YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, April 20, 2013

Mga poster na nakapako sa mga puno sa Boracay, babaklasin ng CENRO sa Lunes

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Magbabaklas ng mga campaign posters na ipinako sa mga puno sa Boracay ang CENRO sa araw ng Lunes.

Kaya ang mga poster ng mga kandidato ay hindi na hahayaang nakapako lang sa mga puno.

Dahil maliban sa labas na sa designated common poster area na siyang ipinagbabawal ng Comelec, ay nagmamalasakit lamang din umano sila sa mga punong ito.

Maging ang patalastas ng anumang produkto na pinu-promote sa Boracay na nakapako doon ay aalisin din nila ito.

Ito umano ang isa sa aktibidad na gagawin ng CENRO ayon kay Boracay CENRO Officer Merza Samillano sa darating na ika-22 ng Abril kasabay ng pagdiriwang ng International Earth Day.

Kaya ngayon pa lang ay nakikipag-coordinate na umano sila sa pulisya para sa balak nilang aktibidad sa pakikipagtulungan din ng Department of Tourism Boracay.

Maliban dito, nakatakda din umano silang magtanim ng mangroves sa Lugutan Area, Sitio Tulubhan, Manoc-manoc sa araw na iyon.

Pagdaong ng mga bangka sa beach front ng Boracay, hindi na pinuproblema ng Coast Guard

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Hindi na umano pinuproblema ngayon ng Coast Guard sa Boracay ang pag-daong ng mga bangka kahit saang bahagi ng front beach sa isla.

Ito ay dahil naging “educated” at sumusunod na rin ang mga kapitan ng mga bangkang ito sa ordinansa ng bayan kung hanggang saan lamang at saan pwede ang mga ito.

Ayon kay Boracay Coast Guard P0 2nd Condrito Alvares, sa ngayon, sa ginagawa nilang pag-oobserba at pagmonitor sa sitwasyon ng beach line dito, wala na umano silang nahuhuling boatmen na dumadaong sa kung saan-saan lang na nakaka-istorbo sa mga naliligo.

Ito ay dahil lahat umano ay doon na dumadaong na sa designated areas sa station 1 at 3 na ibinigay ng lokal na pamahalaan kung saan pwedeng maging loading at unloading area.

Resulta din umano ito ng ilang beses na pakipag-dayalogo ng Coast Guard sa boatmen at kapitan ng bangka ng island hopping at maging ng mga paraw.

International paddlers, tuloy ang pagsagwan sa Boracay! --- BIPA

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Mas maraming kalahok umano ang kasali ngayong taon para sa 2013 Boracay International Dragon Boat Festival kumpara noong nakaraang taon.

At ang kagandahan din dito, ayon sa organizer na si Boracay Island Paddler Association o BIPA President Nenet Graf, ay dumami na rin ang mga grupo na nagmula dito sa isla.

Pero mas marami pa rin umano ang mga delegado na nagmula sa Singapore.

Kung saan, dagdag pa nito, ay mahigit 900 paddlers ang inaasahang sasagwan at makipagtagisan sa karera na ito.

Subalit, aminado ang BIPA president na dumaranas sila ngayon ng hamon habang papalapit ang araw ng aktibidad.

Pero pinasiguro ni Graf na tuloy pa rin ang karera na lalahukan ng mga paddlers na delegasyon mula sa ibat’t ibang panig ng mundo.

Ang nasabing aktibidad ay gaganapin sa beach ng station 2 sa islang ito na magsisimula sa ika-25 hanggang ika-27 ng buwang ito ng Abril.

Ayon kay Graf, kulang pa talaga sila sa financial support sa ngayon, kaya ito ang pinipilit nilang tugunan sa ngayon para sa mga kakailanganin nila sa aktibidad, lalo na sa mga awards na ibibigay sa mga kalahok.

Kaya plano na rin umano ng BIPA na humingi ng tulong sa punong ehekutibo ng Malay.

Samantala, kung noong 2012 Boracay International Dragon Boat Festival ay nagkaroon ng isyu ang karera sa Boracay dahil sa sinabayan din ito ng katulad na aktibidad ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) na dito din sa isla ang venue, ngayong taon ay tila muling sinabutahe na naman sila, ayon kay Graf.

Dahil, ang PDBF, bagamat sa Bohol na ang venue nila ngayon, ang petsa ay katulad o kasabay din sa aktibidad nila dito sa Boracay ngayon.

Ganoon pa man, ayon dito ay marami pa rin ang kalahok nila kahit muli ay sinabayan pa sila ng PDBF.

Crisis Intervention Unit sa Boracay, magagamit na

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

24/7 ay bukas na ang Crisis Intervention Unit o CIU sa Boracay.

Ito ay kasunod ng pormal na paghahayag ni Malay Municipal Social Development Welfare Officer Magdalena Prado na opisyal nang binuksan ang CIU sa Boracay Action Center.

Kaya pwede na itong magamit na shelter para sa mga nangangailan ng tulong na wala pang matutuluyan, at habang inaayos pa ng MSWD upang maibalik sa kanilang pamilya o kaya ay mai-turn over sa kinauukulan ang isang indibidwal na ipinagkatiwala sa kanila.

Ayon pa kay Prado, sa ngayon ay may mga gwardiya nang nagsasalitan sa CIU pang hindi mawalan ng tao ang shelter na ito.

Dagdag pa ng opisyal, may pondo din silang inilaan para sa pagkain ng mga residents at upang maalagaan ng maayos ang mga ito.

Samantala, inaasahang magiging sagot na rin ito sa problema ng pulisya sa isla kung saan dadalhin ang mga kabataang nahuhuling lumalabag sa batas.

Kung maaalala sa Boracay, maliban sa mga menor de edad na nahuhuling lumalabag sa curfew, ilang kabataan din ang nasasangkot sa mga krimen, at mayroon din biktima ng karahasan at ang iba naman ay nawawalay sa kanilang magulang na ibinibigay sa pangangalaga ng mga social workers.

Friday, April 19, 2013

Social Worker sa Boracay, iisa lang!

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Sa kabila ng mga problema mayroon sa Boracay kaugnay sa mga kabataan, aminado nga ang Municipal Social Development Welfare Office o MSWDO ng Malay na kulang pa rin ang social worker dito sa Boracay.

Kaya may mga pagkakataon parin umano na kapag may lumapit sa kanilang tanggapan para manghingi ng tulong ay naantala ang mga ito, lalo na kung magsabay-sabay ang trabaho nila.

Ganoon pa man, sinabi ni Malay MSWDO Officer Magdalena Prado na kulang man sila sa tao, pinipilit umano nilang magampanan ang kanilang tungkulin.

Bunsod nito, humingi ng pag-unawa si Prado sa publiko kaugnay sa kanilang serbisyo.

Ganoon pa man, para sa taong ito ay humiling na rin umano sila ng karagdagang social worker para isla, kaya kapag may aplikante ay kino-konsidera na rin nila ito.

Nabatid din mula kay Prado na iisa lamang ang social worker sa Boracay, kaya kung may iba itong pupuntahan ay mga guwardiya na lamang ang natitira sa Crisis Intervention Unit o CIU sa Boracay.

Mga security guards sa Boracay, mao-organisa na


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Lahat ng mga security guards sa Boracay ay magkakaroon na records sa LGU Malay.

Dahil gaano man kadami ng mga sekyu na ito mula sa iba’t ibang security agency na dito naka-assign ay kailangan nang magrehistro partikular sa Malay Public Employment Service Office o PESO.

Sapagkat ayon kay P03 Condrado Espino, ng Boracay Tourist Assistance Center o BTAC, sa pagkakataong ito ay magkakaroon na ng asosasyon ang mga guwardiya dito.

Kung saan ang asosasyon na ito ay idadaan din umano sa Sangguniang Bayan ng Malay na tinatawag nilang Boracay Security Organization Association o BSAO.

Maliban dito, aasahan umano na magkakaroon na rin ng mesa sa himpilan ng BTAC na ang layunin lang ay tumanggap at magbigay aksiyon sa lahat ng problemang may kauganayan sa mga security guard.

Dagdag pa nito, maiwasan na rin aniya ang mga “fly by night” at hindi rehistradong mga guwardiya sa pagkakataong ito.

Ayon kay Espino, nabuo ito batay na rin ng kautusan ni Regional Director P/C Supt. Agrimero A. Cruz, Jr., at bahagi ng kanilang napag-usapan sa isinagawang pulong na pinangunahan ng Firearms and Explosives, Security Agencies and Guards Sections o FESAGS kahapon.

Kabilang umano sa napag-usapan ay ang pagbabawal na sa mga sekyu sa Boracay na gumamit ng long fire arm o mahahabang baril.

Samantala, pinangunahan naman ni Supt. Conrado Carganillo, chief of the Security Agencies and Guards Unit (SAGU) Police Regional Office (PRO 6) ang pulong na ito.

Seguridad ng Boracay, pinag-uusapan na sa PNP consultative meeting

Ni Bert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Pinag-usapan na sa ipinatawag na consultative meeting ng PNP Regioanl Office ang seguridad ng Boracay.

Sinimulan ang nasabing pagpupulong ng ilang operational accomplishments ng Boracay PNP, sa pamamagitan ni mismong Boracay PNP chief PSIns. Joeffer Cabural.

Samantala, sa kalagitnaan ng open forum, pinag-usapan ng mga taga-PNP Regional Office 6 at ng ilang stakeholders doon ang sitwasyon ng mga pulis sa isla.

Dito iminungkahi ni Chief Directorate for Investigation and Detective Management Division PSSupt. Cornelio Defensor, na gawing unit ang kasalukuyang Boracay Tourist Assistance Center ng Boracay Police.

Ito’y upang ma-adjust o maisaayos din umano ang budget para sa operasyon ng nasabing himpilan.

Bagay na sinag-ayunan naman ni BFI o Boracay Foundation Incorporated President Jony Salme.

Sa kabilang dako, pinag-usapan din ang tungkol sa sitwasyon ng mga pulis ng BTAC, kaugnay sa land dispute o agawan ng lupa sa Boracay.

Kung saan iginiit ni Deputy Regional Director for Operations PSSupt. Alan Guisihan, na ang trabaho lang dapat ng mga pulis ay ang pagmentina ng peace and order at crime prevention, at hindi para dito.

Kaugnay nito, ayon pa kay Guisihan, ang mga ideya umanong inilatag sa nasabing consultative meeting ay kanila namang iko-consolidate o pag-isahin upang maisa-pinal.

Nabatid na ang mismong mga taga PNP Regional Office 6 ang nagpatawag ng nasabing pagpupulong kaugnay sa seguridad ng Boracay na malugod namang dinaluhan ng mga stakeholders dito.

Thursday, April 18, 2013

SB member ng Malay, “after election” na muling magkikita sa session

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Magkakaroon na ng mahaba-habang oras para sa pangangampaniya ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay na muling magpapapili.

Sapagkat pagkatapos pa ng eleksiyon muling magkikita at babalik sa sesyon ang mga ito para gampanan ang kanilang ilang araw na lamang na panunungkulan bago magtapos ang 2010-2013 na termino hanggang buwan ng Hunyo.

Ito ay makaraang ang SB Secretariat na mismo ang humihingi ng break dahil sa abala ang mga ito sa paghahanda para sa nalalapit na Malay Municipal Fiesta na magsisimula sa ika-30 ng Abril, kung saan a-uno ng Mayo naman ang kaarawan.

Sa nalalabing tatlong regular sesyon pa sana ng konseho bago ang election.

Dalawa dito ay ilalaan ng SB Secretariat para sa pag-ayos ng mga detalye para sa Fiesta, habang ang isang sesyon naman ay isang lingo na lang bago ang halalan.

Kaya naman prangkang sinabi ng SB kamakalawa na hindi na mula nila maaaksiyunan ang ibang resolusyong naka-agenda at gagawin nila ito sa pagbabalik nila matapos ang May 2013 election.

SB Malay tila wala ng tiwala sa ECC ng DENR!

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Kahit na mismong ang PetroGreen Energy Corporation na ang nagsasabing may ECC na sila mula sa DENR para sa Nabas-Malay Wind Power Plant.

Pero tila diskumpiyado pa rin ngayon si Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre na wala nga talagang epekto ang mga wind turbine na ilalagay sa Nabas at ang iba naman ay sa Barangay Napaan, Malay.

Sapagkat ayon kay Aguirre, minsan na rin umanong nagka-problema ang isang proyekto dito na nabigyan na ng Environmental Compliance Certificate o ECC ng DENR.

Ngunit kinuwestiyon ito ng mga stakeholders sa epekto na maaaring madala nito sa kapaligiran.

Tinukoy ng konsehal ang proyektong reklamasyon sa Caticlan, na ipinatigil ngayon dahil sa isyu may kinalaman sa environment at ang bagay na ito ang ayaw nilang maulit pa.

Kaugnay nito, kinuwestiyon din ni SB Member Jupiter Gallenero ang mga representante ng PetroGreen Energy na dumalo sa isinagawang sesyon ng konseho noong ika-16 ng Abril para manghingi ng pag-endorso sa konseho para sa proyekto, na kung ang 25 wind turbines ba ay hindi makaka-epekto sa operasyon ng Boracay Airport na halos malapit lang din sa balak na paglatagan ng energy wind farm na ito.

Pero ipinagdiinan ng isa sa representante ng kumpanya na si Marivic Oliver na batay umano sa mga pag-aaral na ginawa na nila, hindi ito makakasagabal sa mga eroplano doon.

Ang wind power plant ay planong ilagay bundok na sakop ng Nabas at Malay area na siyang magpo-produce ng enerhiya mula sa mga turbines na maaaring i-supply sa buong isla ng Panay hindi lamang dito sa Nabas, Malay at Boracay.

Bottle-nose dolphin na na-stranded sa baybayin ng Boracay, ligtas na naibalik


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Naka-survive at ligtas na ngayon ang isang dolphin na dumagsa sa baybayin ng Sitio Hagdan Barangay Yapak kahapon ng umaga.

Ayon kay Felix Jan Balquin, Marine Biologist ng Malay Agriculture Office, muling ibinalik nila sa dagat ang bottle-nosed dolphin makaraang ilipat ito ng lugar upang makapag-pahinga matapos pinapaniwalang naligaw ito at napapad sa isla.

Ayon kay Balquin, kusang gagaling ang pinsala sa nguso na dolphin na pinapaniwalang nakuha iyon sa kakasisid gawa ng pagkakaligaw ng mammal na ito.

Nabatid din mula sa marine biologist na nasa 1.8 meter ang  haba ng dophil, na pinakawlan din  nila bago ang alas onse nitong umaga  sa layong 1.5 kilometro na bahagi ng dagat ng Yapak.

Ang pagdagsa umano ng species na ito sa Boracay ay isang indikasyon na gumaganda na ang estado ng dagat dito dahil marami na silang makakain kaya dito na sila dumadagsa.

Dahil dito may payo ngayon ang marine biologist sa publiko na kung muling makakita ng ganitong uri ng species na mapadpad sa baybayin ng Malay at Boracay, hangga’t maaari ay iwasang hawakan at palibutan ng tao ang mamal na ito, dahil maaaring ma-stress na maging rason pa ng pagkamatay.

Kaya, hiling ni Balquin ay ipagbigay alam agad ito sa CENRO, Bantay Dagat at Municipal Agricultures Offices.

Nagpapasalamat naman ngayon ang Municipal Agricultures Offices sa kooperasyon ng mga mangingisda na nakakita, gayong din sa Coast Guard, CENRO at Barangay na tumulong din sa kanila. 

Wednesday, April 17, 2013

Mga indigent na Malaynon, posibleng maka-libre sa pagpapa-gamot sa provincial hospital


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Hindi na maho-hostage ang kapus palad na mga Malaynons sa Provincial hospital. 

Ito ay sakaling maayos na ang kasunduan ng LGU Malay at Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital sa bayan ng Kalibo.

Sapagkat sa ngayon, nasa estado na ang Sangguniang Bayan ng Malay sa pagbibigay ng awtorisasyon kay Malay Mayor John Yap para pumasok sa kasunduan sa nasabing ospital upang magkaroon ng libreng serbisyo ang mga kapus palad na mga Malaynon. 

Dahil ayon inihayag ni SB Member Rowen Aguirre as Committee Report nito kahapon sa sesyon, kalakip ng posibleng mapagkasunduan dito ay ang pagsagot ng lokal na pamahalaan ng Malay sa mga nagastos sa pagpapagamot sa mga Malaynon na hindi na talaga kayang magbayad. 

Ngunit may limitasyon din umano ito, kaysa manatili doon ang isang pasiyente dahil walang pambayad sa ospital kahit magaling na. 

Pero bago ito dapat magbigay din muna ng P300,000.00 ang Malay sa ospital bilang deposito, kapalit ng serbisyo para sa mga indigent ng Boracay at Malay. 


Wind farm na balak itayo sa Nabas at Malay, pinapa-plantsa na

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Matapos magpahayag ng pagka-bahala ang Sangguniang Bayan ng Malay na baka kulangin sa supply ng kuryente ng isla, isang kumpaniya ng wind power energy ang humingi ng pag-endorso sa Konseho para magtayo ng wind turbo sa bahagi din ng Barangay Napaan Malay.

Bagama’t Nabas wind power project ang pangalan ng proyekto, may ilang townville din ang ilalagay sa nasabing barangay na kalapit din ng sakop ng Nabas.

Ayon kay Marivic Oliver ng Petro green energy na siyang may proposisyon ng wind farm na ito, hindi lamang Boracay o Malay ang makaka-benipisyo dito kundi pati ang buong isla ng Panay.

Sakaling matuloy umano ang bilyong pisong proyekto, gagawin ito sa dalawang bahagi.

Pero sa ngayon nasa proseso umano sila ng pag-ayos sa mga dukomento kabilang na doon ang endorsement mula sa SB Malay at Brgy. Napaan.

Sa kasalukuyan umano ay may Environmental Compliance Certificate o ECC na sila mula sa DENR o Department of Environment and Natural Resources at na-endorso na rin ng bayan ng Nabas.

Isa sa mahalagang hinihintay din umano nila ngayon ay ang deklarasyon na magmumula sa Dept. of Energy na nagbibigay pahintulot sa kanila para masimulan na.

Samantala, bilang tugon ng SB dito, maaaring pagkatapos pa ng eleksyon nila maaksyunan ang endorsong hinihingi dahil sa abala ang mga ito, at wala munang sesyon sa paghahanda sa nalalapit na eleksyon at Malay fiesta.

Implementasyon ng e-Trikes sa Boracay, pipiliting maipasa sa Mayo

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Minamadali na talaga ngayon ng LGU Malay ang implementasyon ng e-Trikes sa Boracay.

Sapagkat target na maipatupad na ito bago magkaroon ng bagong mga opisyal ng bayan ngayong malapit na ang May 2013 elections.

Ayon kay SB Member Dante Pagsuguiron, pipilitin nilang maihabol ang implementasyon at pagpasada ng mga e-trike na ito sa susunod na buwan.

Kaya naman, bagamat naibigay na nila sa BLTMPC ang proseso sa mga kakailanganing dokumento para sa pag-acquire ng mga unit na ito.

Sa ngayon ay inaako na ng LGU ang pagpo-proseso upang mapabilis na ang implementasyon lalo na sa listahan ng mga operator na kukuha nang sa ganoon ay mai-order na agad ang mga unit.

Naniniwala ang konsehal na kapag na-finalize na kung sino ang mga kukuha kahit operator muna.

Kampante din ito na kakayanin ng supplier ang tatlumpung units para sa agarang pag-deliver nito bago matapos ang buwan ng Mayo.

Maaalalang matagal nang nais itong ipatupad ng LGU para mabawasan ang polusyon dito.

Tuesday, April 16, 2013

Sumbong laban sa mga tricycle driver sa Boracay, tinatanggap ng LGU Malay

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Kung sawa na sa paulit-ulit na kakareklamo sa BLTMPC dahil sa serbisyo ng mga tricycle sa Boracay.

Payo naman ngayon ng transportation office ng Malay sa publiko.

Maaari ding mag-paabot ng hinanaing o reklamo sa tanggapan ng Island Administrator at sa opisina mismo ng Municipal Transportation Office o MTO ayon kay Transportation Officer Cezar Oczon.

Sapagkat ang LGU Malay sa paraan ng dalawang opisina na nabanggit ay bukas umano para tumanggap ng katulad na mga problema o suplong na siyang ilalatag naman umano nila sa punong ehikutibo para ma-aksiyunan.

Ani ni Oczon, maaari umanong padalhan ng sulat ng punong ehekutibo ang Boracay Land Transport and Multi-Purpose Cooperative o BLTMPC para mabigyan nito ng disiplina ang mga tricycle driver na ini-rereklamo.

Maaari din umanong abisuhan ng alkalde ang mga MAP sa Boracay upang hulihin ang mga driver na namimili ng pasahero at gumagawa ng iba pang paglabag laban sa publiko na nanga-ngailangan ng kanilang serbisyo.

Samantala, sa kabila ng sitwasyon lalo na sa kakulangan ng tricycle sa Boracay, nanindigan si Oczon na wala pa ring plano ang LGU na kanselahin ang color coding scheme na pinapatupad dito, gayong malapit nalang aniyang dumating ang mga e-trike na idadagdag sa mga unit dito.

Sapagkat sigurado umanong bibigat na naman ang trapiko sa isla sakaling payagan nilang makapagbiyahe lahat ng tricycle mayroon sa isla.

2-taong gulang na bata sa Boracay, na-confine dahil sa pangkakastigo ng ama!

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Nakatakdang sampahan ng kaso ang isang ama sa Boracay na kinastigo ang mahigit 2-taong gulang na batang babae.

Paglabag sa Republic Act 7610 na mamy kinalaman sa child abuse, exploitation and discrimination, ang kasong isasampa sa suspek na si Daniel Louie Vertillo.

 Ito ay dahil sa ginawang pananakit ng suspek sa anak nito noong Linggo, kung saan napansin ng isang nagmamalakasit na ginang ang ginawa nito.

Bagay na ipinabigay alam sa pulisya at ipinagamot ang hindi na papangalanang bata na na-confine sa pagamutan hanggang sa ngayon dahil sa tinamo nitong pasa at paso ng sigarilyo sa katawan.

Halos lahat na ng bahagi ng katawan ng bata ay nalamog na ginawa ng ama.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng Boracacy Police ang suspek at nakatakda na rin ibigay sa panga-ngalaga ng Municipal Social Welfare ng islang ito ang biktima.

Sa kasalukuyan ay ang Municipal Social Welfare ang nagbabantay bata habang nasa pagamutan pa ito.

Nabatid na itinakas lamang umano ng ama ang bata mula sa kanyang asawa na siyang ina ng bata at nagmula pa ang mga ito sa Maynila.

Hanggang sa ngayon ay sinusubukan tawagan ng pulis ang ina ng bata, pero hindi ito makuntak.

Ayon sa imbestigasyopn ng pulisya, apat na araw pa lamang ang mag-ama sa Boracay, at noong Lunes ay hinuli ito dahil sa walang habas na pananakit sa anak.

Desidido naman ang hindi na papangalanang concern citizen na siyang tatayong complainant sa korte, dahil sa awa at pagmamalasakit nito sa bata. 

Common Poster Area sa Boracay, “no pansin” sa ibang pulitiko

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Nag-uumpisa na'ng magkaroon ng iba’t ibang kulay ang mga pader, puno at poste sa Boracay.

At mangilan-ngilan lamang ang punong kahoy sa main road Boracay, mistulang gianwa pa itong dikitan ng mga poster.

Dahil habang habang papalapit ang eleksiyon, paunti-unti ay dumadami na rin ang mga poster at iba pang campaign materials ng mga pulitiko na nakadikit sa mga lugar na ipinagbabawal gaya ng mga poste, pader lalo na sa mga punong  kahoy sa tabi ng daan.

Ipinagbabawal sana ito ayon sa DENR at Comelec.

Kung saan mistulang marami pa ang election paraphernalia na makikita sa hindi common poster area kung ikukumpara sa lugar na ibinigay ng Comelec upang doon magsabit o maglagay ng kanilang mga poster.
Subalit halos isang buwan na bago ang halalan ay mangilan-ngilang poster lamang ang naroroon sa Balabag Plaza, maging sa Manoc-manoc  sa islang ito na siyang designated area para sa mga poster kumpara sa mga kalsada o kung saan lang.

Hindi rin nakaligtas ang mga punong kahoy sa National Highway sa mainland Malay sa mga poster na ito ng mga pulitiko mapa-lokal man, national at provincial level.

Ganoon pa man, sinabi ni Regional Director for Region 6 Director Atty. Renato Magbutay sa mga panayam dito, na sa panahong ito ay hindi pa nila pinoproblem ang Aklan kaugnay dito kung ikukumpara sa ibang probrinsiya at siyudad sa rehiyong ito dahil wala pa naman silang natatanggap na mga reklamo mula sa probinsiyang ito.

Kung maaalala una nag sinabi ng Acting Comelec Officer ng Malay na si Feliciano Barrios na hindi pa siya nakakapag-ikot sa mga barangay sa Malay para masilip ang mga poster na ito. 

Provincial command ng FESAGS, magkakaroon na ng satellite office sa Boracay

Ni Bert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Ang land dispute sa Boracay na kadalasang kinasasangkutan ng mga sekyu ay maaari nang maaksyunan ng mas mabilis.

Maging ang pag-iinspeksyon sa mga guwardiya, at ang pagproseso ng kanilang mga kinakailangang dokumento ay maaari naring mapadali.

Ito’y dahil ang Firearms and Explosives, Security Agencies and Guards Sections o FESAGS ay magkakaroon na ng satellite office sa Boracay.

Sa panayam ng himpilang ito kay Boracay PNP Chief Police Senior Inspector Joeffer Cabural, sinabi nito na ang naturang opisina ay sa mismong Boracay Tourist Assistance Center o BTAC, na uupuan din mga itinalagang tao ng nasabing himpilan.

“Added function” o dagdag na trabaho na rin umano kasi ito ng BTAC na ipinag-utos ni PNP Regional Director Agrimero Cruz.

Ayon pa kay Cabural, nararapat lamang na may opisina na dito ang FESAGS para dito na rin mismo ang kontrol lalo na sa pag-inspeksyon ng mga guwardiya.

Mahirap umano kasi para sa kanila ang pag-inspekyon dahil wala silang otoridad para dito, maliban pa sa pagkontrol sa mga nasasangkot na guwardiya sa land dispute.

At dahil magkakaroon na nga ng satellite office ng FESAGS sa Boracay, na nakatakdang i-establisa sa darating na araw ng Miyerkules.

Naniniwala naman si Cabural na kung hindi man tuluyang mawala, ay mababawasan na rin ang matagal nang problema kaugnay sa agawan ng lupa sa Boracay.

Ang FESAGS ay ang isa pang dibisyon ng Philippine National Police na siyang may hawak sa mga institusyon, organisasyon, o mga aktibidad na may kaugnayan sa mga security operations.

Boracay, zero pa sa mga insidente kaugnay sa nalalapit na mid-term election

Ni Bert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Zero o wala pang insidente kaugnay sa nalalapit na mid-term election ang isla ng Boracay.

Ito ang kinumpirma ni Boracay PNP Chief Police Senior Inspector Joeffer Cabural sa panayam ng himpilang ito.

Maliban umano kasi sa kooperasyon ng komunidad, mga stakeholders at maging ng mga force multipliers sa Boracay, ang isla ng Boracay ay hindi katulad sa ibang bayan na may mga taga suportang nagbabangayan o nag-aaway.

Dagdag pa na dito sa buong bayan ng Malay ay parehong walang katunggali ang kasalukuyang alkalde na si Mayor John Yap at ang kumakandidato sa pagka bise alkalde na si Wilbec Gelito.

Ito rin ang sinasabing rason ni Cabural kung bakit ang Boracay PNP ay wala pang naitalang kaso ng mga loss fire arms sa isla.

Magkaganon pa man, ipinaabot pa rin nito ang kahilingang sana ay manatiling mapayapa ang Boracay hanggang sa matapos ang halalan.

Monday, April 15, 2013

Problema tungkol sa mga batang nagkakalkal at nagkakalat ng basura sa Boracay, inaksyunan na ng LGU at DSWD

Ni Peach Ledesma at Bert Dalida, YES FM Boracay

Inaksyunan na ng Lokal na pamahalaan ng Malay ang problema tungkol sa mga batang nagkakalkal ng basura sa Boracay.

Kung saan kasama ang mga taga DSWD ay hinuli na umano ang mga ito kasama ang kanilang mga magulang.

Sa panayam ng YES FM News Center Boracay, sinabi ni Boracay Administrator Glenn Sacapaño na sa katunayan ay naitala na sa helpdesk ng DSWD ang tungkol dito.

Hindi naman umano nagkulang ang ahensya na ipaliwanag na trabaho nilang hulihin ang mga ito, lalo na ang mga batang nagkakalkal ng mga basura.

Pasaway pa rin umano talaga kasi ang mga ito, dahil matapos makuha ang mga basurang mapapakinabangan ay iniiwang nakatiwangwang ang mga basurahan o ang mga nakabalot na basura.

Anya, palagi umanong iginigiit ng mga magulang na paano na lang ang kanilang mga pamilya at kabuhayan kung huhulihin sila, bagay namang ipinagkatiwala na nila sa DSWD ang disposisyon tungkol dito.

Samantala, nanawagan din si Sacapaño sa mga establisemyento partikular sa beach front, na pagsabihan din ang mga kabataan na huwag galawin o ikalat ang basura dahil babalik din naman ang perwisyo sa isla.

Matatandaang nitong nagdaang linggo ay sinabi ng administrador na kanilang huhulihin ang mga bata at mga magulang nilang nasasangkot sa ganitong problema sa Boracay.