YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 27, 2014

Pagsusuot ng military uniform ng ilang BAG members sa Boracay, maaaring makakalito - BTAC

Posted September 27, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Umani ngayon ng iba’t-ibang reaksyon sa isla ng Boracay ang pagsusuot ng military uniform ng ilang mga myembro ng Boracay Action Group (BAG).

Kaugnay nito, sinabi ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na maaaring idulog sa kanilang himpilan at ipaabot kay BTAC Chief S/Insp. Mark Evan Salvo ang nasabing usapin.

Ayon kay PO1 Teddy Dalisay ng BTAC, maaari rin kasing makalito sa mga residente ang pagsusuot ng military uniform ng ilang BAG members sa pag-aakala na sila ay police.

Bagamat hindi lingid sa kaalaman ng marami na malaki ang naitutulong ng mga BAG members sa isla, mas maiging pag-usapan din umano ang nasabing isyu upang sila na rin mismo ang tutulong sa pag-aksyon tungkol sa uniporme ng mga BAG members na naangkop sa kanila.

Samantala, nabatid na ilang mga residente at myembro na rin ng BAG ang kumukuwestiyon tungkol sa pagsusuot ng military uniform ng mga myembro nito.

SB Malay, malaki ang tiwala sa operasyon ng E-trike ng Gerweiss Motors sa Boracay

Posted September 27, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Malaki ang tiwala ng Sangguniang Bayan (SB) Malay sa operasyon ng electric tricycle (e-trike) ng Gerweiss Motors Corporation sa isla ng Boracay.

Katunayan, ang e-trike ng Gerweiss ang pinili ng Local Government Unit (LGU) Malay na maging standard ng lahat ng kumpanya ng e-trike na papasok sa isla.

Nabatid na ang e-trike ng Gerweiss ay kumportableng sakyan ng mga pasahero dahil sa tamang espasyo at sukat nito kumpara sa ibang e-trike sa isla.

Ngunit sa kabila nito hindi parin ngayon naaprobahan sa SB Malay ang resolusyon na nagpapatibay sa mga alituntunin at patakaran sa akreditasyon ng electric tricycle (e-trike) supplier at seller sa bayan ng Malay.

Napag-alaman na noong nakaraang Session ng Malay ay nasa ikalalawang pagbasa na ito ngunit nitong Martes ay hindi ito natalakay dahil sa pasamantalang kinansela ang nasabing session.

Samantala, karamihan sa mga bumibiyaheng e-trike ngayon sa isla ay pagmamay-ari ng Gerweiss Motors Corporation na nagmumula pa sa Maynila.

Driver sa Boracay, umano’y pinagbantaang barilin ng MAP member

Posted September 27, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo sa himpilan ng Boracay PNP Station ang isang driver ng motorsiklo matapos umanong pagbantaang barilin ng isang MAP member sa Boracay.

Sumbong ng motoristang si Jimmy Pelayo, 30 anyos ng Libacao, Aklan, alas nueve ng umaga habang nagmamaneho ito sa Manoc-Manoc Boracay nang malamang sinusundan sya ng isang Municipal Auxiliary Police (MAP) member.

Anya, habang nakasunod ang nasabing myembro ng MAP sa kanya ay nagsisigaw ito at nagbabantang babarilin sya kapag hindi huminto.

Dahil sa takot ay pinahahuhurot nalang umano nito ang kanyang dalang motorsiklo at tinakasan ang nasabing MAP member.

Dagdag pa ng biktima na bago umano maganap ang insidente ay naayos na nya ang inisyu sa kanyang violation tungkol sa hindi pagsusuot ng helmet.

Ine-refer naman ngayon ang nasabing kaso sa Brgy. Justice System ng lugar.

Pagtitinda ng mga kapatid na Muslim sa lugar na pasok sa 25+5 meter easement, bawal ayon sa BRTF

Posted September 27, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi vendor kungdi ang pagtitinda o pag-alok ang bawal sa lugar na pasok sa 25+5 meter easement.

Ito ang nilinaw kanina ni BRTF o Boracay Redevelopment Task Force Secretary Mabel Bacani kasabay ng pagpapatawag nila sa mga Muslim vendors sa isla.

Kaugnay ito sa paulit-ulit nilang pagiging pasaway at paglabag umano sa batas tungkol sa bawal na pag-aalok o pagtitinda sa dalampasigan.

Sa ginanap na pagpupulong kanina, iginiit naman ng mga nagrereklamong vendors na hindi nila alam ang tungkol sa 25+5 meter easement, bagay na ikinadismaya ng BRTF.

Samantala, ipinaliwanag naman ng BRTF sa mga kapatid na Muslim na dapat magtulungan ang lahat lalo pa’t nakakaranas ngayon ang Boracay ng malaking pagbagsak ng turismo dulot ng travel ban ng China sa Pilipinas.

Nabatid na umalma rin ang mga nasabing vendors sa paulit-ulit na paghuli sa kanila ng MAP o Municipal Auxiliary Police kapag nagtitinda sila sa baybayin ng Boracay.