YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, October 04, 2014

Hiling na financial assistance ng LGU Malay sa DPWH aprobado na sa SB Malay

Posted October 4, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaprobahan na sa Sangguniang Bayan ang resolusyon para sa sa hinihiling ng LGU Malay na financial assistance kay Sec. Rogelio Singson ng DPWH.

Ito ay inaprobahan sa huli at ikalawang pagbasa sa ginanap na 29th regular session ng Malay nitong araw ng Martes.

Nabatid na itinutulak ng Malay na humingi ng tulong kay Singson para sa kanilang eco-tourism project kung saan para maisaayos ang mga circumferential road ng nasabing bayan.

Ayon kay SB Member at Chairman ng Committee on Laws Rowen Aguirre ang resolusyong ito ay isang ecotourism purposes.

Samantala, nabatid na kung sakaling matuloy ito ay ang DPWH ang siyang magbibigay pondo ng construction at development ng circumferential roads sa mainland Malay.

Napag-alaman na ilang bayan na rin sa probinsya ng Aklan ang lumapit at nakaipag-ugnayan kay Singson para sa ganitong klaseng proyekto.

Sa ngayon isa ito sa nakikitang paraan ng SB Malay na lalong makilala ang kanilang ipinagmamalaking turismo kung ito’y maisasakatuparan.

BIWC, dinagdagan na ang “Water Free Drinking Fountain Unit” sa Boracay

Posted October 4, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Wala nang mauuhaw na bakasyunista sa Boracay.

Ito’y matapos na dinagdagan na naman ng Boracay Island Water Company (BIWC) ang kanilang “Water Free Drinking Fountain Unit” sa isla.

Batay sa ipinadalang kalatas ng BIWC, ang nasabing proyekto na pinondohan ng mahigit 76, 000 pesos ay ipinatupad sa D’ Mall de Boracay, D’ Talipapa at Cagban Jetty Port.

Ayon sa BIWC, ang “Water Free Drinking Fountain Unit” na ito ay matagumpay na naipapatupad sa pakikipagtulungan rin ng Manila Water Foundation at Philippine Chamber of Commerce.

Sa pamamagitan umano nito, makakasigurong malamig at malinis na tubig ang maibibigay sa mga bakasyunista at turista ng libre, kung saan malaki din ang maitutulong sa pagpapalago ng turismo sa Boracay.

Samantala, ipinaabot din ng BIWC na maaari rin itong gamitin ng publiko lalo na yaong may mga gagawing aktibidad sa isla.

Nabatid naman na taong 2012 pa umano ito napag-planohan at ipinakiusap ni Tourism Sec. Ramon Jimenez na kaagad gawin, subalit ngayon lamang naisakatuparan dahil sa pagkokonsidera ng ilang lokasyon.

Resolusyon para sa pag fast track ng Boracay hospital aprobado na sa huli at ilakawang pagbasa ng SB Malay

Posted October 4, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaprobahan na sa huli at ikalawang pagbasa ng Sangguniang Bayan ng Malay ang resolusyon para sa pag fast truck ng Boracay hospital.

Sa SB Session ng Malay nitong Martes inaprobahan ito sa pangunguna ni SB Member at Chairman ng Committee on Laws Rowen Aguirre matapos itong sumailalim sa ilang deliberasyon.

Aniya, isa itong paraan para ma-aksyonan na ito ng Department of Health (DOH) upang mapabilis ang ginagawang construction at renovation ng tatlong palapag na hospital.

Samantala, napag-alaman na ang DOH Region 6 ang siyang may hawak ng proyektong ito kung kayat isa sila sa pinadalhan ng sulat ng Sangguniang Bayan ng Malay.

Nabatid na iniakda ni Aguirre ang nasabing resolusyon dahil sa pagkabahala sa mga pasyente sa Boracay na hindi kayang magpagamot sa mga pribadong klinika sa isla.

Sa ngayon tanging iisang kwarto nalang ang pasamantalang ginagamit ng naturang hospital para sa mga pasyente kabilang na ang emergency room dahil sa ginagawang construction at nanganganib na matapos sa lalong madaling panahon.

Friday, October 03, 2014

Aklan, ginulantang ng intensity 5 na lindol; Antique, sentro ng pagyanig

Posted October 3, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagulantang ang mga residente sa probinsya ng Aklan matapos na maranasan ang isang pagyanig.

Ito’y matapos na mangyari ang hindi inaasahang intensity 5 na lindol sa probinsya.

Ayon sa pagtala ng Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOCS), naitala ang 5.7 magnitude na lindol sa bayan ng Culasi, Antique dakong alas kwatro nitong hapon.

Samantala, maliban sa Antique, naitala din sa probinsya ng Aklan ang intensity 5, Intensity 6 - Culasi, Antique; Intensity 5 - Sebaste,Pandan, Lauan and Libertad (Antique); Intensity 4 - San Jose, Sibalom and San Remegio (Antique); Intensity 3 - La Carlota City; Roxas City; Iloilo City; Intensity 2 - Cebu City; Intensity 1 - Zamboanga City.

Base sa datus na ipinalabas ng PHIVOLCS, wala namang naitalang damage o casualties sa nasabing pagyanig.

Local TB Control Program para sa Aklan, inaprobahan na sa Sangguniang Panlalawigan

Posted October 3, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Aprobado na sa ginanap na 34th SP Regular Session ang Local TB Control Program para sa Aklan.

Ang nasabing resolusyon na ini-akda ni SP Member Nelson Sta. Maria ay naglalayong paigtingin pa at magkaroon ng sapat na implementasyon ng mga programa para sa sakit na tuberculosis (TB).

Samantala, nabatid na mayroong 20 rural health units, tatlong hospital at clinic na accredited and certified DOST facilities sa probinsya.

Napag-alaman din na noong nakaraang taon ay nakapagtala ang Aklan ng nasa 90% na kaso ng TB  kompara sa 101% noong 2012.

Meron ding naitalang 91% tuberculosis cure rate noong nakaraang taon, kung saan mataas ito ng 77% noong 2010.

Kaugnay nito, inaasahang magkakaroon ng ibat-ibang plano ang gobyerno tungkol dito katulad ng inaasang paglagay ng Multi-drug-resistant TB Satellite Treatment Center sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital.

TIEZA COO Mark Lapid, di makakarating sa pulong bukas ng BFI at BRTF

Posted October 3, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Hindi makakarating sa pulong bukas ng BFI at BRTF si Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) COO Mark Lapid.

Ayon kasi kay Boracay Foundation, Inc. (BFI) President Jony Salme, may ibang schedule si Lapid kung kaya’t si Atty.Guiller Asido ang darating upang pag-usapan ang mga proyektong kailangang tapusin bago sumapit ang 2015 APEC Hosting ng Boracay.

Magugunitang sinabi ni mismong Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño na ilalatag nila sa nasabing pagpupulong ang mga problema sa isla katulad ng drainage, mga street lights at mga kalsada dito.

Samantala, ayon pa kay Salme, dadalo din bukas sa pagpupulong si DOT Asec. Boncato, DOT 6 Regional Director Atty. Helen Catalbas, maliban pa kina Governor Joeben Miraflores at Mayor John Yap.

Christmas decors sa ibat-ibang pamilihan sa Aklan, tinututukan ng DTI

Posted October 3, 2014
Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Nakatutok ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) Aklan sa mga ibinibentang Christmas decors ngayong nalalapit na ang kapaskuhan.

Katunayan nag-uumpisa nang mag-monitor ang nasabing ahensya sa ibat-ibang pamilihan sa probinsya para masiguro ang kaligtasan ng mga mamimili at maiwasan ang dayaan.

Ayon kay DTI Aklan Provincial Director Diosdado P. Cadena Jr., mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga ibibintang palamuti lalo na pagdating sa Christmas lights.

Aniya, lahat ng ibinibintang Christmas lights ay imported at walang gumagawa nito sa bansa kung kaya’t bago umano ito ilabas sa isang bodega ay nakapasa na ito sa standards at testing kasama ang paglagay ng sticker na ICC saka naman  e re-release ng Bureau of Customs (BOC).

Samantala, ito umanong ICC o Import Commodity Clearance sticker ay paniguro na pasado sa mandatory safety tips ng DTI kaya safe at reliable gamitin.

Sinabi din nito na ang pag-iba ng ICC sticker ng DTI ay para hindi na mapeke katulad ng mga nagsilabasan noong mga nakaraang taon kung saan ilang mamimili ang nabiktima dahil sa hindi magandang kalidad ng Christmas lights.

Paulit-ulit namang payo ng DTI na sundin ang lahat ng mga palatuntunin sa pamimili at huwag basta-bastang bumili ng mga bagay na walang kasiguridahan kahit ito’y mura dahil maaari itong magdulot ng peligro sa buhay ng isang tao.

Foreman at construction helper, parehong sugatan matapos magsuntukan sa Boracay

Posted October 3, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Parehong sugatan ang isang foreman at construction helper sa Boracay matapos na magsuntukan ang mga ito sa loob ng compound sa Manoc-Manoc Boracay.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, humingi ng police assistance ang isa sa mga residente doon, kung saan may nangyayaring komosyon sa loob ng compound ng Manoc-Manoc Elementary School.

Dahil sa insidente, dinala ang mga ito sa himpilan ng Boracay PNP Station, subalit nang muling magharap ang dalawa ay nagkasundo na sa pagitan nalang nila ayusin ang hindi pagkakaintindihan.

Nangako din umano ang mga ito sa pulis na hindi na muling gagawa ng iskandalo sa lugar.

Kaso ng dengue sa Aklan, tumaas ng 47.91% - PHO

Posted October 3, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patuloy na tumataas ang kaso ng dengue sa Aklan.

Batay sa pinakahuling monitoring ng Provincial Health Office (PHO), umakyat na ito sa 47.91% o 815 na kaso ng dengue sa loob ng tatlong buwan.

Ayon kay Disease Surveillance Officer, Gino Val Taytayon ng PHO, pinakamalaking naitala ng kaso nito ay buwan ng Hulyo na may 290, sinundan ng Hunyo na may 128 na kaso at 117 para sa buwan ng Agosto taong kasalukuyan.

Batay sa naitalang record mas maraming kalalakihan ang nagkaroon ng dengue, kung saan nailista ang nasa 429 habang 386 naman sa mga babae.

Samantala, nangunguna naman sa mga lugar na may pinaka-maraming kaso ng dengue virus ang bayan ng Kalibo na may 188, sinundan ng Malay na may 111 at Banga bilang pangatlo na may 76 na kaso.

Dahil dito, muli na umanong pinayuhan ng kagawaran ng DOH ang mga public at private hospital na magkaroon o magbukas ng Dengue Express Lane.

Sa pamamagitan umano nito, agad mabibigyan ng atensyong medikal ang mga may sakit na dengue.

Upang maiwasan naman ang pagkakaroon ng dengue virus, payo ng PHO, pa-igtingin ang “Search and Destroy” program o paghahanap ng mga pugad ng lamok at ito’y wasakin.

Thursday, October 02, 2014

Babaeng nag-withdraw ng pera, nabiktima ng budol-budol sa Kalibo, Aklan

Posted October 2, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Isang malaking katanungan na lang ngayon ang naiwan kung matutuloy pa ang pagpapagawa ng bahay ng isang ginang sa Kalibo, Aklan.

Nabiktima kasi ito ng budol-budol matapos magwithdraw ng 49 mil pesos sa isang bangko kahapon ng umaga.

Hindi na ibinigay ng Kalibo PNP ang pangalan ng 63 anyos na biktima base narin sa kanyang kahilingan.

Nguni’t base sa salaysay nito sa presento ng Kalibo PNP, lumapit umano sa kanya ang isang babae at isang lalaki at nakipagtransaksyon tungkol sa isang negosyo.

Samantala, nahimok umano ng mga hindi nakilalang suspek ang biktima na itago ang kanilang 10 mil pesos na pera sa kanyang bag at nangakong babalik.

Gulat at dismayado naman ang biktima nang matuklasang wala na ang kanyang pera matapos itong magdesisyong tingnan ang perang iniwan sa kanya ng mga suspek nang hindi na ang mga ito nakabalik.

Duda naman ang mga otoridad na isang switching tactic ang ginamit sa biktima kung kaya’t hindi nito namalayang kinuha na ng mga suspek ang kanyang pera at pinalitan ng puro papel.

Nabatid na ipapagawa pala ng bahay ang perang winidraw ng biktima.

Mga utility providers sa Boracay, pinulong ng BRTF dahil sa mga nakalaylay na kable sa poste

Posted October 2, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pinulong ng BRTF o Boracay Redevelopment Task Force ang mga utility providers sa isla ng Boracay.

Kugnay ito sa mga nakalaylay na kable sa poste na matagal nang nagiging ‘eye sore’ sa mga turista at delikado sa publiko.

Humarap sa BRTF nitong umaga ang mga engineers ng PANTELCO o Panay Telephone Company, AKELCO o Aklan Electric Company, PCTV o Paradise Cable Television, at Kalibo Cable upang pag-usapan ang pagsasaayos ng kanilang mga kable.

Kinumpirma naman ng taga BRTF, na bahagi parin ng paghahanda para sa nalalapit na APEC o Asia-Pacific Economic Cooperation hosting ng Boracay ang nasabing pagpupulong.

Magugunitang umani ng iba’t-ibang komento mula sa mga turista sa isla ang sitwasyon ng mga kable maging ang mga posteng tila matutumba na subali’t nakatayo parin sa gilid ng kalsada.

Construction worker, nagreklamo sa BTAC matapos suntukin ng kapwa construction worker

Posted October 2, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo ng physical injury sa himpilan ng Boracay PNP Station ang isang construction worker matapos na suntukin ng kapwa nito construction worker.

Sumbong ng nagrereklamong si Adrian Dela Cruz, 29 anyos ng Rosario Cavite, nakikipagtalo ito sa kapwa din construction worker na nakilalang si certain Rogelio Villafranca nang biglang lumapit at sumali di umano sa usapan si Vicente Patricio, 46 anyos ng Sebaste Antique at sinuntok si Dela Cruz.

Kaagad namang naawat ng iba pa nitong mga kasamahan ang insidente, subalit nag-iwan ng sugat sa bibig ng biktima.

Samantala, nang sa himpilan ng BTAC ay nagkasundo ang huli na sa baranggay nalang ayusin ang nasabing kaso.

Mga nagparehistrong botante para sa SK Election sa Malay umabot lang sa mahigit 200

Posted October 2, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Umabot lang sa mahigit 200 ang mga nagparehistrong kabataan sa Comelec Malay para sa darating na SK Election sa susunod na taon.

Sa tala ng Commission on Election (Comelec) Malay, umabot lang sa 295 ang kanilang na-record simula nang magbukas ang registration nitong Setyembre 21 hanggang Setyembre 29, 2014.

Ayon kay Malay Comelec Officer Elma Cahilig, kukunti lang umano ang nagparehistro ngayon dahil sa tila nawalan na umano ang ibang kabataan ng gana matapos itong i-postpone noong nakaraang Oktobre 29, 2013.

Samantala, may nauna nang 729 na mga kabataan ang nagparehistro sa Comelec Malay bago paman ito pansamantalang ipinagpaliban ni Pangulong Noynoy Aquino alinsunod sa RA 10632.

Sinabi pa ni Cahilig na idadagdag umano ang 729 sa 295 kung saan ito ang magiging kabuoang bilang ng mga botante ng Malay sa gaganaping SK Election sa Pebrero 21, 2015.

Nabatid na ang isasagawang eleksyon sa susunod na taon ay magiging manual lamang at hindi PCOS Machine na siyang kasalukuyang ginagamit sa National Election sa bansa.

Boracay Dragons Frisbee Team, kinilala ng SP Aklan

Posted October 1, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Paparangalan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang Boracay Dragons Frisbee Team.

Ito’y bilang pagkilala sa pagkakasungkit ng nasabing grupo sa kampeonato ng US Frisbee Competition na ginanap sa Maryland, Washington DC nitong nakaraang Agosto 9-10, 2014.

Sa ginanap na 34th SP Regular Session kaninang umaga, inaprobahan ang ipinasang resolusyon ni SP Member Esel Flores na kilalanin ang nasabing koponan.

Samantala, nabatid na ilang beses na ring nakapag-uwi ng karangalan ang Boracay Dragons Frisbee Team mula sa iba’t-ibang mga Ultimate Championships Competition.

Ayon sa SP Aklan dapat ipagmalaki ang nasabing karangalan sapagkat hindi lamang ito para sa isla ng Boracay at probinsya ng Aklan, kundi karangalan ng buong Pilipinas.

Pinasalamatan naman ng koponan ang mga sumuporta sa kanila na isa sa mga naging inspirasyon umano nila upang masungkit ang kampeonato sa Amerika.