YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 05, 2015

Akelco Boracay, magkakaroon ng referendum

Posted December 5, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for AKELCOMagkakaroon ng pagpupulong ang miyembro at mga kunsomidor ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) sa darating na Desyembre12, 2015.

Ang nasabing pagpupulong ay tungkol umano sa referendum ukol sa conversion kung saan pag-uusapan dito ang tungkol sa pag-iba ng mga instuktura ng isang electric cooperative na galing sa non-stock at non-profit o kundi naman stock cooperative o stock corporation.

Ang referendum ay tumutukoy din sa electoral na proseso kung saan ang mga miyembro kunsomidor ay magkakasundo para sa isang conversion  o pagpapalit ng corporate structure ng isang electric cooperative.

(UDPATE) Paraffin test sa apat na kasama ng pinatay na lalaki sa Boracay isinagawa ng SOCO

Posted December 5, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for investigationSumailalim na kagabi sa isinagawang Paraffin test ang apat na kalalakihan na nakainuman ng pinatay na empleyado ng LGU Malay sa Boracay nitong Huwebes. 

Sa panayam ng YES FM Boracay kay P01 Johnrey Montuerto ng SOCO-Boracay, sinabi nito na apat sa limang kalalakihan na nakainuman ng biktimang si Loreto “Jun” Mendoza y Casimero ang kanilang naisailalim sa Paraffin test kung saan ang isa pa umano ay bigo nilang matuntun sa ngayon.

Ayon kay Montuerto, hindi nila makukunsidira na mga suspek ang mga ito dahil wala naman umano silang pinanghahawakang ebidensya sa ngayon.

Kaugnay nito apat umano na tama ng baril ang tinamo ng biktima na nauwi sa agarang pagkamatay nito kung saan dalawa ang tumama sa ulo at dalawa naman sa tagiliran base sa pagsusuri ni Dr. Chief of Police Inspector Jomartin Fuentes medical officer ng crime lab.

Samantala, dinala naman ngayon sa bayan ng Kalibo para isailalim sa imbestigasyon ang mga balang nakuha sa crime scene.

Nabatid na ala-7 nitong Huwebes ng mangyari ang pamamaslang sa biktima sa Sitio. Tulubhan Brgy. Manoc-manoc isla ng Boracay.

Tatlong bagong pari sa Boracay ipapakilala ni Bishop Tala-oc

Posted December 5, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bukas araw ng Linggo ay nakatakdang ipakilala ni Bishop Jose Corazon Tumbagahan Tala-oc ng Diocese of Kalibo ang tatlong bagong pari na itinalaga sa isla ng Boracay.

Ganap na alas-5:30 bukas ng hapon ay magkakaroon ng misa ang Holy Rosary Parish Boracay sa Balabag sa pangunguna mismo ni Bishop Tala-oc.

Dito ay pormal niyang ipapakilala ang tatlong pari na kinabibilangan nina Fr. Jose Tudd Belandres, Fr. Cesar Echegaray at Fr. Cesar Marin.

Nabatid na ang pagpapakilala sa mga ito ay tinatawag din na installation o opisyal na pagtatalaga sa mga pari na siyang magpapa-abot sa mensahe ng Diyos sa mga taga Boracay.

Dahil dito inaanyayahan ng simbahan ang publiko na dumalo sa nasabing misa para saksihan ang banal na pagpapakilala sa bagong tatlong pari sa isla.

Friday, December 04, 2015

Mga tribu na kasali sa Ati-Atihan Festival 2016, all-out na ang preparasyon

Posted December 4, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

All-out na ang mahigit 25 partisipante sa nalalapit na street dancing competition sa Santo Niño Ati-Atihan Festival 2016 sa buwan ng Enero sa bayan ng Kalibo.

Magpapagandahan ang mga ito sa kanilang mga costume na siyang inaabangan sa Ati-Atihan Festival na magsisimula sa Enero 8 hanggang 17, 2016.

Nabatid na inaasahang magiging makulay ang nasabing selebrasyon kung saan mayroong apat na category ang naturang selebrasyon na kinabibilangan ng Modern Group, Balik- Ati, Small Tribe at Big Gategory.

Samantala sa Enero 17 ay nakatakda ang pagdiriwang sa kapistahan ni Señior Santo Niño kung saan isang Pilgrim Mass at religious procession ang isasagawa.

SOCO-Boracay blangko pa sa suspek na pumaslang sa empleyado ng LGU Malay

Posted December 4, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for pinaslangKasalukuyan parin ngayong nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) Boracay sa nangyaring pamamaslang sa isang empleyado ng LGU Malay.

Sa panayam ng himpilang ito kay PO1 Johnrey Montuerto ng SOCO, at isa sa mga rumpispondi sa lugar kung saan naganap ang pagpatay kay Loreto “Jun” Mendoza y Casimero 43-anyos ng Sitio. Bantud Manoc-manoc Boracay, sinabi nito na blangko pa sila sa pagkakakilanlan sa suspek o sa mga suspek.

Ayon kay Montuerto, hindi pa umano malinaw ang motibo sa pagpatay sa biktima kung saan nakatakda pa umano ngayong isailalim ang bangkay nito sa otopsiya.

Sinabi din nito na ang mga nakuhang basyo ng bala ay nakatakdang dalhin sa bayan ng Kalibo para sa mga pagsusuri.

Dagdag pa ni Montuerto, posibleng higit sa isa ang pumatay sa biktima dahil sa dalawa umano na caliber ang ginamit sa pagpatay kay Mendoza base sa nakita sa scene of the crime.

Nabatid na nangyari ang pamamaslang sa biktima alas-7 kagabi sa Sitio. Tulubhan Brgy. Manoc-manoc isla ng Boracay at nagtratrabaho umano bilang isang dog catcher.

300 4Ps beneficiaries sa Boracay sumailalim sa Information Education Campaign

Posted December 4, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Photo credit to BTAC
Sumailalim sa Information Education Campaign ang 300 4Ps beneficiaries mula sa Barangay Manocmanoc, Malay sa isla ng Boracay.

Ito’y kasabay sa ginugunitang National Day Against Human Trafficking na ipagdiriwang ngayong Desyembre 12, 2015 na may temang “Itatag ang mga mekanismo laban sa human trafficking, Itaguyod mabuting pamamahala".

Sa pangunguna ni Nova Regalario, Community Development Officer ng ECPAT-Philippines; SP01 Christopher Mendoza at P01 Christine Magpusao, Police Community Relations Officers ng Boracay PNP at MSWDO-Boracay Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay nagsagawa sila ng nasabing Information Education Campaign sa mga 4Ps beneficiaries.

Kabilang naman sa mga pinag-usapang topiko ay tungkol sa Child Protection Policy; Child Safe Tourism, Reporting in Case of Abuse; salient features ng RA 7610 (Anti-Child Abuse Act), RA 9262 (Anti-VAWC Law), RA 9344 (Juvenile Justice and Welfare Act) at RA 9208 (Anti-Human Trafficking Act) at Crime Safety Prevention Tips.  

Ang Information Education Campaign ay isinagawa sa Manocmanoc Covert Court sa pamamagitan ng suporta ng Philippine Against Child Trafficking (PACT).

Lalaki sa Boracay, patay matapos pagbabarilin

Posted December 4, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona,YES FM Boracay

Image result for patayPatay ang isang lalaki matapos itong pagbabarilin sa ibat-ibang parti ng kanyang katawan ng hindi nakilalang mga suspek alas-7:10 kagabi sa Sitio Tulubhan, Brgy. Manoc-manoc, Malay, Aklan.

Sa imbestigasyon ng Boracay PNP, nirespondihan nila ang lugar ng insidente matapos silang makatanggap ng tawag na may nangyayaring barilan kung saan naabutan nalang nila sa lugar ang katawan ng biktima na nakahandusay na sa lupa at duguan.

Dito agad na dinala ang biktima na si Loreto “Jun” Mendoza y Casimero 43-anyos ng Sitio Bantud, Brgy Manoc-manoc, Boracay sa Alert Medical Clinic (AMC) pero idiniklara din itong dead on arrival ng doktor na sumuri sa kanya.

Napag-alaman na bago mangyari ang pamamaslang kay Mendoza ay sinasabing nakipag-inuman pa ito sa kanyang mga kaibigan.

Sa ngayon patuloy parin ang ginagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operation (SOCO) sa nangyaring pamamaslang sa biktima.

Samantala, ang katawan ng biktima ay pansamantalang naka-himlay ngayon sa Prado Funeral Homes kung saan nakatakdang isailalim sa otopsiya ang bangkay nito.

Thursday, December 03, 2015

DTI Aklan, may-paalala sa publiko ngayong holiday season

Posted December 3, 2015
Ni Inna Carol Zambrona, YES FM Boracay

Image result for dti aklanNalalapit na ang araw ng pasko at ang bagong taon, kung kayat nag-paalala ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) Aklan sa mga mamimili.

Ayon sa DTI, kailangang tingnang mabuti ng mga mamimili ang presyo ng mga produkto na kanilang binibili mula sa kanilang inilabas na mga suggested retail price na nakapaskin sa ibat-ibang pamilihan.

Maliban dito dapat din umanong maging wais sa pamimili upang makatipid lalo na ngayon at nagmahal din ang ibang produkto bunsod ng naging apekto ng nagdaang mga kalamidad at nararanasang El Niño sa ibang kalapit na probinsya.

Kaugnay nito naglabas naman ng Consumer Tips ang DTI para maging gabay sa pamamimili at maiwasan ang mabiktima ng mga namamantalang negosyante.

Samantala, kabilang sa mga minomonitor ng DTI ang presyo ng manok at baboy na mabenta tuwing kapaskuhan.

Ilang sea foods restaurant sa Boracay apektado ang negosyo dahil sa Shellfish Poison sa Aklan

Posted December 3, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for shellfishApektado parin umano ngayon ang ilang sea foods restaurant sa Boracay dahil sa nagpapatuloy na Shellfish Poison Advisory sa tatlong bayan sa Aklan.

Ayon kay Edgar Mendoza Officer In-Charge ng Provincial Agriculture Office, patuloy pa umano ngayon ang ginagawang monitoring ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Paralytic Shellfish Poison na tumama sa bayan ng New Washington, Batan at Altavas.

Aniya, maraming kainan sa Boracay ang kumukuha ng suplay ng sea foods sa mga nasabing bayan na ngayon ay apektado ang negosyo dahil sa nasabing babala.

Nabatid na kabilang sa mga apektadong shell ang tahong at talaba na siyang mabenta sa mga restaurant at pangunahing pagkain ng mga mangingisda.

Samantala, hanggat hindi pa umano naglalabas ng abiso ang BFAR na negatibo na sa poison ang mga nasabing bayan ay bawal pa ang pagkain, pagkuha, pag-harvest, pag-transport at pagbinta ng shellfish.

Japanese national sa Boracay, nailigtas sa tangkang pagpapakamatay

Posted December 3, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for suicideDuguan ang isang Japanese national matapos itong mag-laslas ng kanyang leeg sa inuupahang apartment kahapon sa Sitio Tambisaan, Brgy. Manoc-manoc,Boracay, Malay, Aklan.

Sa report ng Boracay PNP, nakatanggap umano sila ng tawag mula sa isang pagamutan sa isla na merong dinalang pasyente na sinasabing nag-suicide na kinilalang si Masayuki Sato 30- anyos at isang Japanese national.

Sa pag-iimbestiga ng mga pulis sa lugar kung saan nanunuluyan ang biktima, dito sinasabi ng ilang nangungupahan sa apartment na may narinig umano silang pagbagsak mula sa ikalawang palapag ng apartment.

Dahil dito agad na pinuntahan ng mga tao sa lugar ang pinagmulan ng nasabing tunog at doon ay nakita nila ang biktimang si Sato na naliligo na sakanyang sariling dugo.

Agad naman naisugod ang biktima sa pagamutan pero inilipat din ito agad sa ospital sa bayan ng Kalibo dahil sa tinamo nitong malubhang sugat.

Napag-alaman na ilang buwan ng nakatira ang biktima sa kanyang inuupahang apartment kung saan nitong mga nakaraang araw ay may mga nagsasabing palagi itong napapansing tila may dinadalang problemado at gusto na umanong umuwi sa Japan.

Samantala,nabatid na gunting ang ginamit ng biktima sa tangkang pagpapakamatay nito matapos makita sa labas ng kanyang kwarto na may bahid pa ng dugo.

Sa ngayon inaalam pa ng mga pulis ang  tunay na dahilan sa tangkang pag-suicide ng biktima.

LGU Malay mahigpit ang naging kampanya laban sa women & children violence

Posted December 3, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Violence Against Women and ChildrenHawak kamay na nananawagan ang mga kakabaihan at ang Local Government Unit ng Malay sa dumaraming kaso ng Violence Against Women and Children o VAWC.

Ito’y kasabay ng pagdiriwang ng International 18 day ng VAWC na nagsimula nitong Nobyembre 25 hangang ngayong Disyembre 10.

Dahil dito isang matibay na kampanya at aktibidad ang ipinakita ng LGU officials kasama ang Philippine National Police para sa panawagang itigil ang pananakit at karahasan sa mga kakabaihan at mga kabataan.

Nabatid na base sa mga datos, isang babae o bata ang biktima ng pananakit bawat 16 minuto kung saan napag-alaman din na sa ilalim ng Aquino Administration ay nakapagtala ng pinakaramaraming kaso ng VAWC sa bansa.

Samantala, mula sa 9,974 na kaso noong 2010 ng EVAWC ay umakyat na ito ngayon sa 31,937 noong nakalipas na taon.

Wednesday, December 02, 2015

Hepatitis B and HIV/ AIDS Forum may malaking bahagi sa buhay ng mga taga Boracay

Posted December 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Malaking bahagi sa kaalaman sa buhay at karunungan sa mga taga Boracay kung maituturing ang ginanap na Hepatitis B and HIV/ AIDS Forum sa Eurotel Boracay kahapon.

Ito ay dahil sa lumalaking kaso ng HIV/AIDS sa bansa kung saan ginunita kahapon sa buong mundo ang World Aids Day na may temang “The time to act is now.”

Photo Credit to Mar Schönenberger
Sa nasabing forum ay pinag-usapan ang mga mahahalagang bagay na may kaugnayan sa HIV/AIDS sa pamamagitan ng panauhing pandangal na si Dr. Aileen Gianan kung saan ibinahagi nito ang mga dapat iwasan upang hindi mahawaan ng nasabing karamdaman.

Maliban dito nagkaroon naman ang Boracay Alert Medical Clinic ng libreng Hepatitis B vaccines sa mismong event na dinaluhan naman ng ibat-ibang personalidad mula sa isla ng Boracay.

Samantala, ang pangangasiwa sa Hepatitis B and HIV/ AIDS Forum ay inorganisa naman ng LGU Malay at ng Rotary Club of Boracay.

Nabatid na layunin ng nasabing Hepatitis B at Infectious Diseases Awareness Forum at ng World Aids Day ay makapagtala ng zero na bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV), labanan ang discrimination at kamatayan na may kinalaman sa AIDS.

Residente at turista sa Boracay, hinikayat na sumailalim sa HIV testing

Posted December 8, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for dti negosyo centerPatuloy ang pag-momonitor ng Department of Trade and Industry (DTI) Aklan sa presyo ng mga bilihin hindi lang sa Kalibo pati narin sa isla ng Boracay.

Sa panayam ng himpilang ito kay DTI Aklan Provincial Director Diosdado P. Cadena, Jr., isasabay umano nila ang kanilang monitoring sa gagawing Linking Buyer and Suppliers activity sa Boracay bukas.

Ayon kay Cadena ang aktibidad na ito ay para sa mga kliyente at suppliers sa Boracay upang  malaman kung magkano ang kanilang ipinapataw na presyo sa mga produkto mula sa kanilang inilabas na mga suggested retail price.

Aniya, ang aktibidad na ito ay tatlong taon na nilang ginagawa sa isla ng Boracay na may layuning maprotektahan at suportahan ang tourist industry.

Samantala, bukas ay nakatakdang magkaroon ng paglilibot ang kasamahan ni Cadina para tingnan at e-monitor ang mga presyo ng bilihin sa isla.

6 na drug pushers sa Aklan huli sa panibagong ONE TIME BIG TIME operation

Posted December 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Anim na namang drug pushers ang nahuli sa ONE TIME BIG TIME operation sa Aklan.

Ito’y matapos ang pinagsamang pwersa ng operatives ng Aklan PNP sa limang magkahiwalay na drug buy bust at entrapment operations sa ibat-ibang area sa lalawigan nitong Nobyembre 27 hanggang Nobyembre 28.

Kinilala ang mga nahuli na sina Michael Alba, 35-anyos ng Cabugao Roxas city Capiz at temporaryong nakatira sa Park Homes Subdivision, Barangay Andagao, Kalibo, Carlo Benaojan, 28 ng Brgy. Caticlan, Malay at Ric Malicsi, 39-anyos ng Pasig city at naninirahan sa Poblacion, Numancia, Aklan.

Kasama pa rito sina Julios Balbino at Zoe Balbino, parehong 42-anyos at residente ng Brgy. Ambolong, Batan, Aklan at John Jed Suante, 28 ng Oyotorong St. Kalibo.

Nabatid na sa loob lamang ng isang buwan nitong Nobyembre sa isinagawang buy bust operation ay nakahuli ang PAIDSOTG ng 12 suspected drug pushers sa sampung positibong operasyon.

Samantala, ang mga nahuli ay nahaharap sa paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Article II of Republic Act (R.A.) No. 9165 (the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) para sa pagbenta at paggamit ng ipinagbabawal na druga.

Mga tricyle driver sa Boracay na namimili ng pasahero muling nakatikim sa SB Malay

Posted December 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for tricycle sa boracayHalos araw-araw umanong may nangyayaring problema sa pagitan ng mga tricycle driver sa isla ng Boracay at sa mga pasahero.

Ito ang sagot ni Vice mayor Wilbec Gelito sa naging privilege speech ni SB Member Rowen Aguirre sa ginanap na 43rd SB Session ng Malay kahapon.

Ayon kay Aguirre hindi niya nagustuhan ang naging asal ng isang tricycle driver sa Boracay matapos silang tanggihan nito na pasakayin kahit nagbibiyahe naman ito.

Dahil dito nais ni Aguirre na mabigyan ng karampatang disiplina ang mga nasabing driver na halos naging problema na rin ng ilang pasahero dahil sa namimili ang mga ito ng papasakayin lalo na ang pagtanggi na magpasakay sa mga estudyante.

Sa suhestisyon ng SB Malay gagawa umano sila ng ordinansa na sa oras na mayroong driver na malaman na namimili ng pasahero ay maaari itong ipatanggal kung saan damay pati ang operator ng tricycle at hindi papayagang makapag-operate.

Samantala, muling pag-uusapan ang naturang usapin sa susunod na Session kung saan inaasahang ipapapatawag ang mga concern agencies tungkol sa panibagong isyu sa mga pasaway na driver sa Boracay.

Tuesday, December 01, 2015

Ibat-ibang concern agencies sa Malay ipapatawag sa SB kaugnay sa isyu sa manifesto

Posted December 1, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakatakdang ipatawag sa Sangguniang Bayan SB Session ng Malay ang mga concern agencies sa Malay kaugnay sa isyu sa manifesto sa mga bangka sa Boracay.

Sa 43rd SB Session ng Malay nitong Martes muling tinalakay sa SB ang problema sa operasyon ng bangka kung saan mahigpit na ipinapatupad ang pagpapasuot ng life jacket at ang pagpapasulat ng panglan sa manifesto na sinasabing nagbabatagal sa biyahe ng mga bangka.

Dahil dito kasama sa inimbitahan ng SB Malay sa susunod na session ang MARINA, Jetty Port Administration, Philippine Coastguard, Transportation Office at iba pang concern agencies.

Nabatid na ikinadismaya ng SB Malay ang mabagal na operasyon ng mga bangka ngayon sa Boracay dahil sa kautusan ng bagong commander ng Philippine Coastguard Caticlan.

Monitoring ng ECPAT sa mga Aeta sa Boracay nagpapatuloy

Posted December 1, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tuloy-tuloy parin ngayon ang ginagawang monitoring ng ECPAT-Philippines katuwang ang Boracay PNP personnel, MSWDO-Boracay, Malay Auxiliary Police sa mga Indigenous People (Aeta) sa Boracay.

Ayon kay Police chief Senior Inspector Fidel Gentallan, agad umano silang nag-rerespondi kung mayroong go signal ang Municipal Social Welfare Development Office (MDWDO) para sa operasyon sa paghuli sa mga pagala-gala at namamalimos na aeta sa beach area ng isla.

Nabatid na matapos ang ginawang operasyon ng MSWDO kung saan ilang aeta ang pinabalik sa kani-kanilang lugar ay madami parin ngayon ang gumagala sa beach area.

Maliban dito sinabi ni Gentallan na kung hindi masusugpo ang mga gumagalang aeta ay tiyak na dadami na naman ang mga ito lalo na ngayong palapit na ang araw ng pasko.

Samantala, bumuo na rin ang MSWDO ng committee na siyang mag-a-assist sa pagbabalik sa mga aeta sa kani-kanilang lugar.

Residente at turista sa Boracay hinikayat na makilahok sa World Aids Day

Posted December 1, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for red ribbon for HIVHinikayat ngayon ng Municipal Health Office (MHO) Malay ang mga residente at turista sa isla ng Boracay na makilahok sa kanilang mga aktibidad ngayong World Aids Day.

Ayon kay Arbie Aspiras, STI/AIDS Coordinator ng MHO Malay, simula alas-8 ngayong umaga ay mag-iikot ang kanilang mga staff at mga volunteers sa buong isla ng Boracay para mamahagi ng fliers, condoms at ang pag-penning ng red ribbon.

Maliban dito mag-didikit din umano sila ng mga stickers sa mga sasakyan sa Boracay maging sa mainland Malay na nag-lalaman ng mensahe kaugnay sa HIV/AIDS.

Kaugnay nito isang programa ang gagawin ng MHO sa D’Mall area ngayong alas-8 ng umaga sa pangunguna mismo ni Aspiras para bigyang kaalaman ang mga tao sa lumalaking kaso ng HIV/AIDS sa bansa.

Samantala, kasama sa mga lugar kung saan mamamahagi ng fliers at condoms ang MHO ang Cagban at Caticlan Jetty Port Tambisaan at Tabon Port.

Monday, November 30, 2015

Stand-up paddling activity sa Boracay nilimitahan ng SB Malay

Posted November 30, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Stand-up Paddling Activity sa BoracayMuling tinalakay sa nakaraang 42nd SB Session ng Malay ang tungkol sa bagong waters sports activity sa Boracay na stand-up paddling activity.

Sa SB Session ng Malay nitong nakaraang Martes, sumailalim sa deliberasyon ang tungkol sa draft ordinance ni SB Member Jupiter Gallenero na nagre-regulate sa Stand-up Paddling Activity sa lugar na nasasakupan ng bayan ng Malay.

Nakapaloob rito ang designating area sa operasyon ng activity at ang mga penalidad sa paglabag sa mga ordinansa ng LGU Malay.

Base sa nilalaman ng draft ordinance ni dito nililimatahan ang pagkakaroon ng Stand-up paddling activity sa Boracay kasama ang pag-display ng kanilang board at paddles sa mismong beach area para maiwasan umano ang sagabal sa mga naliligong turista.

Samantala, ang naturang usapin ay muling tatalakayin sa susunod na Session bago matapos ang taong 2015 at kung ito ba ay papaboran ng buong konseho.