YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, March 15, 2012

Ordinansa sa transportasyon at trapiko sa Boracay, muling rerepasuhin ng konseho

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Muling hinirit sa konseho ang pagreview sa ordinansa ng bayan ukol sa transportasyon sa Boracay.

Ito’y makaraang hilingin ni SB Member Welbic Gelito, Committee Chairman of Transportation, na aayusin at muling balikan ang nilalaman ng ordinansa, sa pagbabakasakaling makatulong ito sa pagbibigay sulosyon sa suliranin ng trapiko sa isla at mapagtibay ang nakasaad doon.

Bagama’t ang mga problemang nangyayari sa kalye partikular sa main road ay matagal nang napuna.

Subali’t noong ika dalawa ng Marso sa pulong ng mga stakeholder at transportation officials lamang umano napagtanto ni Gelito kung ano pa ang ibang suliranin maliban sa makitid na daan.

Sapagka’t isa umano sa mga napansin nito ay kahit pa may sign board na loading at unloading area sa isla.

Hindi naman itinatabi ng maayos ang mga sasakyan kapag tumitigil, kaya ang trapik sa Boracay ay bumibigat.

Gayong kapag nasa tamang lugar umano magsakay at magbaba ng pasahero, hindi na maantala pa ang ibang kasunod na sasakyan.

Ayon naman sa ilang miyembro ng konseho, hindi naman umano masisi ang mga driver dahil maikli lang din ang inilaang lugar para sa loading at unloading area.

Lalo pa’t matataas ang gutter ng kasada kaya hindi makakatabi ng maaayos ang mga ito.

Kaya ganon na lamang ang umano ang pagnanais ng konseho na balikan ang ordinansa at maayos ang nilalaman nito.

Supt. Gustilo, bukas sa pagkakaroon ng isa pang himpilan ng pulisya sa Boracay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bukas sa posibilidad si Supt. Julio Gustilo, Director ng Provincial Tourist Police Office, na magkaroon ng isa pang himpilan ng Pulisya sa isla maliban sa  Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Aniya, mabuti naman para sa Boracay ang ganitong hakbang kung saka-sakali, para mahati din ang trabaho ng BTAC at mapag-tuonan nilang mabuti ang suliranin may kaugnayan sa turista. 

Dahil ang totoo aniya ay pati domestic na problema ay saklaw nila ngayon kahit na Boracay Tourist Assistance Center na sila.

Gayon pa man nilinaw nitong hindi naman umano problema kung pati ang kaso o insidente domestic ay tutugunan nila.

Subali’t kung matutuloy man umano ito, hiling ni Gustilo na sana ay magkaroon ng malinaw na detalye ang mga obligasyon ng dalawang himpilang ito upang hindi magkaroon ng konplekto at hindi magturuan.

Matatandaang nagpasa ng resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Malay na humihiling sa PNP Chief na lagyan ng isa pang himpilan ng Pulisya, na sa ilalim na ng superbisyon at kontrol ng Lokal na pamahalaan ng Malay, at di katulad ng BTAC na sa ilalim ng probinsiya. 

Mga magnanakaw sa Boracay, mag-iiba umano ng ruta

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung nabawasan man ang mga insidente ng salisi sa front beach, tila target naman ngayon ng mga magnanakaw ang mga resort sa Boracay.

Ito ay dahil mistula umanong lumipat na naman ngayon ang atensiyon ng mga kawatan sa mga establishemento.

Bunsod nito, mariing nagpaalala ni Supt. Julio Gustilo, Director ng Provincial Tourist Assistance Center sa mga stakeholder sa Boracay na pag-ibayuhin ang pagbabantay, maging mapagmatyag kahit kanino at maging bigelante sa lahat ng oras para hindi mabiktima ang mga ito.

Sapagka’t napatunayan na aniya na hindi lang pala Pilipino ang nagnakakaw, dahil maging ang mga dayuhan ay nahuhuli na rin nandedekwat ng mga gamit ng turista sa front beach.

Samantala, naniniwala si Gustilo na dahil sa madalas na pagpapatrolya ng pulisya sa baybayin at pagbibigay paalala na  huwag iwan sa  kung saan lang ang gamit ng mga turista, kaya’t bumaba na rin ang bilang ng mga biktima ng salisi sa front beach ngayon.

Bangkay ng babaeng nakita nitong Linggo, hindi pa rin makilala

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mahigit isang linggo na ang nakakaraan matapos makita ang katawan ng isang babaeng naaagnas na sa tagong lugar sa Barangay Manoc-manoc.

Subali’t hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikilala at wala pa ring pamilya na umaako sa bangkay nito, ayon kay Supt. Julio Gustilo, Hepe ng Provincial Tourist Assistance Center.

Bagama’t mayroong cell phone, SIM card at mga contact numbers na nakuha sa bangkay ng biktima, sinabi ni Gustilo na nang tawagan ang mga kontak na iyon, ay hindi rin nila kilala ang biktima.

Maliban dito, may mga kaibigan din ang biktimang inimbistigahan na ng awtoridad.

Pero napag-alamang iba-ibang pangalan din pala ang gamit ng biktima, maliban sa mga nagsasabing taga Iloilo ito.

Bunsod nito, nasa plano na ng awtoridad na ipabalabas sa mga telebesyon sa lungsod Iloilo ang larawan ng babae na nakuha mula sa wallet nito, upang mapadali ang pagkilala sa bangkay.

Samantala, naniniwala si Gustilo na baka na “double cross” ang biktima ng mga kasama nito, dahil sa ilang mga negatibong impormasyong nakalap ng mga awtoridad ukol sa gawain ng babae.

SB Malay, may hirit pa sana sa pamahalaang probinsiyal

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Aprobado man ang resulosyon ng pag-endorso para sa 2.6 hec. na reklamasyong sa Caticlan.

Subali’t may mga nais pang hirit ang konseho bago sana ito pormal na lagdaan.

Sa nakaraang sesyon, hiniling ni SB Member Dante Pagsugiron na kung maari ay isama sa resolusyon ang pagbibigay ng time frame, partikular na kung kelan tutuparin ng probinsya ang demand ng konseho na buuin na ang Caticlan at Cagban Management Board.

Matatandaang ang pagbuo sa Caticlan at Cagban Management Board ang isa sa kahilingan ng SB kapalit ng pag-endorso nila sa proyekto ng probinsiyal.

Samantala, nitong umaga, nabatid mula sa kalihim ng SB na plantsado na ang nilalaman ng resolusyon ng pag-endorso, matapos itong aprobahan noong nagdaang sisyon noong ika dalawampu’t walo ng Pebrero at nakatakdang lagdaan ng Punong Ehekutibo.

SB Member Wilbec Gelito, pinababawi ang resolusyon ng pag-endorso ng SB sa reklamasyon

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hiniling ngayon ni SB Member Wilbec Gelito sa konseho na bawiin muna ang resolusyon ng pag-e-endorso na ibinigay ng Sanggunian sa pamahalaang probinsiya, para sa 2.6 hec. na reklamasyon sa Caticlan.

Ito’y dahil nais muna umano sana ni Gelito na magkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) ang lokal na pamahalaan ng Malay at probinsiya, para maging legal at masigurong tutuparin ng probinsiya ang mga apela o demand ng SB.

Bunsod nito, nais ng konsehal na gumawa ng pormal na pangako ang gobernador ng probinsiya kung saan nakasaad ang isang notarized na commitment at isumite sa konseho bago ibigay ang pag-endorso.

Dahil para kay Gelito, hindi magiging balido ang pangako ni Aklan Gov. Carlitio Marquez kung walang MOA na namamagitan sa LGU Malay at probinsiya.

Bagama’t ang nais umano ng nasabing konsehal ay bawiin o kanselahin muna ang pag-endorso, nilinaw nito na hindi niya kinukontra ang proyekto, at nais lamang nitong makasiguro.

Sitio Lugutan Beach sa Brgy. Manoc-manoc, gagawing pook pasyalan

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Balak ng Tan Yan Kee Foundation at lokal na pamahalaan ng Malay na buhayin at gawing atraksiyong panturismo ang Sitio Lugutan sa Brgy. Manoc-manoc.

Dahil dito ay balak na itong lagyan ng streetlights para maging pook pasyalan na rin.

Bagama’t masangsang ang amoy sa lugar na ito dahil dito idinidispatsa ang tubig ulan at tubig mula sa drainage, kampante si Mayor John Yap ng Malay na mareresolba rin ang problema sa lugar na ito.

Ito’y makaraang mangako ng tulong pinansiyal ang Tan Yan Kee Foundation sa nasabing plano.

Maliban dito, hihilingin aniya ng alkalde sa Manila Water na tulungan ang LGU para malinis ang tubig na lumalabas dito mula sa drainage.

Isinatinig din ni Yap na gayong nilinis na ang Sitio Lugutan at sa buwan ng Hunyo ay sisimulan na ang pagtatanim ng mga mangroves, dahil gagawing lugar na pang-eco tourism ang nasabing area.

Holding area sa Caticlan Jetty Port, bubuksan na

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Itinakda nang buksan ang bagong holding area sa Caticlan Jetty Port ngayong Marso 16.

Dahil dito, inaasahang may mga pagbabagong magaganap sa daloy ng operasyon doon, partikular sa dadaanan ng mga turista bago sumampa sa bangka papuntang Boracay.

Ayon kay Alex Valero, Head Security ng Caticlan Jetty Port, magiging maginhawa na umano sa mga turista ang bagong holding area na ito, sapagkat may aircon at sariling palikuran. Mas pinalawak na rin umano ito kaya kakayanin na kahit magsabay-sabay ang mga pasahero sa terminal.

Bunsod nito, magkakaroon din aniya sila ng dry run para masubok muna kung epektibo ang inihanda nila direksiyon para sa mga dadaan sa Jetty Port.

Ito ay upang malaman kung ano pa ang kulang at dapat ayusin para hindi makaabala sa mga turista.

Dagdag pa nito, aasahan din aniyang magdaragdag na rin sila ng mga security guard sa lugar para masiguro ang kaligtasan at ma-protektahan ang kagamitan ng mga turista.

Masangsang na amoy sa Sitio Lugutan, Manoc-manoc, hindi naging hadlang sa isinagawang Clean-up Drive

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi alintana ng mga volunteer ang masangsang na amoy sa Sitio Lugutan, Manoc-manoc para maging matagumpay ang clean up drive doon noong Marso 5.

Ito’y upang ihanda ang lugar na ito para pagtaniman ng mangroves nang sa gayon ay maipreserba, ma-rehabilitate at maprotektahan ang bahaging ito ng Boracay, lalo pa’t nabatid na balak ring isulong ang eco-tourism sa isla.

Ang paglilinis sa nasabing lugar ay inorganisa at pinangunahan ng LGU Malay, Philippine Chamber of Commerce (PCCI), sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), non-government organizations (NGOs), ang kapulisan, Red Cross, Coast Guard, Barangay Manoc-manoc, at marami pang iba.

Dahil dito, saku-sakong basura katulad ng plastic, bote, at iba pang nabubulok na basura ang nakolekta ng mga volunteers doon.

Samantala, labis-labis naman ang pasasalamat ni Mayor John Yap ng Malay sa Tan Yan Kee Foundation na siyang nagbigay ng pinansiyal na tulong para sa programang ito.

Ang Sitio Lugutan sa barangay Manoc-manoc ay inirereklamong mabahong lugar sa back beach ng Boracay, kung saan dito idinedispatsa ang mga dumi mula sa drainage ng Boracay.

Boarding house at residensyal na gusali sa Boracay, magkakaroon na ng guidelines

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pagkakaroon ng guidelines para sa maaayos na mga boarding house sa Boracay.

Ito ang isa sa mga layunin sa balak na pagpapatupad ng moratorium sa mga gusali sa isla ng Boracay ayon kay Alma Beliherdo, Municipal Planning Officer ng Malay.

Batay umano sa proposisyon nila para mapabilang sa kautusan, kasunod ng planong pagpapalabas ng moratorium sa isla, ay ang pagkakaroon ng standard na guidelines para sa mga boarding house at residensyal na gusali dito.

Ito’ y upang maging maayos, kanais-nais at nasa standard naman aniya para sa turismo, kahit ang residential at boarding house sa isla.

Maliban dito, nais rin aniya ng Engineering Department ng LGU na magkaroon ng guidelines upang maklaro na sa Boracay, na kahit ang mga gawa sa light material na bahay o boarding house ay nanga-nangilangan parin ng permit.

Matatandaang matagal nang isyu at problema sa Boracay ang squatters at biglaang pagsulputan ng mga bahay kahit saang bahagi lang ng isla.

1M turista sa Boracay, maaabot ngayong taon --- SB Malay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi lamang ang pamahalaang probinsiya ng Aklan ang umaasang maaabot na ang isang milyong tourist arrival sa Boracay ngayong taon.

Maging ang Sangguniang Bayan ng Malay ay kampante din tungkol dito.

Ito’y makaraang ihayag ni SB Member Dante Pagsugiron na nitong buwan ng Enero ng kasalukuyang taon ay mahigit 100,000 turista na ang nakapasok sa Boracay batay sa naitala ng Municipal Tourism Office (MTO).

Dahil dito, naniniwala si SB Member at Presiding Officer Esel Flores na maaabot na ang target na 1M, gayong buwan pa lang ng Enero ay malaking bilang na ang naitala kumpara noong nagdaang taon ng 2011 ng kaparehong buwan.

Samantala, kung nitong nagdaang taon ay mga Koreans ang nanguna sa may pinakamaraming bilang ng turista sa Boracay, ngayon ay naungusan na ito ng mga Chinese.

Ayon sa rekord ng MTO nitong Enero, pumapangalawa na lang ngayon ang mga Koreans at pangatlo ang mga Taiwanese. 

Bangkay ng babae, natagpuan sa Brgy. Manoc-Manoc, Boracay

Sa halip na singkamas, bangkay ng isang babae ang natagpuan ng anim na bata kahapon sa isang gubat ng barangay Manoc-manoc.

Sa panayam ng Yes FM News Center Boracay sa mga bata, dakong 2:30 noong Linggo, a-tres ng Marso, habang naghahanap umano ng singkamas ang mga ito nang kanilang mapansin ang animo’y paa ng taong natabunan ng mga tuyong dahon.

Nang tingnan, saka na lamang natuklasang bangkay na nasa advance state of decomposition ang katawang naroon.

Kaagad din umanong ipinagbigay alam ng mga ito ang natuklasan sa pinakamalapit na bahay doon, na siya namang tumawag ng pulis.

Kinordon kaagad ng mga taga Boracay Tourist Action Center at SOCO Boracay ang nasabing lugar at isinagawa ang imbistigasyon.

Nabatid sa inisyal na imbistigasyon na nasa 5-7 araw na doon ang bangkay, bago ito nadiskubre.

Maliban sa putol ang kanang braso nito, Naniniwala din ang ilang residente doon na tinangkang sunugin ang bangkay, dahil sa mga nakitang animo’y sunog na dahon sa mismong kinarooonan nito.

Samantala, narekober ng mga otoridad ang isang cellphone mula sa bangkay, na pinaniniwalaang magiging susi sa pagkakakilanlan ng nito.

Patuloy pa ring iniimbistigahan ng mga otoridad ang nasabing insidente.