YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, October 18, 2012

Life Guard sa Boracay, kulang sa gamit at tauhan!

Isang telescope at speed boat lamang ang pag-aari ng LGU Malay sa mga kagamitan ng Life Guard sa Boracay.

Kaya nang malaman ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay na kulang ang gamit ng Life Guard at teleskopyo lamang dito ang binili dito ng LGU ay tila nagulat mga ito.

Ito ay makaraang magkaroon ng Joint Committee Hearing ang tatlong kumitiba na kinabibilangan ng Committee on Tourism, Public Safety and Order, and Committee on Laws, makaraan ang sunod-sunod na kaso ng pagkalunod at pagtaob ng bangka.

Sa pang-u-usisa ni SB Member Jupiter Gallenero, Chairman ng Committee on Public Safety and Order, nalaman na anim na torpedo buoy, dalawang ring bouy, sampung life jacket, isang First Aid Kit,  isang teleskopyo at isang stretcher lamang pala ang gamit ng life guard at ito ay pag-aari pa umano ni Miguel “Mike” Labatiao ang mga kagamitan na ito.

Nabatid din mula kay Labatiao, Supervisor ng Life Guard, na wala ding radio na ginagamit para sa operasyon ang mga ito at kulang din sila sa tao.

Dahil labin walo lamang ang personnel nila na pinapasahuran ng dalawang daan at limangpung piso bawat araw ng LGU para magbatay sa beach ng Boracay.

Paliwanag naman ni Labatiao, humiling na aniya sila sa lokal na pamahalaan ng mga kagamitang ito pero wala pang sagot.

Bunsod nito, hiniling na lamang kumitiba na magsumite ito ng listahan ng mga kakailanganing gamit, para mahanapan ng paraan at mabili ang mga gamit na ito mula sa pondo ng Municipal Peace and Order Council o MPOC.

Ang Committee Hearing na isinagawa nitong hapon, ay upang magawan umano ng paraan na maiwasan na ang mga sakuna sa dagat, kabilang ang Sea Sports at paliligo sa Beach. #ecm102012

Pagkabasag ng reef buds, walang epekto sa baybayin ng Boracay

Walang direktang epekto sa kalikasan partikular sa baybayin ng Boracay kung nabasag man ang ilan sa mga reef buds ng Sangkalikasan Cooperative.

Pero kapansin-pansin umano na sa halip na ang mga korales, ay nauna pang tumubo ang mga lumot sa buds, ayon kay kay Felix Jan Balquin, Marine Biologist ng Malay Municipal Agricultures Office (MAO) ng silipin nila ang artificial reefs dito.

Kaya kapag ganito aniya ang sitwasyon, posible tumubo pa ang mga korales gayong nauna na doon ang mga lumot.

Samantala, bagamat kaunting pinsala lamang ang makita ng MAO sa mahigit kumulang aminapu’t limang hektaryang nilatagan ng artificial reef.

Napansin din umano nila na ang mga isda doon ay hindi naman dumami, kundi halos iyon lang ding dati ang mga isda na makikita sa area, at kahit may buds na.

Hindi din umano matukoy nila ngayon kung ano talaga ang sanhi kung bakit nabasag ang may dalawa hanggang tatlong pursiyento sa reef buds na ito.

Maliban na lamang nang umamin aniya si Jojo Rodriquez ng Sangkalikasan Cooperative sa konseho na sa paglagak palang nila ng buds sa baybayin ng Boracay ay may problema at nasira na ang iba dala ng pag-transport.

Gayon pa man, nilinaw ni Balquin na hindi pa nila nalilibot ang kabuoang area, ng magsagawa sila ng inspeksiyon sa area.

Ang reef buds ay proyekto na pinunduahan ni Sen. Loren Legarda na nagkakahala ng limangpung milyong piso, para patubuan ng mga korales at dumami ang mga isda.

Kung maaala, sa nakaraang session ay pinagpaliwanag si Jojo Rodriquez ng Sangkalikasan sa SB kaugnay sa proyektong ito dahil saikinababahala ito ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay na posibleng magkaroon ito ng epekto sa front beach. #ecm102012

Pagdating ng barkong Legend of the Seas sa Boracay, lalong pinaghandaan

Malbert Dalida, News Director, YES! FM Boracay

Mahigit isang linggo na lang at darating na sa Boracay ang Legend of the Seas ng Royal Caribbean Cruise Ltd.

Kung kaya naman ibayong paghahanda ang pinag-usapan ng mga taga pamahalaang probinsyal at lokal na pamahalaan ng Malay.

Ayon kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang, nasa ikatlong pagkakataon na ang nasabing pagpupulong na ginanap sa isang resort sa station 3, Boracay.

Ilan sa mga umano’y pinag-uusapan doon ay ang tungkol sa island hopping activities para sa humigit-kumulang dalawang libong pasahero ng nasabing barko.

Sa pagdating kasi ng Legend of the Seas sa ika a-bente siyete ng buwan at taong kasalukuyan ay inaasahang malakas ang hangin at alon dahil sa hanging amihan.

Kung kaya’t ang mga bangkang maliliit para sa pag-island hopping ay hindi muna puwedeng gamitin para sa nasabing aktibidad.

Naisingit din sa nasabing pagpupulong ang tungkol sa paghahanda tungkol sa tsunami alert.

Subali’t nilinaw naman ni Maquirang na para lamang ito sa nasabing aktibidad at hindi pa kumprihensibo, kung kaya’t kailangan pa itong paplantsahin.

Presente sa mga dumalo sa pagpupulong kanina ay ang tatlong barangay kapitan sa isla, si mismong Boracay Island Administrator Glenn Sacapano, Philippine Coast Guard at Marina. 

Wednesday, October 17, 2012

Bilang ng mga botante sa Malay, lalong dumarami

Lalo pang dumadami ang mga nagpaparehistro bilang botante sa munisipalidad ng Malay.

Ayon kay Elma Cahilig, Malay Commission of Election Officer, sa kanilang tala mula noong taong 1997 hanggang nitong Setyembre a-bente nuebe ng taong kasalukuyan ay nasa 25,644 na sa kabuuan ang bilang ng mga botante dito sa munisipalidad.

Mula naman noong Agosto hanggang katapusan ng Setyembre ng taong kasalukuyan, nasa isang libo at dalawangdaan sa mga bagong pa-tala ay mga transferees mula sa ibang mga lugar.

Karamihan sa mga ito ay mga nakakuha na ng trabaho sa Malay at Boracay, at dahil dito na nakatira ay nagpalipat na lang din ng kanilang registration bilang botante.

Nasa walundaan at animnapu’t-pito naman ang mga unang beses na gagamitin ang kanilang “right to vote” o mga bagong botante, habang animnapu’t-dalawa ang mga aprubado na para sa reactivation ng pag-boto.

Sa ngayon, nasa limampu hanggang isandaang katao ang nagsasadya sa kanilang opisina para magpa-register bilang botante at inaasahan nilang sa mga susunod na mga araw ay madodoble pa ang bilang na ito.

Sa kabilang banda, sinabi din ni Cahilig na wala naman umanong malalaking problema naranasan ang Comelec Malay pagdating sa pagpaparehistro ng mga botante, maliban na lamang sa mga maliliit na problema tulad ng pagpaparehistro ng ilang indibidwal na hindi naman residente ng Malay.

Samantala, mahigpit namang ipinag-bilin ng lokal na opisyal ng Comelec sa mga nagpaplanong magpapatala bilang botante ng Malay na huwag nang maghintay pa ng huling araw o deadline upang magpa-rehistro.

Nagpaalala din ito sa mga magpapa-transfer at mga bagong aplikante na dapat ay nasa minimum na six months residency na ang mga ito sa Malay at magdala ng kahit isang valid ID para sa pagkakakilanlan.

Para naman sa mga magpapapalit ng impormasyon sa kanilang registration tulad ng apilyedo matapos magpakasal o maling ispeling ng kanilang pangalan, magdala lamang ng marriage certificate o birth certificate.

Ang huling araw sa pagpapa-rehitso bilang botante ay nakatakda sa ika-tatlumpu ng Oktubre ng taong kasalukuyan. #pl102012

Espirito ng Undas, maagang nagparamdam sa Boracay

Malbert Dalida, News Director, YES! FM Boracay

Mga laruang kalansay, paniki, bleeding white lady, bruha at mga aswang.

Ilan lamang ito sa mga agaw-pansing tanawin sa station 2 na kinukunan ng litrato hindi lamang ng mga residente ng isla, kundi maging ng mga dayuhan.

Wala pa kasi ang All Souls’ Day o Undas ay may ilang beach resort na dito ang nagsimula nang maglatag ng mga nakakatakot na character bilang dagdag atraksyon sa mga turista.

Ayon kay “Wilson”, dining supervisor ng resort, magta-tatlong taon na umano nilang pinaghahandaan ng maaga ang pagsapit ng undas sa Boracay.

Magastos at maselan umano kasi ang paggawa ng kanilang mga “props”, na  inaabot ng ilang araw bago matapos, kung kaya’t sayang  naman kung pagkatapos ng Undas ay tatanggalin din agad ang mga ito.

Maliban sa mga pailaw nilang inilalagay tuwing gabi ay kapansin-pansing artistic din ang pagkaka decorate nila sa mga nasabing props, dahil ang mismong boss niyang babae na isa ring palang interior decorator.

At kahit pang horror, hindi naman umano natatakot ang mga bata, sa halip ay natutuwa pang mag-posing at magpalitrato.

Samantala, sa ilang souvenir shop naman sa barangay Balabag ay may ilan ding nagtitinda ng mga nakakatakot na maskara.

Bagama’t may kamahalan pa ang presyong pumapalo sa halos dalawang daan, ipinagmamalaki ng mga tindirang ang mga ito’y matitibay naman.

Ayon naman sa simbahang Katoliko sa Boracay, OK lang kung may mga nagsisimula nang gumawa ng mga kahalintulad na eksena sa Boracay.

Ang importante ay naroon ang respeto at pagpapahalaga sa mga mahal sa buhay na pumanaw na. 

Kooperasyon ng mga bar owners sa Boracay hinggil sa implementasyon ng bar enclosure, iginiit ni Administrator Sacapaño

Malbert Dalida, News Director, YES! FM Boracay

Iginiit ngayon ni Island Administrator Glenn Sacapaño na kooperasyon ng mga bar owners ang kailangan sa istriktong implemenstayon ng bar enclosure.

Ito’y matapos iparating sa kanya ng himpilang ito ang pagkadismaya ng ilang turista nang mabitin sa pagpapa-party sa beach front station 1 hanggang hating-gabi.

Nagulat umano kasi ang mga ito nang pinatigil ng operator ng bar ang musika kahit naroroon pa sila at gusto pa sanang magsaya.

Dahil dito muling iginiit ni Sacapaño na tungkolin na ng mga bar operators na ipagbigay alam at ipaliwanag sa kanilang mga kustomer ang tungkol sa nasabing batas.

Nilinaw din nito na paglagpas ng alas dose ng hatinggabi at gusto mong bukas pa ang iyong bar, ay puwede naman basta’t wala nang pagpapatugtog, at walang maiistorbo.

At kung gusto mong magpatugtog pa, ay kailangang naka enclose o sarado na ang iyong bar.

Kaugnay pa rin nito, patuloy na naninindigan ang administrador na susunod ang lahat ng mga bar operators sa isla, lalo pa’t pirmado umano nila ang nakasaad sa nilalaman ng kasunduan sa nasabing bar enclosure.

Maaalalang nitong umaga ay naibalita rin sa himpilang ito na may ilang mga turistang taga Davao ang nadismaya nang ipinatigil ang kanilang pagsasaya sa pinaniniwalaan nilang “party place” hanggang madaling araw na isla.

Ilang turista sa Boracay, dismayado sa implementasyon ng bar enclosure

Malbert Dalida, News Director, YES! FM Boracay

Dalawang buwan na ang nakalilipas nang ipatupad ng lokal na pamahalaan ng Malay ang bar enclosure sa Boracay.

May mga natuwa dahil pagsapit ng hatinggabi ay nakapagpapahinga na mula sa ingay ng mga bar, lalo na ang mga ‘ika nga’y naghahangad ng tahimik na bakasyon sa isla.

Subali’t taliwas naman ito sa isang grupo ng mga turistang animo’y nabitin sa kanilang pagsasaya, nang mapansing itinitigil na ng operator ang tugtugan.

Ilang mga taga-Davao ang nakapanayam ng himpilang ito na naglabas ng kanilang pagkadismaya, nang matuklasang may ipinapatupad na bar enclosure sa isla partikular na sa beach front.

Isang lalaking itinago lamang sa pangalang “Jess”, bente siete anyos na negosyante ang umano’y nagulat, dahil ang sabi umano sa kanya ng mga kaibigang nauna nang pumunta dito ay hanggang mag-uumaga ang tugtugan dito.

Iginiit naman ng kanyang kasama, na “party begins at twelve”.

Kaugnay nito, dismayado man ay nagsuhestiyon na lamang ang grupo sa mga kapwa turista na sa susunod ay aagahan na lamang ang pagpunta sa mga bar, para hindi mabitin.

Matatandaang nitong nagdaang buwan ng Agosto ay ipinatupad ang bar enclosure dito sa isla dahil narin sa mga reklamong natanggap ng LGU dulot ng mga maiingay na bar sa isla.