YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 19, 2014

BFI, pormal ng ibinalik ang mga kinumpuning silid-aralan

Posted July 19, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Pormal ng ibinalik ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) ang mga inayos at kinumpuni na tatlong silid-aralan ng Balabag Elementary School na nasira noong kasagsagan ng bagyong Yolanda.

Sa isinagawang simpleng turn-over program, ginawaran ni Balabag Elementary School Principal Ligaya Aparicio ang BFI ng Certificate of Recognition sabay ang pasasalamat nito sa tulong na kanilang natanggap mula sa mga stakeholders sa isla.

Ayon kay BFI President Dionisio Salme, ang ginamit na pondo ay nalikom mula sa pagkansela ng BFI ng kanilang Christmas Party at sa halip ay nagsagawa ng Dine For Cause noong nakaraang taon.

Dagdag pa nito na mahalaga ang pag-aaral ng mga bata rason na tumugon ito sa hiling ni Aparacio.

Sa ngayon, maayos na ang mga silid-aralan na kasalukuyan namang ginagamit ng mga mag-aaral sa pre-school.

Maliban sa mga stakeholders, ang maikling programa ay dinaluhan din ni Balabag Administrator Jinky Salazar-Alicante at mga guro ng Balabag Elementary School.

Aklan, nanguna sa Nationwide Local Income Generation

Posted July 19, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nanguna sa ranggo ang probinsya ng Aklan mula sa 80 mga probinsya sa buong bansa sa tuntunin ng Local Revenue Generation.

Ito’y batay sa inilabas na Tax Watch ad ng Department of Finance (DOF) para sa taong 2013 na inilabas kahapon.

Kahit na sinasabing hindi gumagamit ang Aklan ng napapanahong batayan para sa pagkolekta ng mga buwis.

Nakuha parin ng probinsya ang pinakamataas na “share” sa Locally Sourced Income (LSI) hanggang sa Annual Regular Income (ARI) na 45.3%.

Dahil dito, nagawa nitong makabuo ng Locally Sourced Income na P491.755 million mula sa kabuuang taunang kita na P1.086 bilyon.

Samantala, ayon sa DOF maaaring maging mas mahusay pa ang local autonomy kung maging ang LGUs ay maging “self-reliant communities.”

Patuloy naman ang pagsusulong ng Aklan na mapaunlad at magkaroon ng epektibong pamamahala lalo na sa pagpapatakbo ng financial affairs.

Man hunt operation, ikinasa na sa nakatakas na suspect sa buy bust operation kahapon

Posted July 19, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Ikinasa na ang isang manhunt operation sa nakatakas na suspect sa buy bust operation sa Barangay Balabag kahapon.

Kinumpirma din ng mga otoridad na may dati nang record dahil sa ipinagbabawal na droga ang suspek na si Vincent Licerio alyas ‘Toto’noong 17 taong gulang palang ito.

Magugunitang tumakas ang suspek sa mga operatiba ng PAIDSOTG o Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ikalawang palapag ng nasabing gusali.

Narekober naman ng mga operatiba sa buy bust operation ang isang plastic sachet ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana at dalawampung piraso ng 100 pisong marked money.

Buy bust operation ng PAIDSOTG, na ‘busted’matapos matakasan ng subject

Posted July 19, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Natapyas ang bahagi ng anim na nakatayong Hardiflex sa isang establisemyento sa Barangay Balabag matapos tamaan ng tumalong lalaki.

Tumakas kasi ito sa mga operatiba ng PAIDSOTG o Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ikalawang palapag ng nasabing gusali.

Ayon sa mga operatiba, mabilis na tumakas ang suspek nang matunugan ang buy-bust operation ng mga operatiba.

Subali’t naniniwala ang mga otoridad na iindahin ng suspek ang kanyang sinapit matapos tumama sa Hardiflex ang kanyang bayag.

Samantala, narekober naman ng mga operatiba mula sa suspek na nakilalang si Vincent Licerio alyas ‘Toto’ang isang plastic sachet ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana at dalawampung piraso ng 100 pisong marked money.

Pagbaha sa Brgy. Yapak nitong nakaraang linggo, tatalakayin sa committee hearing sa darating na Lunes

Posted July 19, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tatalakayin sa nakatakdang committee hearing sa darating na Lunes ang nangyaring pagbaha sa Brgy. Yapak nitong nakaraang linggo.

Sa SB Session ng Malay nitong Martes sinabi ni SB Member Jupiter Gallenero sa kaniyang privilege speech na tila nakakabahala ang nasabing problema.

Sinasabi kasi na ito ang kauna-unahang pagbaha sa nasabing lugar na nagdulot ng perwisyo sa paaralang ng nasabing barangay.

Ayon kay Gallenero, posible umanong nagmula ang tubig baha sa ginagawang construction site ng isang resort malapit sa naturang lugar.

Sinabi pa nito sa tuwing umuulan ay dumidiritso pababa ang mad flow dahil sa ginagawang land scape o pagpantay ng lupa sa taas ng bundok at ang pagtanggal ng mga punong kahoy doon.

Samantala, nagkaroon na rin ng pagpupulong ang Local Officials ng Brgy. Yapak kasama si SB Member Gallenero at ang mga malalaking resort sa Yapak na posibleng naging dahilan ng mga pagbaha.

Nabatid na ang nasabing comitte hearing ay para magawan ng solusyon ang nasabing problema upang hindi na ito maulit pa at mapanagot kung sino man ang nagkasala.

Paglalagay ng caption sa mga wave at wind breakers sa Boracay, nirerepaso na

Posted July 18, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nirerepaso na ang paglalagay ng caption para sa mga wave at wind breakers sa Boracay.

Ito ang sinabi ni Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) Secretary Mabel Bacani hinggil sa naunang mga ulat na pinapalagyan ng National Technical Working Group (NTWG) ng nasabing caption ang mga nasabing wave at wind breakers.

Anya, nasa proseso at nirerepaso na ang mga ilalagay na caption, kung saan malamàng na sa susunod na linggo na ito ilalagay.

Nilinaw din nito na magkaiba ang caption na ilalagay sa wave at wind breakers dahil sa magkaiba rin ang gamit at kahalagahan ng mga ito.

Samantala, nabatid na ilalagay ang mga nasabing captions sa mga breakers upang magsilbing paunawa at maiparating sa mga turista na isang environment conscious destination ang isla ng Boracay.

Friday, July 18, 2014

Municipal Engineer Elizer Casidsid, inilagay sa floating status ni Mayor John Yap

Posted July 18, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nasa floating status muna ngayon si Malay Municipal Engineer Elizer Casidsid.

Kaya naman hindi muna ito gagawa ng mga trabaho ng isang building official at mga engineering works.

Ito ang kinumpirma mismo ni Engineer Casidsid sa himpilang ito nitong umaga kasabay ng paglilinaw na hindi ito suspendido.

Ayon pa kay Casidsid, nitong July 8 pa naging epektibo ang paglipat sa kanya ni Malay Mayor John Yap sa ibang trabaho.

Samantala, kinumpirma din nito na may iba namang inilagay ang munisipyo kapalit sa kanyang puwesto.