ang name cloth at pangalan ng kanilang agency.

Samantala, dahil hindi pa tuluyang naipapatupad, kapansinpansin na may mga sekyu sa isla ang nagmukhang Boracay Police at abogado dahil sa kanilang mga uniporme na ipinagtaka naman ng mga turista.

Malay, nakuha ang 1st place sa Best in Higante at Best in Mass Presentation

Posted January 16, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Photo credit by Boy Ryan Zabal
Mistulang naging blessing para sa bayan ng Malay ang pagdating kahapon sa bansa ni Pope Francis.

Nasungkit kasi ng mga ito ang 1st place sa Best in Higante at Best in Mass Presentation.

Kaya naman, ganoon na lamang ang pagkatuwa ng mga taga Malay at lahat ng nakibahagi sa Aklan Festivals Parade and Higante Contest nang makita ang Papa matapos itong lumapag sa Villamor Air base kahapon ng hapon.

Kaugnay nito, sinabi ni DepEd Malay Public Schools District Supervisor Jessie Flores na hindi lamang ito karangalan ng Malay kundi ng buong Aklan.

Ito’y matapos na ipakita din ang agaw eksena na imahen ni Pope Francis sa isang malaking news channel at network sa bansa.

Samantala, naging viral din sa ilang mga social networking sites ang nasabing higanteng imahen ng Papa sa Aklan.

Danish national, ninakawan ng boots sa Boracay

Posted January 16, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Tila wala nang pinapalampas ang mga naglipanang kawatan sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos na dumulog sa himpilan ng BTAC ang isang lalaking Danish national na si Allan Nielsen, 48 anyos matapos umanong ninakawan ng boots sa Balabag Boracay.

Ayon sa report, iniwan ng turista ang boots nito sa buhangin at naligo sa dagat.

Subalit sa kanyang pagbalik ay nawawala na umano ito at pinaniniwalaang binitbit ng hindi nakilalang suspek.

Kasalukuyan naman ngayong iniimbestigahan ng mga pulis kung sino ang kumuha sa boots ng biktima.

Babae, duguan matapos hampasin ng helmet sa ulo

Posted January 16, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Duguan na dinala sa Boracay Hospital ang isang babae matapos na umano’y hinampas ng helmet ng isang lalaki kagabi sa Boracay.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, nagsisisigaw habang nagtatalo bandang alas otso kagabi ang biktima na kinilalang si “Angelie”, 29 anyos at live in partner nito.

Subali’t ilang sandali pa, bigla na lamang lumapit ang suspek na si “Archie” kahit wala itong kinalaman sa away ng mag-live in at hinampas ng helmet ang ulo ng biktima.

Dahil sa malakas na pagkakahampas ay nagtamo naman ng sugat ang babae sa kanyang ulo.

Samantala, ayon pa sa blotter ng BTAC, bago paman ang nasabing pangyayari ay nakitaan din ng pasa ang biktima sa kanyang kaliwang braso.

Sa kabila nito, tumanggi ang biktima na ipagamot ang kanyang mga sugat sa nasabing ospital.

Ipinagkatiwala naman ngayon ng Boracay PNP ang nasabing kaso sa Barangay Manoc-Manoc Justice Sysytem.

Aklan at iba pang probinsya, nakaranas ng Total Block Out

Posted January 16, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nakaranas ng Total Block Out ang probinsya ng Aklan.

Maliban sa Aklan, pansamantala ding naputol ang suplay ng kuryente sa mga lugar na sakop ng electric cooperatives ng ILECO 3, CAPELCO, at ANTECO.

Naramdaman ang total block out bandang alas 2:00 nitong kahapon base narin sa advisory ng NGCP o National Grid Corporation.

Nag-emergency repair kasi ang mga ito sa NGCP Panit-an Sub Station.

Samantala, base parin sa schedule na 2-5pm block out ng NGCP, inaasahan namang babalik sa normal ang suplay ng kuryente.

Mga reklamo sa KIA, pinag-aaralan ng SP Aklan

Posted January 16, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Kulang ang CR, siksikan sa arrival at departure area, sinisingil kami ng walang kaukulang basehan.”

Ilan lamang ito sa mga reklamo ng mga pasahero at turista kaugnay sa umano’y bulok na pasilidad at pamamalakad sa Kalibo International Airport (KIA).

Kaugnay nito, nabatid na nakarating na sa atensyon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang nasabing reklamo, kung saan pinag-aaralan na ito sa ngayon.

Katunayan, sa ginanap na 2nd SP Regular Session, pinag-usapan ng mataas na konseho ang nasabing isyu, kung saan kitang-kita ang pagkabahala ng mga ito na magiging isa sa mga magiging malaking balakid ang problema sa pagpapaunlad ng turismo sa probinsya.

Kaya naman, ine-refer na ngayon ang nasabing problema sa komitiba ng Tourism, Trade, Industry and Commerce, Committee on Energy, Public Utilities, Transportation and Communications and Committee on Disaster Preparedness and Peace and order.

Ang mga nabanggit na komitiba ang naatasang sumuri at aalam ng mga hakbang na ipinapatupad sa nasabing paliparan.

Samantala, nabatid na sinabi din sa isinagawang SP Session na kung mapatunayan na may pagkukulang sa serbisyo ay kaagad itong aaksyunan.

Ipinahayag din kasi sa pagpupulong ng mataas na konseho na kapag magpatuloy ang mga iba’t-ibang problema kaugnay sa turismo ng probinsya ay baka wala ng babalik dito na mga turista.

SB Gallenero nais umapela sa Supreme Court kaugnay sa easement rules sa Boracay

Posted January 16, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nais ngayong umapela ni Malay SB member Jupiter Gallenero kaugnay sa desisyon ng supreme court tungkol sa easement rules ng kalsada sa Boracay.

Ang apelang ito ay kaugnay sa 15 meters both side easement sa kalsada ng Boracay gayon din sa mga boundaries sa isla.
Sa ginananap na 2nd Regular SB Session ng Malay nitong Martes nanawagan ito sa konseho na kung maaari ay makakuha sila ng kopya tungkol sa easement rules mula sa Korte Suprema.

Ayon kay Gallenero, marami ang maapektuhan sakaling maipatupad ng ang desisyong ng korte sa bayan ng Malay lalo na sa isla ng Boracay.

Bagamat sinabi din nito na tila hindi siya pabor sa desisyon ng korte kung saan ay balak nitong sumailalim sa legalidad para sa pag-apela ng nasabing easement.

Kaugnay nito nais naman niyang humingi ng tulong kay Aklan Representative Teodorico Haresco para magpasa ng house bill dito.

Samantala, plano din ng Boracay Foundation Inc.(BFI) na magsagawa ng hakbang para dito.

Thursday, January 15, 2015

Higante Contest para sa Ati-Atihan 2015 ngayong araw, inaabangan na

Posted January 15, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaabangan na ngayong araw ang Higante contest na siyang isa sa mga highlight ng Kalibo Santo Niño Ati-Atihan Festival 2015.

Ito ay kinabibilangan ng ilang bayan sa Aklan na kasali sa naturang contest sa pangunguna ng Balete, Ibajay, Kalibo, Madalag, Malinao, Numancia at Tangalan.

Nabatid na tema sa nasabing Higante Contest ay “Ati in the Locality,” kung saan nakasentro ito sa pamumuhay, kultura at tradisyon ng bawat lokal na komunidad.

Napag-alaman na ito ay ipaparada mamayang hapon kasama ang mga local officials at LGU employees ng mga nasabing bayan.

Base naman sa inilabas na criteria ng Provincial Tourism Office kailangang ang higante ay may taas na 8 feet, at eju-judged base sa theme relevance, creativity, artistry at audience impact and appeal.

Ang mananalo naman dito ay makakatanggap ng plaques at subsidies mula sa provincial government bilang taunang Aklan Festivals Parade at Higante Contest.

Sa kabilang banda inaasahang may mga hahabol pang mga sasali para dito mula sa ibang bayan sa probinsya

Samantala, inaasahang libo-libo katao ang manunuod at makikisaksi sa Higante contest kung kayat doble rin ang ipinatupad na seguridad para dito.

Mahigit 16 na cruise ships inaasahang dadaong sa isla ng Boracay ngayong taon

Posted January 15, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Mahigit 16 na cruise ships ang inaasahang dadaong sa isla ng Boracay ngayong taon.

Ito ang kinumpirma ni Aklan Provincial Tourism Operations Officer Carina Ruiz kaugnay sa 1.7-M tourist arrival na bagong target ng Aklan Provincial Government sa 2015.

Ayon naman sa DOT o Department of Tourism Boracay Sub-Office, may mga bagong cruise ship ang nakatakdang bumisita sa isla katulad ng MS Celebrity Century, Seabourn So Journ, L’Austral, Seven Seas Voyager, Legend of the Seas, at Silver Shadow.

Ilan naman sa mga cruise ship na muling bibisita sa Boracay ang MS Europa II, MS Super Star Aquarius at MS Costa Atlantica.

Dahil dito, sinabi pa ni Ruiz na itinaas ang tourist arrival target ngayong taon dahil sa mga naturang barko.

Magugunitang hindi naabot ang dating 1.5 million tourist arrival target nitong nakaraang 2014 dahil sa naranasang weather disturbance at bagyo, at travel ban ng China sa Pilipinas.

Training at Seminar, tututukan ng Aklan Provincial Government

Posted January 15, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Tututukan ngayon ng Aklan Provincial Government ang pagkakaroon ng mga training at seminar ng mga tourism officers sa probinsya.

Ayon kay Aklan Provincial Tourism Operations Officer Carina Ruiz, ito’y bahagi umano ng ginagawang “concrete measures” para masiguro ang patuloy na pagdami ng mga dumadalaw na turista lalo na sa isla ng Boracay.

Anya, patuloy na pinagbubuti ng pamahalaang probinsyal ang lahat ng magagawa nito para masiguro maging ang kaligtasan ng mga turista at hindi dapat ipawalang bahala ang mga “unfortunate incidents” na nangyari sa mga nakalipas.

Samantala, sinabi pa nito na sa pamamagitan din ng mga programa at proyekto kasama ang Department of Tourism (DOT) Region VI ay lalo pang maipapakilala ang iba pang mga naggagandahang lugar sa Aklan maliban sa Boracay.

Magugunita naman na sinabi ng Aklan Provincial Tourism Office na nasa 1.7 milyon ang target na tourist arrival ngayong taong 2015.

Lalaki, sugatan matapos hinampas ng bote

Posted January 15, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sugatan ang isang lalaki matapos na hinampas ng bote sa ulo ng hindi nakilalang suspek kaninang madaling araw sa front beach ng Balabag Boracay.

Kinilala sa blotter report ng Boracay PNP ang biktima na si Joselito Guara, 20 anyos ng Brgy. Tigum, Buruanga, Aklan.

Ayon sa pulisya, tinambangan ng suspek na nakasuot ng puting t-shirt ang biktima habang ito’y naglalakad kasama ang kaibigan.

Tumakas naman ang suspek pagkatapos ng insidente.

Inaalam pa ng Boracay PNP ang pagkakakilanlan sa suspek.

Tatlong taong na bata nahagip ng tourist bus ng Southwest sa Nabas, Aklan

Posted January 15, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Isang bata ang nahagip ng Southwest tourist bus sa Nabas, Aklan kahapon ng hapon.

Isinugod sa isang pagamutan ang tatlong taong gulang na biktimang si King Harry Calizo, residente ng nasabing lugar dahil sa tinamong pinsala sa katawan.

Ayon kay SPO4 Zacarias Rusi ng Nabas PNP, nagulat na lamang ang ina ng biktima nang makitang nahagip ng nasabing bus ang kanyang anak na naglalaro.

Samantala, nabatid na sa Malay PNP na sumuko ang drayber ng bus na si Carlo Acuhido, 36 anyos ng Mabilo New Washington, Aklan matapos ang insidente.

Ayon naman sa Malay PNP, nasa kustodiya na ngayon ng Nabas Police Station ang drayber para sa karampatang disposisyon.

1.7-M tourist arrival, target ng Aklan Provincial Government sa 2015

Posted January 14, 2015
Ni Gloria Villas, YESFM Boracay

Sisikapin ng pamahalaang probinsyal ng Aklan na makamit ang 1.7 milyon na tourist arrival sa probinsya sa taong 2015.

Ayon kay Aklan Provincial Tourism Operations Officer Carina Ruiz, bagamat hindi naabot ng probinsya ang 1.5 million na target nitong nakaraang taon.

Sinabi nito na itinaas parin ang target dahil sa inaasahang mahigit 16 na cruise ship na dadaong sa isla ng Boracay.

Anya, maliban dito ay kinokonsidera din ang pagkakaroon ng iba’t-ibang mga international flights sa Aklan.

Samantala, sinabi pa nito na naging malaking tulong ang ginawang pag-market ng Department of Tourism (DOT) sa iba’t-ibang bansa upang mapalago pa ang turismo sa probinsya.

Nabatid naman na nangunguna pa rin ang mga Korean tourist na dumadayo sa isla ng Boracay, kung saan umabot ito sa 39 percent nitong nakaraang taon.

Wednesday, January 14, 2015

Gamit ng turistang naliligo sa dagat sa Boracay tinangay ng magnanakaw

Posted January 14, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isa na namang turista ang nabiktima ng kawatan sa isla ng Boracay kaninang alas-onse ng umaga habang naliligo sa dagat sa Station 3 Brgy. Manoc-manoc.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP Station kinilala ang biktimang si Ekaterina Musatkin, 27-anyos Russian National at temporaryong nanunuluyan sa isang resort sa nasabing lugar.

Nabatid na naligo umano ang biktima sa dagat saka iniwan ang kanyang bag sa beach bead na naglalaman ng cellphone, ipod, electronic book, pera at ilang mga personal na gamit.

Sa ginawang follow-up investigation ng mga pulis walang witness sa nangyaring nakawan kung saan wala din umanong CCTV camera malapit sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Ayon pa sa biktima ilang minuto niya lang umanong iniwan ang kanyang bag kung saan nakita din nito ang isang lalaking mabilis na kumuha ng kanyang bag at tinangay papalayo.

Nagawa pa umano ng biktima na mahabol ang nasabing kawatan ngunit bigo rin niya itong maabutan patungong mainroad area.

Napag-alaman na kasama pa sa mga natangay ng magnanakaw ay ang Loptop, Mac air, Ipad Air at Camera.

Matatandaan na paulit-ulit na nananawagan ang mga pulis sa mga turista na huwag magdadala ng mga mamahaling gamit sa oras ng pagligo sa dagat dahil sa patuloy na pagdami ng mga kawatan sa beach area ng Boracay.

Babae binugbog matapos ipagtanggol ang kapwa babae dahil sa group chat

Posted January 14, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Isang babae sa Barangay Balabag ang nakatikim ng suntok sa tiyan, bibig at noo kaninang tanghali.

Ayon sa report ng Boracay PNP, binugbog ang 31 anyos na biktima matapos ipagtanggol ang kapwa babae dahil sa group chat.

Nagsimula ang pambubugbog nang komprontahin ng biktima ang lalaking suspek at katrabaho niya mismo sa isang badminton court.

Nakakapanirang puri umano kasi ang ipinost ng suspek sa group chat laban sa hindi na pinangalanang babae.

Subali’t nauwi sa pambubugbog ang komprontasyon kung saan sinuntok ng suspek ang biktima.

Kaagad namang inimbistigahan ng mga pulis ang nasabing kaso.

Babaeng Malaysian national, nawalan ng cellphone sa Boracay

Posted January 14, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Ingatan ang mga gamit.”

Ito ang paulit-ulit na paalala ng mga kapulisan sa mga lokal lalo na sa mga dayuhang turista na nagbabakasyon sa Boracay.

Ito’y matapos na isa na namang babaeng Malaysian national ang nawalan ng isang LG G2 na cellphone kagabi sa isla.

Ayon sa turistang si Bang Khee Hoon, 27 anyos, sakay ito ng buggy car sa Sitio Bolabog Balabag Boracay nang malaman na nawawala na ang kanyang cellphone na nakalagay sa kanyang bulsa.

Naniniwala naman umano ito na nahulog ang kanyang cellphone nang hindi nya namamalayan.

Samantala, benebiripika na ngayon ng mga pulis ang nasabing sumbong ng turista bago bigyan ng insurance certificate.

Municipal traffic code ng Malay at Boracay, binabalasa na sa SB Session

Posted January 14, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Binabalasa na ngayon ng Sangguniang Bayan ang municipal traffic code ng Malay at isla ng Boracay.

Pinag-usapan ito kahapon sa 2nd regular SB Session sa pangunguna ni Committee on Transportation Chairman at SB member Leal Gelito.

Nakasaad sa nasabing traffic code ang pag-regulate ng biyahe ng mga truck sa isla upang hindi makasagabal sa uwian ng mga estudyante mula sa paaralan.

Kasama rin sa pinag-usapan ang operasyon ng mga public vehicles, tourist bus at mga tricycle sa Boracay kasama na sa mainland Malay.

Samantala, ayon pa kay Gelito ito ay dadaan pa umano sa mahaba-habang usapan upang mas maging maayos ang implementasyon ng traffic code sa bayan ng Malay.

Pag-proseso ng mga Mayor’s Permit sa Malay, pinapaagahan

Posted January 14, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinapaagahan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay ang pag-proseso sa Mayor’s Permit.

Ayon kay Malay Administrator Godofredo Sadiasa, huwag mag-atubiling magtanong sa kanilang mga tanggapan kung mayroong mga problema o kailangang ayusin sa pag-proseso upang hindi na ito matagalan.

Anya, bagamat kada taon ay nagkakaroon sila ng extension, sinabi ng Malay Administrator na huwag na lang umanong umasa kahit na naiitindihan din nila ito dahil sa dami ng mga dokumentong nire-require at mas maigi pa ring agahan na lamang.

Samantala, aminado naman ito na naghihigpit sila ngayon sa isla ng Boracay dahil sa ilang mga pasaway na negosyante.

Kaya naman, payo nito sa mga business establishment owners na makipag-ugnayan sa mga tamang tanggapan ng LGU Malay sa isla ng Boracay para sa ikakaayos ng kanilang negosyo at hindi na mabigyan pa ng penalidad.

Kaugnay nito, nabatid naman na nagsisimula na rin ngayon ang mga empleyado sa pagproseso na ng kanilang mga dokumento para sa taong 2015.