YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, February 09, 2013

Mga pampublikong tanggapan sa Boracay sa Lunes, walang pasok


Dahil sa pista opisyal sa darating na Lunes, ika-11 ng Pebrero, suspendido na rin ang x-ray examination sa Boracay Hospital.

Ito ang nilinaw ni Don Ciriaco Tirol Hospital Head Nurse Melanie Tejada sa panayam dito kahapon.

Aniya, dahil sa deklaradong local holiday ang araw na ito, wala din umanong pasok ang technician o operator ng x-ray machine para sa mga nais sumailalim sa examination na gagamitin para sa pagre-renew ng mga permit.

Inihayag pa nito na maging sa Martes, ika-12 ng buwang ito, ay half day lang din ang pagtanggap nila sa mga mapapa-suri, at itutuloy nila ang x-ray exanimation sa hapon.

Samatala, maging ang mga tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Malay maliban na lamang sa Sanitation Office ay walang ding bukas sa Lunes.

Ganoon din ang tanggapan ng Bureau of Fire Protection hindi muna tatanggap ng, magpo-proseo ng kanilang Safety Certificate paglilinaw ni Fire Insp. Joseph Cadag.

Pero mananatiling bukas naman umano 24 oras ang tanggapan nila.

Maging ang Action Center din umano sa isla ay walang operasyon.

Sa araw ng Lunes kasi gugunitain ang anibesaryo ng pagkamatay ni Emilio Javier ang pinaslang nga gobernador ng Antique kaya ang buong Western Visayas at deklaradong opisyal o local holiday. #ecm022013

Aplikante para sa health card sa Boracay, walang dapat ikabahala kung holiday sa Lunes


Walang holiday sa Lunes para sa mga taga-Sanitation Office sa Malay lalo na sa Boracay.

Sapagkat hinahabol ng mga staff ng tanggapang ito ang mga naka-iskedyul na trabaho para sa araw na iyon lalo na at tambak din ang kanilang obligasyon gayong nalalapit na ang deadline para sa pagre-renew ng permit.

Sa panayam kay Babylyn Frondoza, Sanitation Officer 3 ng Municipal Heath unit, sinabi nitong mag-o-over time sila sa araw ng pagunita sa anibesaryo ng pagkamatay ni Emilio Javier ang pinaslang nga gobernador ng Antique kaya ang buong Western Visayas at deklaradong opisyal o local holiday.

Ito ay kahit na walang pasok ang mga pampumblikong tanggapan sa araw dahil sa pesta opisyal sa buong rehiyon.

Ayon kay Frondoza, ang mga naka-iskedyul sa araw na iyon na isang daan at limampung katao na nag-a-aplay para sa Health Card ay malugod nilang ipo-proseso lalo na ang mga magpapasuri dahil nanghihinayang umano silang lalo pa at kailangan sila sa mga pagkakataong ito.

Nilinaw din nito na maging sa susunod ng Lunes, ika-25 ng Pebrero, bilang paggunita sa EDSA People Power revolution ay mananatiling may pasok o bukas ang tanggapan nila. #ecm022013

Friday, February 08, 2013

Umano’y sunog malapit sa Talipapa Bukid Boracay nitong umaga, ikinaalarma ng mga residente


Mataas at makapal na usok.

Ito ang nagpaalarma sa ilang residente ng Sitio Ambolong Manoc-manoc, Boracay kaninang umaga dahilan upang tumawag ang mga ito ng bombero.

Bagay na nagpaalarma din sa mga miyembro ng Boracay Fire upang respondehan ang nasabing lugar.

Subali’t sa halip na bahay o mahalagang ari-ariang nasusunog ang masumpungan, isang simpleng bonfire o siga ang kanilang naratnan.

Ayon kay Boracay Fire Inspector Joseph Cadag, mga basura ang nasusunog ng mga sandaling iyon malapit sa Talipapa Bukid.

Subali’t dahil basa, nagdulot ito ng makapal at mataas na usok na siya ring ikinabahala ng ilang mga residente.

Samantala, inamin naman ng isang nagngangalang Janice ang nasabing siga doon.

Sinabi nito na binabantayan naman nila ang mga sariwang dahon at damo na kanilang sinigaan malapit sa kanilang bahay.

Ayon pa kay Janice, inalam muna sana ng mga tumawag ng bombero ang sitwasyon, upang hindi naman naalarma ang iba.

Bagama’t walang anumang naidulot na pinsala ang nasabing insidente, pinayuhan pa rin nina Inspector Cadag ang mga tao doon, na maging maingat sa apoy. #bd022013

Populasyon sa Boracay, lumobo! --- NSO


Boracay ang may pinakalamaking kontribusyon sa biglaang paglobo ng pupulasyon sa Aklan.

Ito ang nabatid mula kay National Statistic Office o NSO Aklan Officer Blas Solidum sa panayam dito nitong umaga.

Aniya, bagamat isang beses sa sampung taon lamang isinasagawa ang survey at nangyari ito noong taong 2000 pa, kitang-kita naman umano sa monitoring nila na malaki ang inilaki ng populasyon ng Boracay sa kasalukuyan.

Ito marahil ay dala na rin ng paglago umano ng industriya ng turismo ng isla dahil naniniwala ito na kung saan ang kabuhayan at trabaho ay iyon din ang lugar na ginadagsa ng mga tao.

Kaugnay dito, ang ilang mga trabahador umano sa Boracay gaya ng mga construction worker at laborer ay dito na naninirahan sa halip na umuwi pa sa kanilang lugar bawat linggo.

Paglilinaw kasi nito, tulad din ng mga dayuhang turista na naririto sa Boracay, ang mga workers na ito sa isla, kapag lumampas sa isang buwan ang kanilang paninirahan dito ay pasok na ito sa bilang ng NSO.

Kaya ito umano ang rason na lumaki ang populasyon ng Boracay.

Kung maaalala, ito na rin ang inihayag ni Balabag Punong Barangay Lilibeth SacapaƱo na marami na ang trabahador sa Boracay kaya ipinapatupad na nila ang barangay ID system. #ecm022013

Mga preso sa Aklan Rehabilitation Center, pinag-aral


75 na preso sa Aklan Rehabilitation Center o ARC ang pinag-aral ng pamalaan habang naka-kulong.

Ito ang isa sa ipinagmalaki ngayon ni Aklan Governor Carlito Marquez sa ilalim ng kaniyang administrasyon sa paraan ng Prisoner Rehabilitation Program.

Aniya, nitong nagdaang taon ng 2012, sinubukan ng pamahalaang probinsiya na maibalik sa sosyudad ang mga indibidwal na nakapiit doon ngayon.

Ito ay sa paraan ng pagpapa-aral sa mga ito sa Alternative Learning System ng Department of Education o Dep. Ed habang nasa loob ng kulungan.

Maliban dito mayroon din umano silang ginagawang counseling at Spiritual Services sa may 278 na preso sa ARC. #ecm022013

Governor Marquez, ipinagmalaki ang pag-unlad ng Aklan sa kaniyang administrasyon


Mula sa dating pondo ng Aklan sa taong 2004 na P377 milyon nang umupo bilang gobernador ng probinsiya si Carlito Marquez, mariing ipinagmalaki nito sa kaniyang State of the Province Address o SOPA na ngayon sa ilalim ng kaniyang administrasyon at sa pagtatapos ng kaniyang termino ngayon taong 2013 ay bilyonaryo na ang probinsiyang ito bago niya bitiwan.

Kung saan, sa kasalukuyang taon umano umaaabot na sa P1.19 bilyong at mas mataas pa ng P151 milyon na ang budget ng probinsiya kung ikukumpara ito noong 2012.

Ang bilyong pisong pondo umano ng Aklan para sa taong ito ay dala na rin ng naglalakihang kita ng probinsiya, kaya lumaki din ang Internal Revenue Allotment o IRA ng P974 milyon kumpara sa noong 2004 na may P326 milyon lang.

Isa pa sa ipinagmalaki nito sa ilalim ng kaniyang administrasyon ay ang biglaang paglago umano ng kita ng Caticlan Jetty Port kasabay ng pagdami ng mga turista sa Boracay.

Mula aniya sa dating kita o koleksiyon sa taong 2004 na P15 milyong koleksiyon, ngayong 2012 ay nasa P206 milyon na.

Resulta na rin umano ito ng patuloy na gumagandang estado ng tourism industry ng probinsiya. #ecm022013

Thursday, February 07, 2013

PCG Aklan, may bagong hepe na: Lt. Cmdr. Alsosa, nag-goodbye na!


Sumakalibang probinsiya na si PCG Lt. Commander Terrence Alsosa.

Kasabay nito may bagong hepe na rin ngayon ang Philippine Coast Guard o PCG sa Aklan, Caticlan at Boracay kapalit ni Alsosa.

Epektibo nitong Lunes, ika-5 ng Pebrero ng taong ito, pormal nang umupo sa binakanteng upuan ni Alsosa ang 33-anyos na si Lt. Cmdr. Jimmy Oliver Vingno.

Sa panayam dito nitong umaga, nabatid mula kay Vingno na tila swap ang nagyari sa kanila ni Alsosa, dahil ang dating hepe ng PCG sa Aklan at Caticlan ay siyang ipinalit din doon sa pinagmulan niyang probinsiya, at iyon ay sa Roxas City sa probinsiya Capiz.

Aniya, ang pagkakalipat sa kanila ay dala na rin ng haba ng panahon na panunungkulan sa Aklan ni Alsosa na umabot na rin sa tatlong taon, kaya ipinatupad umano ang “rotation policy” sa kanila.

Dagdag pa dito, dahil sa ang Boracay umano ay isang sikat na Tourist Destination, isang malaking hamon para sa kaniya ang pamunuan ang PCG dito maliban pa sa sakop na rin ng kaniyang hurisdiksiyaon ang buong probinsiya ng Aklan.

Bunsod nito, implementasyon at regulasyon sa mga bangka upang masiguro aniya ang kaligatasan ng publikong pasahero ang kaniyang pangunahing pagmamalasakitan.

Samantala, dahil sa tatlong araw pa lang ito sa kaniyang pwesto ngayon, nakatakda na rin umano ang kaniyang gagawing pagkurtesiya sa mga opisyales ng bayang ito.

Kahapon naman sa State of the Province Address o SOPA ni Aklan Governor Carlito Marquez, unang nakilala ng ilang matataas na opisyal ng probinsiya si Vingno. #ecm022013

Re-installation ng grotto sa Beach ng Balabag, gugunitain sa Lunes


Tatlong taon na ngayong buwan ng Pebrero nang ipagiba at kunin ang imahe ni Birheng Maria sa Groto sa Boracay Rock.

Kaya naman bilang pag-gunita sa mahalagang pangyayaring ito sa mga Katoliko sa Boracay, kung saan nagkaroon ng iisang boses at nagkapit bisig para mahanapan ng paraang muling maaayos ang grotto at mapalitan ang kinuhang imahe ng Inang Maria, sa darating na Lunes, ika-11 ng buwang ito, kung saan ito rin ang petsa kung saan sinira ang nasabing grotto sa Beach ng Balabag noong taong 2010 ay magkakaroon ng misa o thanks giving mass para sa Our Lady of the Lords bandang ala-sais y medya sa umaga, ayon kay Rev. Fr. Jomel Zambrona.

Mag-aalay naman ng panalangin at bulaklak sa mismong grotto ang mga deboto ng Birheng Maria na siyang pangungunahan naman ng kaparian ng Holy Rosary Parish pagsapit ng hapon ng alas-singko.

Kung matatandaan, ika-11 din ng Pebrero taong 2010 ng ipa-giba ang nasabing grotto sa tinaguriang Boracay o Willy’s Rock.

Subalit dahil sa pagkukumahog ng mga Boracaynon, stakeholder  at mga nananampalataya sa Our Lady of the Lords ay nagtulungan ang mga ito na ipa-ayos ulit at lagyan ng imahe ni Maria na siyang kasalukuyang isa sa mga land mark ng Boracay. #ecm022013

Kwarto ng Swedish national sa Bolabog, nilooban!


Isang 38-anyos na babae ang nagulat at nagreklamo dahil sa may nagtangkang sakalin at hubaran siya ng pang-ibabang saplot kahapon ng madaling araw na habang natutulog.

Kung saan, sa eksenang iyon ay naalipungatan umano babaeng na sadyang hindi na pangangalanan na nagrerenta ng kwarto sa isang kite boarding school sa area ng Bolabog.

Para maka-eskapo sa sitwasyon, nakikita ng pangkakaton ang babae para kagatin ang daliri ng suspek na hindi nito nakilalang lalaki, rason para mabitiwan siya ng estranghero hindi nito nakilala.

Pero dali-dali naman tumakas ang suspek at dumaan ito sa pinto na umano ay hindi naka-lock.

Dahil dito, nakahanap din ng pagkakataon ang babae na nakasigaw at humingi ng saklolo.

Sa pagkakataon din iyong, nagising sa kabilang kwarto ang nagrerenta doon na si Jaime Borras, 45-anyos at isang Swedish National.

Nang malaman nito ang pangyayari na napasok ang kwarto ng 38-anyos na babae, agad din nitong binalikan at inusisa ang kaniyang kwarto.

Doon masorpresa din ang Swedish National, dahil ang kaniyang mga mahahalagang gamit gaya ng laptop, digital camera, mamahaling relo at pati ang passport ay tinangay din.

Pinagdududahan na ang hindi rin nakilalang suspek  na pumasok sa kwarto ng babae ang nanloob sa kwarto nito.

Sa pangungusisa naman ng mga pulis nitong umaga, nabatid at nakakalungkot ang nalaman ng awtoridad dahil sa wala palang security guards at CCTV camera ang nasabing diving school.

Kaya hanggang sa ngayon ay nananatiling pala-isipan parin kung sino ang maykagagawan ng pangyayaring iyon. #ecm022013

Aklan Governor Carlito Marquez, nag-paalam sa pagka-gobernador


Hindi na State of the Province Address o SOPA, kundi Valedictory Address na.

Ito ang nilinaw ni Aklan Governor Carlito Marquez sa huling bahagi ng kaniyang talumpati kahapon ng umaga sa itinakdang Annual Report nito sa mga Aklanon para sa taong 2012.

Kahit pa sa buwan ng Hunyo pa matatapos ang panunungkulan nito sa Kapitolyo, hindi rin Annual Report ang kinalabasan ng kaniyang speech dahil sa ang mga ginawa nito sa loob ng siyam na taon ang laman ng kaniyang talumpati.

Magkaganon man, napuno pa rin ng palakpan mula sa mga dumalo ang Session Hall ng Sangguniang Panlalawigan kung saan ginanap ang SOPA, nang ilatag ng gobernador ang kaniyang mga accomplishment.

Maliban sa accomplishment, labis na pasasalamat naman ang ipinaabot ni Marquez sa mga Department Heads sa provincial Capitol ganon din sa mga National Agency at Alkalde ng labimpitong bayan sa probinsiya na sumuporta sa kaniyang administrasyon.

Aniya pasalamat siya dahil sa matibay na bangka o grupo ang kaniyang sinamahan sa karera nito, kaya na straight o nadiritso nito ang siyam na taon sa pwesto o tatlong termino na walang gaanong problema.

Pero sa pagkakataon umanong ito hindi na niya malalarawan pa ang kaniyang sarili kung matutuwa o malulungkot siya, dahil sa final destination ng kaniyang bangka.

Sa pagtatapos ng kaniyang termino at talumpati sa SOPA kanina dala parin nito ang kaniya “trade mark” at paniniwala na “uwa it ginagaid sa kapobrihon”. #ecm022013

Wednesday, February 06, 2013

SOPA ni Aklan Gov. Carlito Marquez, naging “valedictory address”

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Paos-paos man, pero tuloy at maayos pa ring naiulat ni Aklan Gov. Carlito Marquez ang kanyang report sa mga Aklanon nitong umaga.

Bagama’t para sa taong 2012 lamang ang inaaasahang magiging laman ng kanyang annual report ngayon, inilatag ni Marquez sa State of the Province Address o SOPA nito ang mga pagbabago kung saan hindi lamang sumentro sa accomplishments nito ngayong 2012, kundi naging highlight ay ang accomplishment nito sa loob ng tatlong termino o siyam na taong panunungkulan nito, bilang gobernador ng probinsya.

Una sa ipinagmamalaki nito ay ang pag-unlad na nangyayari sa Boracay na sa ngayon ay mas lalong nakikilala pa sa buong bansa, at ang mga patunay umano dito ay ang milyong turistang naitala ng bansa sa ngayon.

Bunsod nito ay pinasalamatan ni Marquez ang mga stakeholders sa Boracay.

Samantala, sa huling bahagi ng SOPA naman nito ay nilinaw ng gobernador na hindi na SOPA ang ginawa o ipinaabot nito at sa halip ay “valedictory address” na matapos na ilatag nito ang kanyang mahigit isang oras na talumpati.

Huling SOPA ni Governor Marquez, inaasahang magiging emosyunal


Ngayong araw inaasahan na ang pamamaalam ni Aklan Governor Carlito Marquez sa mga Aklanon bagamat may limang buwan pa ito sa kaniyang upuan bilang gobernador ng probinsya at sa Mayo pa ang halalan.

Inaasahang magiging sentro ng kaniyang State of the Province Address o SOPA ngayong araw ang kaniyang ma-emosyunal na pagpapasalamat at pamamaalam sa mga Aklanon na sumuporta at tumaguyod sa kaniyang pamamahala.

Kung maaalala, halos sa mga nagdaan nitong SOPA ay “patak luha” si Marquez habang nagpapahayag ng kaniyang mensahe at ulat sa publiko ng kaniyang mga ginawa.

Kaya ngayon araw din, inaasahan na mas magiging emosyunal ang araw na ito para sa papalitan ng gobernador.

Ang SOPA ni Marquez ay gagawin ngayong umaga at siyang pinaka-highlight para sa ika-limang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan para sa taong ito.

Ito na rin ang magsisilbing huling SOPA ni ng gobernador kasabay ng pagtatapos ng kaniyang tatlong termino bilang ama ng probinsiya ng Aklan. #ecm022013

Tuesday, February 05, 2013

Aklan SP Office, naka-save ng P4.2 milyon nitong 2012


Nakatipid ng mahigit apat na milyong piso ang Sangguniang Panlalawigan o SP ng Aklan nitong nagdaang 2012.

Bagay na ikinatuwa naman ng mga Board Member ng Aklan sa pangunguna ni Presiding Officer at Vice Governor Gabrielle Calizo Quimpo.

Ito ay sa kabila din ng mga patutsada ni Aklan Board Member Rodson Mayor kay Quimpo na di umano ay magastos ang tanggapan nito sa pundo kaya hindi pumayag na taasan ang alokasyon ng SP para sa taong ito ng 2013.

Nabatid mula sa Kalihim ng SP na si Odon Bandiola, ang mga bakanteng posisyon sa tanggapan ng SP ang naging rason kung bakit naka-save  umano ang pamahalaang probinsiya sa departementong ito.

Dahil hanggang sa ngayon ay nananatilng bakante parin ang ilang mga posisyon sa SP Office, kahit na pinondohan na ito.

Kung saan, batay sa naitala ng Provincial Budget Officer na si Mary Grace Macahilas na ipinalabas nitong ika-31 ng Disyembre ng taong 201, mahigit P2.3M ang hindi nagamit na pundo mula sa budget na mahigit P25.5M para sana sa Personal Services o pasahod sa mga empleyado.

Umabot naman sa 1.9 milyong piso ang sobra sa alokasyon para sa Maintenance ang Other Operating Expenses o MOOE mula naman sa P8M pondo ng SP para sa taong 2012.

Napag-alamang noong taong 2011 ang SP Office ay binigyan ng alokasyong P35M, habang ngayong 2013 naman ay nasa mahigit P33M, kapareho din ng pundo nitong 2012.

Ganoon paman ang savings na ito ng SP Office ay dinagdag din ng pamahalaang probinsiya sa Productivity Enhancement Incentives ng mga opisyal at empleaydo ng probinsiya. #ecm022013

19 na kandidato sa Malay, mangangako para sa ligtas at patas na halalan sa Mayo


Wala mang banta ng kaguluhan ang paparating na Local and National Election sa Mayo sa bayan ng Malay, itutuloy pa rin ng Pulisya, Commission on Election at Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang pagkasa ng Peace Covenant sa lahat ng kandidato sa bayan ito.

Sa panayam kay Inspector Mark Cordero, Hepe ng Malay Police Station, base sa obserbasyon nila noong mga daang eleksiyon ay wala namang naitalang Election Related na pangyayari kaya’t umaasa ito na magiging mapayapa naman ang halalan sa Malay.

Pero ang Peace Covenant umano na ikakasa nila ay para masiguro na “secure and safe” ang paparating na eleksiyon.

Maliban dito, magiging bahagi din ng Peace Covenant ang pangako ng labin siyam na kandidato sa Malay na sila ay tatalima sa mga alituntunin at batas na ipinapatupad kapag eleksiyon.

Gayon din ang kanilang paglagda sa pangakong walang gagamit ng dahas, at pagtraidor sa kapwa kandidato, ganon din ang paggamit sa mga pribado at armadong mga tao.

Dahil dito sa darating na linggo, ika-10 sa buwan ng Pebrero, tatlong buwan bago ang halalan ay gagawin na ang Peace Covenant sa Malay at isasagawa ito sa St. Joseph Parish sa nasabing bayan.

Nabatid naman kay Cordero na maging ang ibang bayan sa Aklan ay magkakaroon din ng katulad na hakbang para sa ligtas at patas na halalan. #ecm022013

Mga Lay Minister sa Boracay, maglilibot sa mga paaralan sa Ash Wednesday

Bisperas ng Araw ng mga Puso o Valentine’s Day ay araw din ng pagpapahid ng abo sa noo o Ash Wednesday para sa mga Romano Katoliko.

Kung saan ito rin ang mismong araw ng pagbubukas para sa gagawing pagpipenitensiya kaugnay sa papalapit na mahal na araw.

Sa panayam kay Rev. Fr.  Jomil B. Zambrona, isa sa mga Team Ministry o pari ng Holy Rosary Parish sa Balabag, ika-13 ng buwang ito araw ng Miyerkules, ay magkakaroon ng misa sa Balabag Church ng alas-6:30 ng umaga gayon din sa dalawa pang chapel sa Boracay sa Yapak at Manoc-manoc.

Ito ay upang mabigyang pagkakataon na makagpapahid ng abo sa noo ang mga Katoliko na nagnanais tumaggap nito.

Maliban dito, ang mga Lay Minister umano ng Parokya sa Boracay ay nag-iikot sa mga paaralan upang makatanggap din ang mga estudyante ng simbolo ng Kristiyanismo, sa kabila na mayroong klase ang mga ito. #ecm022013

Vendors, nawalis na sa Balabag!


Hindi na naka-arangkada pa ang mga vendors sa vicinity ngayon ng Balabag.

Ito ay makaraang ipatupad ng Balabag Barangay Officials ang pagbabawal sa mga vendors sa mga lugar gaya ng vegetation area sa beach at mga kalye na doon kalimitang naglatag ng kani-kanilang paninda.

Kaya ngayon, tila magnanakaw ang dating ng ilang sa mga vendors ng taho, balot at isda at iba pa na dumadaan sa Balabag lalo na sa front beach dahil sa kakatago sa mga nagbabantay sa mga ito.

Pero sa ngayon ay bahagyang luminis na ang front beach at ilang kalye sa Balabag na madalas na tinatambayan ng mga nagbibintang ito.

Samantala, nabatid naman mula sa Barangay Secretary ng Balabag na hanggang sa ngayon umano ay hindi pa nakukuha sa Barangay ang mga panindang nakompiska mula sa mga vendor na ito noong sinimulan ang pagpapatupad noong araw ng Biyernes.

Ganoon pa man, naroroon pa rin umano sa Barangay Hall ang mga souvenir items na ito na nakumpiska matapos i-imbentaryo ng mga MAP at barangay tanod. #ecm022013

Monday, February 04, 2013

Habang nalalapit ang Chinese New Year, Boracay, ‘fully booked” na


Ngayon pa lang ay “fully booked” na ang mga resort o hotel sa Boracay ilang araw bago ang Chinese New Year.

Nabatid mula kay Department of Tourism o DoT Boracay Officer In-Charge Tim Ticar na a-sais pa lang ng Pebrero ay aasahan na ang pagdatingan ng mga nakapagpa-reserve na sa mga resort para dito magdiwang ng Chinese New Year.

Dahil dito, aasahan na umano ang pagbaha ng turista sa Boracay.

Hindi lamang ng mga may nasyonalidad na Tsino, kundi pati ang mga Koreans at Taiwanese na kapwa nagdiriwang din nito sa darating na ika-10 ng buwang ito.

Nasasabi umano ito ni Ticar, lalo pa ngayon balik na ang “good relation” ng China at Pilipinas na dating nasira dahil sa isyu sa West Philippine Sea.

Kung saan binawi na rin umano ng China ang Travel Advisory laban sa Pinas, kaya wala na silang nakitang rason para maging sagabal.

Maliban dito, may mga travel agency na rin umano na nakipag-ugnayan sa kaniya na nagpahayag na magdadala ng may apat na daang turistang Tsino sa Boracay ngayong Chinese New Year. #ecm022013

Motorsiklong mahuhuling ginagamit sa pamamasada sa Boracay, babawian ng PTT


Awtomatiko na babawian ng “Permit to Transport” o PTT ang mahuling gumagamit pampasada ang motorsiklo sa Boracay.

Ito ang inihayag ni Malay Transportation Officer Cezar Oczon sa panayam dito kaugnay sa hindi masawatang pagbiyahe ng ilang indibidwal gamit ay motorsiklo o ang tinatawag na mga habal-habal.

Ayon kay Oczon, sa ngayon ay sakit ng ulo ni Malay Mayor John Yap ang problemang ito.

Kaya naman, ngayong wala nang moratorium na ipinapatupad sa pagbibigay ng Permit to Transport sa mga nais magpasok ng mga bagong sasakyan sa Boracay lalo na sa motorsiklo sa isla ay maghihigpit na umano sila sa pagbibigay ng PTT at kasama na ang barangay sa pagbusisi ng sa dokumento at pagkakakilanlan ng aplikante para sa bagong Permit to Transport.

Maliban dito, nilinaw din nito na ang sinumang mahuling ginagamit ang motorsiklo sa pamamasada sa Boracay, gayong malinaw naman umano sa ordinansa na ang motorsiklo dapat sa isla ay ginagamit sa pang-pribado lamang.

Agad umano nila ito babawian ng PTT at dadalhin ang sasakyan sa mainland Malay.

Katunayan, ayon sa Transportation Officer, nitong Enero ng kasalukuyang taon ay nakapagtala na ng 17 motorsiklo ang nahuli nila dito.

Ilan sa mga ito ay walang permit, at ang iba naman ay nasampulan agad dahil nahuling pumasada kaya binawi ang Permit to Transport ng mga ito.  #ecm022013