YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 03, 2016

Pagpapasailalim sa Paraffin test ng dalawang pulis na nagrespondi sa mag-asawang Odicta, negatibo!

Posted September 3, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for Melvin Odicta Sr., at Meriam Odicta.Negatibo umano ang lumabas na resulta sa isinagawang powder residue sa dalawang pulis na nag-responde sa pagbaril-patay sa mag-asawang Melvin Odicta Sr., at Meriam Odicta.

Ito ang pahayag ni P/Superintendent Ulysses Ortiz, Hepe ng Aklan Provincial Crime Laboratory sa kakalabas lamang na resulta ng dalawa sa Paraffin test mula sa PRO-6.

Nabatid na ang pagpapasailalim sa dalawang pulis na miyembro ng Aklan Public Safety Company ay para patunayan na patas ang kanilang isinagawang imbestigasyon ng Odicta Special Investigation Task Group.

Matatandaang ang dalawang pulis ang siyang nagdala sa mag-asawang Odicta sa Malay Municipal Hospital.

Kasabay nito, isinailalim din sa Ballistic Examination ang test fired bullet na nanggaling umano sa service firearms ng dalawang pulis kung saan wala pa sa ngayon ang official result nito.

Boracay PNP kabilang sa nakatanggap ng bagong patrol motorcycle

Posted September 3, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kabilang ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa mga nabigyan ng bagong patrol motorcycle mula sa Philippine National Police (PNP) national headquarters ayon sa Aklan Police Provincial Office (APPO).

Ito umano ay personal na ibinigay ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa ginanap na 115th Police Service anniversary celebration na may temang“Hamon ng Pagbabago, Pinag-ibayong Serbisyo,”  sa Iloilo City nitong nakaraang Biyernes.

Nabatid na kabilang ang BTAC at ang 17 municipal police station sa probinsya na nakatanggap ng tig-iisang motorcycle kasama ang Aklan Police Provincial Office at ang Provincial Public Safety Company.

Umabot umano sa 128 motorcycles ang naipamahagi sa police unit sa Aklan, Capiz, Guimaras, Antique, at probinsya ng Iloilo pati na ang Iloilo City.

Samantala, para naman sa Boracay PNP ang pagkakaroon ng bagong patrol motorcycle ay malaki umanong tulong para sa pinalakas na pagpapatrolya sa isla ng Boracay.

Aklan PPO naka-alerto na rin sa kabila ng nangyaring pagsabog sa Davao City

Posted September 3, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpairal na rin ng full alert status ang Aklan Police Provincial Office (APPO) kasunod ng pagsabog kagabi sa Davao City.

Ayon kay SPO1 Nida Gregas Public Information Officer ng APPO Aklan, nanatiling naka-antabay ang kanilang pwersa kasunod ng nangyaring insidente kagabi sa lugar ng Pangulo.

Pinayuhan din nito ang publiko na maging alerto at isumbong sa mga otoridad kung mayroon silang mapansing kahina-hinalang gawi sa kanilang mga lugar.

Nabatid na bahagi ito ng kanilang precautionary measures upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan.

Kasabay nito mas pinaigting din ang seguridad sa National Capital Region Police Office (NCRPO) lalo na sa mga matataong lugar kagaya ng mall, pantalan, paliparan at bus stations kung saan dinagdagan na rin ng pwersa ng mga magbabantay na pulis.

Samantala, umakyat na ngayon sa 15 katao ang namatay sa naganap na pagsabog sa Roxas Street sa bahagi ng night market sa Davao City na sinasabing kagagawan ng Abu Sayyaf group (ASG) ayon sa paniniwala ng Malacañang.

Friday, September 02, 2016

Estudyante, timbog sa pagbebenta ng iligal na droga

Posted September 2, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for illegal drugsTimbog sa isinagawang buy-bust operation ang isang estudyante sa Sitio Takas Barangay New Buswang Kalibo, kagabi.

Kinilala ang suspek na si Harvey Montaño, 20-anyos, residente ng Poblacion Ibajay, Aklan at temporaryong nanunuluyan sa Vizcara Subd., Andagao, Kalibo.

Nahuli ang suspek sa isinagawang operasyon ng Provincial Anti Illegal Drug Special Operations Task Group (PAIDSOTG), Kalibo PNP, Aklan Provincial Public Safety Company (APPSC), Maritime Group at PDEA.

Nakuha sa posisyon ng suspek ang 1, 500 pesos na marked-money katumbas ng dalawa suspected shabu habang sa isinagawa pang imbistegasyon ng mga pulis nakuha pa dito ang tatlong sinasabing iligal na droga.

Si Montaño ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

ABC dapat tandaan laban sa HIV-AIDS-PHO

Posted September 2, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for HIVPara maiwasan ang pagkakaroon ng Human Immuno Virus – Acquired Immune Deficiency Syndrome (HIV-AIDS), dapat obserbahan umano bawat isa ang ABC laban dito.

Ang ABC ay tinatawag na “Abstinence, Be Faithful” sa iyong kapareha, gumamit ng “Condom” at huwag gumamit ng “Drugs” batay sa nilabas na anunsyo ng Provincial Health Office (PHO) Aklan.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon ng PHO-Aklan, mayroon umano ngayong 81 Aklanon na nagkasakit ng HIV-AIDS mula Hulyo 1999 hanggang Hulyo 2016. 

Sinabi nito na ang pag-iingat sa pakikipagtalik ng isang tao sa pamamagitan ng pag-obserba sa nasabing mga panuntunan ay makakatulong ng pagharang o makabawas sa pagtaas ng numero ng mga nagkakasakit nito.

Ang masyado umanong pakikipagtalik ang siyang dahilan ng patuloy na pagdami ng nagkakasakit nito.

Nabatid na meron ng walong namatay sa AIDS sinula noong 1999 habang sa buong bansa ay patuloy  ang pagtaas ng numero ng nagkakasakit na umaabot sa 20% bawat taon ayon pa kay Cuachon.

Waiting area sa Cagban Port sa Boracay, malapit ng makumpleto

Posted September 2, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Cagban port waiting area
Malapit na umanong buksan sa publiko ang bagong ginagawa ngayong waiting area sa Cagban Port sa isla ng Boracay.

Ayon kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Port Administration, bagamat wala pang target na petsa kung kaylan ito matatapos ngunit maaari na umano itong magamit sa sandaling hindi na mararanasan ang Habagat sa Boracay.  

Nabatid na isa ito sa mga plano ng probinsya para sa naturang pantalan kabilang na ang pagkakaroon ng malaking terminal area at ang kasalukuyang ginagawa ngayong pagpapahaba ng rampa para sa daungan ng mga bangka.

Samantala, hindi naman matiyak nito kung kaylan sisimulan ng gobyerno ang mga plano sa reclamation area sa Caticlan Jetty Port.

Thursday, September 01, 2016

65-anyos na lalaki sa New Washington Aklan, sinaksak-patay ng bayaw

Posted September 1, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for pataySinaksak-patay ang isang 65-anyos na lalaki ng kanyang bayaw sa Candelaria New, Washington, Aklan.

Kinilala ang biktima na si Fredie Alfaro Sr. at ang suspek na bayaw nito na si Leonardo Felizardo alyas “Patog” kapwa nakatira sa nasabi ring lugar.

Ayon kay PO2 Rolan De Mateo ng New Washington PNP, nagkaroon umano ng mainitang diskusyun ang biktima at ang suspek na bayaw nito kung saan ng papauwi na umano ang biktima ng inabangan ito ng suspek at sinaksak sa kanyang dibdib at kaliwang kili-kili dahilan na agad naman itong ikinamatay ng biktima.

Nabatid na dinala pa umano ang biktima sa malapit na ospital pero agad naman itong idineklarang dead on arrival.

Samantala nakatakda naman ngayong sampahan ng kasong Homicide ang suspek.

Malay Transportation Office, muling nag-paalala sa mga gumagamit ng modified muffler

Posted September 1, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Muling nag-paalala ang Malay Transportation Office (MTO) sa mga operators at drivers ng motorsiklo na may Modified Mufflers sa Malay at isla ng Boracay.

Ayon kay MTO Officer Cesar Oczon, ang mahuhuling gumagamit parin ng Modified Muffler ay may kaukulang penalidad na nagkakahalaga ng P2, 500.

Kaya naman paalala ngayon ni Oczon sa mga may-ari na palitan na nila ito o ibalik sa orihinal ang tambotso.

Samantala sa mga nakumpiska namang motorsiklo na nais na nilang kunin ay kailangan muna nilang dalhin ang kanilang tambotso at palitan ito sa harap mismo ng MTO Malay para masigurong hindi na nila ito magagamit.

Ang Boracay na noise pollution sensitive, ay nakakatanggap ng samu’t-saring reklamo sa ingay na dulot ng muffler lalo na sa gabi.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang operasyon ng mga kapulisan at MAP o Municipal Auxiliary Police sa panghuhuli ng mga lumalabag dito.

Re-enactment sa Odicta killing sa Caticlan Jetty Port pinangunahan mismo ni Gentiles

Posted September 1, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mismong si PRO6 Acting Regional Director PCSupt Jose Gentiles ang nanguna sa ginawang actual Re-enactment sa Odicta killing sa Caticlan Jetty Port kahapon.

Ayon kay SPO1 Nida Gregas Public Information Officer ng APPO, layun umano ng isinagawang re-enactment ay para mapadali ang imbestigasyon at malaman kung ano talaga ang nangyari sa insidente.

Maliban dito ginawa din umano ito para sa dalawang mga taga STIG na siyang nagdala sa mag-asawang biktima sa hospital upang magkaroon ng linaw ang mga pagdududa sa mga ito.

Samantala, ang naturang kaso ay patuloy parin ngayong iniimbestigahan ng mga otoridad kung saan lumabas na rin ang autopsy report ng mag-asawa.

Matatandaang binaril ang mag-asawang Melvin at Meriam Odicta nitong Lunes ng madaling araw habang papalabas na sa RORO sa Caticlan Jetty Port. 

Chinese national, ninakawan ng cellphone ni Pokwang

Posted September 1, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Humingi ng tulong sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang isang turistang Chinese national upang mabawi ang kanyang cellphone na tinangay ng isang lady boy.

Sa report ni Li Heng, 40-anyos sa mga pulis, nagkakilala umano sila ng lady boy sa front beach area ng Balabag kung saan nauwi ang mga ito sa ilang minutong pag-uusap habang naka-upo sa buhangin.

Ngunit nauna umanong mag-paalam sa biktima ang naturang bading ngunit kasabay nito ay doon na rin napansin ng turista na nawawala na ang kanyang cellphone na nakalagay sa loob ng kanyang bag.

Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang biktima sa Boracay PNP para mahanap ang kanyang cellphone na tangay ng nakausap na bading.

Samantala, sa isinagawang follow-up investigation ng BTAC ay nakita umano ng isang MAP member na ang nakasamang lady boy ng biktima ay si Emilio Fernando, aka “Pokwang”.

Kaagad namang nahuli ng mga otoridad ang suspek kung saan nakuha sakanya ang cellphone ng biktima at ngayon ay pansamantala siyang ikinustodiya sa Boracay PNP.