YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, September 19, 2012

Landfill sa Brgy. Cabulihan, malapit nang mapuno!


Nakatakdang magsagawa ng pagsisisyasat ang SB Malay sa Brgy. Cabulihan dahil nakita umano na maliit lang ang mga ginawang lalagyan ng residual na basura doon.

Kaya plano na ng SB na imbestigahan at pag-aralan kung ano ang nangyari dahil inaasahang sa taong 2017 pa mapupuno ang pinaglalagyan ng residual, subalit ngayonpa lang ay mistulang puno na ito.

Katunayan, nabatid mula sa mga konsehal na kapag hinakot lahat ng residual na naimbak ngayon sa Boracay ay mapupuno na agad ang landfill.

Bunsod nito, sisilipin umano nila ang plano ng ahensya na gumawa ng pag-aaral bago ipatupad ang 40-million-peso landfill project na ito.

Maliban dito, aalamin din umano nila mula sa kontraktor kung ano ang naging problema.

Gayon pa man, napag-alaman si umano ni SB Member Jupiter Gallenero na may mali sa projection ng ahensya, kaya ang basurahan na inaasahang mapupuno pa sa 2017 ay mistulang mapupuno na agad sa ngayon. | ecm092012

Drainage sa front beach na bumubuga sa Station 2, hindi pwedeng ipasara!


Tila wala nang magagawa pa ang lokal na pamahalaan ng Malay sa tubig na lumalabas mula sa drainage papuntang front beach sa station 2.

Sapagkat ayon kay Island Administrator Glenn Sacapaño normal at ito talaga ang labasan ng tubig gayong hindi naman aniya ito pwedeng isara.

Dahil kapag lumakas ang ulan, dito rin napupunta ang tubig na naiipon na dadaloy din papunta sa beach.

Bagamat sinabi nitong minsan ay naipasara na rin ito ng pamahalaang probinsiya at Department of Tourism, pero umapaw pa rin aniya ang tubig ulan mula sa gitnang bahagi ng isla.

Ganoon pa man, nangyayari lamang umano ito kapag tag-ulan, pero kung tag-init naman ay maaayos ang area na ito.

Ngunit, sinabi nitong nimimentina nila ang naturang area para mapanatiling maayos ang lugar dito. | ecm092012

Front Beach, may dalawang pampublikong palikuran na

Kung dati ay sa mga establishemento lamang na malalapit nakikisuyo ang mga tuirsta kung saan aatakihin ng tawag ng kalikasan ang mga ito para makigamit ng palikuran, hindi na ito mangyayari ngayon, dahil may dalawang pampublikong palikuran na umano sa front beach ayon kay Island Administrator Glenn Sacapaño.

Partikular nitong tinukoy na may pampublikong palikuran na’ng pwedeng magamit sa Station 2 at Station 3.

Pero inihayag nitong dahil sa ilang problema sa station 1 ay hindi natuloy ang balak na magkaroon din sa nasabing area.

Kung maaalala, ilang konsehal na rin ng Sangguniang Bayan ng Malay na na-dismaya sa sitwasyon ito ay nagpa-abot ng kanilang hinaing ukol sa usapin may ilang buwan na ang nakakalipas, kung bakit wala man lang public comfort room sa Boracay para sa mga turista.

Samantala, nilinaw naman ngayon ni Sacapaño sadyang inilagay lang talaga ang portalet sa Material Recovery Facilities (MRF) Balabag, dahil wala namang paglalagyan sa pampulikong lugar sa Boracay.

Ito ay dahil dapat ay may koneksiyon aniya ito para sa tamang disposal ng dumi mula sa mga gumagamit.

Aniya, hindi dahil sa tambakan ng basura o MRF nakalagay ang portalet na donasyon para sa isla dalawang taon na ang nakakalipas ay pinabayaan na ito.

Ang ginagawa umano nila ay pinapahiram na lang nila ito minsan kung sino man ang nanghihiram dahil sa movable naman ito, para mapakinabangan din. | ecm092012

Tuesday, September 18, 2012

Red Cross, tututukan ang pangangasiwa sa life guards sa Boracay

Isa sa mga prayoridad ngayon ng Philippine Nation Red Cross Malay-Boracay Chapter sa kanilang Life Guarding Services ang pag-pangangasiwa at pagsasanay sa mga life guard sa isla.

Ito ang nasa plano ngayon ng Red Cross lalo na at may trainer namang ipinadala ang PNRC sa katauhan ni David Field, propesyunal na life guard na may layunin makumpleto ang kaniyang commitment na mabigyan ng sapat na kakayahan ang life guard para sa mabawasan din ang kaso ng pagkalunod sa isla.

Sapagkat target umano ng Red Cross na maging safe destination ang Boracay at maging internasyonal ang standard ng isla pagdating sa life saving.

Bagamat dumaan na sa pagsasanay ang ibang miyembro ng Life Guard, aminado si Field na kulang pa rin ang kakayahan ng mga ito.

Nabanggit din ni Field sa presentasyon nito sa Sangguniang Bayan na may kulang pa talaga sa mga ito maliban sa kasalukuyan bilang ng naka-duty sa beach sa ngayon.

Kaya aasahan umano na magkakaroon din ng Life Guard ang Red Cross na may sapat na kakayahan, habang ang mga dati ay siyang mo-monitor sa beach line particular sa swimming area.

Kasama din sa pano nila ngayon ay mariing maipatupad ang red flag para sa kaligtasan ng mga naliligo. | ecm092012

Mga gusali sa Boracay na walang ECC, nabigyan na ng “notice of violation”

Lahat ng mga gusali sa Boracay na walang Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay nabigyan na umano ng Notice of Violation.

Ito ang inihayag ni Merza Samillano, CENRO Officer ng Boracay sa panayam dito.

Ayon sa CENRO, ang mga gusaling wala ECC sa Boracay na bagamat ay may Building Permit mula sa lokal na pamahalaan ng Malay ay na-isyuhan na aniya ng notice of violation ang Environmental Management Bureau ng DENR.

Lalo na yaong mga gusali na may mahigit isang libo metro kuwadrado ang lapad ng na-develop nasabing area, at ipinagpatuloy parin ang ginawang konstraksiyon kahit walang ECC.

Samantala, bagamat sinasabing daan-daang gusali pa sa Boracay ang walang ECC hanggang sa ngayon, hindi naman masabi ni Samillano kung ilan talagang establishemento sa isla ang wala nito.

Kung maaalala, kamakailan ay isiniwalat sa Sangguniang Bayan ng Malay na hindi na nagbibigay pa ng ECC ang DENR para sa mga gusali sa Boracay, at maging si Samillano ay ang nagsabing taong 1997 pa ipinatigil  ng DENR ang pag-isyu nito sa isla. | ecm092012

Monday, September 17, 2012

Cadastral Survey sa Boracay, hindi pa maaprubahan

Dalawang mapa ng Boracay ang isusumite ng kontraktor na nagsagawa ng cadastral survey sa isla at ito ang pagpipilian ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung ano ang gagamitin.

Kaya hindi pa naaaprobahan sa ngayon ang resulta ng kadastro na isinagawa nitong nagdaang taon ayon kay Merza Samillano, Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Boracay Officer.

Maliban kasi sa isyu hinggil sa mga koreksiyon nang ilabas ng surveyor ang initial nilang out-put, naglabasan din ang maraming kwestiyon mula sa mga lot owner at claimants kaugnay sa lapad, laki at lot number ng kanilang mga lupain.

Pero maliban sa mga nabanggit na ito, isang factor din kung bakit naantala aniya ang pag-aproba sa kadastro, ay dahil dalawang mapa ang pinagpipilian ng DENR.

Una dito ay kung ire-reflect ba umano sa mapa ng Boracay ang tinatawag na “15 meters from the center line” lalo pa at maraming lot owner ang nababahala kung susundin ito.

Pero kung ito umano ang maaprubahan ng DENR, tanging ang House Bill ni Aklan Rep. Florencio Miraflores lamang ang pwede makapagpabago dito.

Samantala, ang isa naman sa pinagpipilian ay kung panatilihin na lang ang dating mapa.

Gayon pa man, ang desisyon umano ay nakasalalay sa Regional Office ng DENR at nangangailangan pa ng basbas mula kay Environment Secretary Ramon Paje.

Kaya aminado si Samillano na hindi pa talaga maipapalabas ang resulta ng kadastro.

Pero gayong hindi pa ito naaprubahan, hindi din nito masabi kung tatanggap pa ang kontraktor ng koreksiyon, dahil nasa Regional Office na ang mga ito sa ngayon. | emc092012

"Safety Officer" para sa mga konstraksiyon sa Boracay, hiniling ng Red Cross sa SB Malay

Suporta sa paraan ng pagpasa ng batas ang hinihingi ng Philippine National Red Cross Malay-Boracay Chapter sa Sangguniang Bayan upang pagtibayin at mapakinabangan din ang serbisyong dala nila sa isla, partikular pagdating sa Safety ng publiko.

Ito ang inihayag ni PNRC Malay-Boracay Chapter Administrator Marlo Schoenenburger nang i-ulat nito sa SB ang kanilang accomplishment at mga plano para mapakinabangan din ng publiko ang kanilang serbisyo sa isla.

Una  hiniling ni Schoenenburger sa mga konsehal na magpasa ng resolusyon na gawin batas sa isla na maging requirements na sa mga establishemento dito ang pagsasanay para sa Life Saving sa mga empleyado gaya ng First Aid at Basic Life Support.

Anya, mayroon namang trainer ang Red Cross na handang magsanay sa mga ito,  para na rin maging standard at angkop sa “premier international tourist destination” ang Boracay kung safety ang pag-uusapan.

Dagdag pa nito, sana ay magkaroon na rin ng batas sa isla at Malay na nag-uutos sa lahat ng may konstraksiyon dito na magtalaga ng Safety Officer na siyang titingin para sa kaligtasan ng mga trabahador.

Ito ay bilang sagot na rin umano sa mga aksidente kung saan nasasangkot ang mga construction worker.

Nakikita din umano nilang walang safety officer ang mga ito.

Ganoon pa man, nagpapasalamat ang adminstrador sa konseho lalo na sa mga tulong o suporta na ipinaabot ng LGU Malay para sa Red Cross simula nang magkaroon ng chapter sa Boracay. | emc092012

BFI, wala pang stand sa pagpasok ng McDonalds sa Boracay


Naniniwala si Boracay Foundation Incorporated (BFI) President Dionesio “Jony” Salme na sa Boracay ay nananaig ang “free entrepreneurship” kaya malayang makapasok ang sinumang nais mamuhunan.

At sa pagpasok aniya ng higanteng fast food na McDonald’s sa Boracay, aminado ito na maaapektuhan talaga ang mga maliliit na negosyante sa isla.

Pero para sa kanila umanong mga stakeholder ay bukas naman sila sa mga kompetisyon.

Maliban na lamang aniya kung may batas talaga sa Boracay na nagbabawal na makapasok ang fast food chains gaya ng Jollibee at McDonald’s.

Subalit sa kaso umano ng McDonald’s, dapat aniyang idaan muna ito sa public hearing bago payagan ang operasyon.

Ganoon pa man, nilinaw nito na sila sa BFI ay wala pa talagang nabubuong posisyon o stand kaugnay sa bagay na ito.

Bagama’t sinabi nitong tatamaan ng pagpasok ng McDonald’s ang mga negosyante sa Boracay, inihayag nitong dapat ay pag-aralan muna ito ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Kung maaalala, ang Sangguniang Bayan ay nagpahayag na rin ng kanilang pagtutol sa pagpasok ng McDonald’s sa Boracay. | emc092012

GOOD NEWS: Singil sa kuryente ngayong Setyembre, bababa ng mahigit piso

Dahil sa tag-ulan ang panahong nakatipid ang publiko sa kanilang pag-gamit ng kuryente, magpapatupad ng mahigit piso bawat kilowatt-hour na tapyas sa singil sa kuryente ang Aklan Electric Cooperative (Akelco) ngayong buwan ng Setyembre.

Ito ang maagang pamasko ng Akelco sa pagpasok ng “-ber months”.

Sa kalatas ng kooperatiba, kung nitong nagdaang buwan ng Agosto ay nasa P11.14/kwh ang singil sa residensiyal, simula naman ngayong Setyembre ay magiging P10.00 na lamang ito.

Samantalang sa komersiyal naman, magiging P9.11 na lamang ang babayaran mula sa dati ay halos P10.25 na singil.

Ayon sa Akelco, ang rason ng pagbaba sa singil nila ay resulta ng pagbaba din ng demand, lalo na ngayong tag-lamig at tag-ulan.

Maliban dito, ang madalas na pag-ulan umano ay nakatulong din, dahil sa dumami ang tubig na siyang nagbibigay naman ng buhay para sa hydro-electric power plant na pinagkukunan at nagsu-suply ng enerhiya sa Spot Market, na nagresulta sa mababang presyo ng binibiling enerhiya ng Akelco.

Pero nagbigay naman agad ng babala ang Akelco sa mga konsyumer, dahil sa possible umanong tumaas ulit ang singil sa darating na Oktubre.

Ito ay dahil nakasalalay ang presyo ng kuryente sa demand, generation charges at system loss o mga nasasayang na enerhiya.

Bunsod nito, muling nagpa-alala ang Akelco na magtipid parin sa pag-gamit ng kuryente. | emc092012

Pagbawi sa kaso laban sa reklamasyon, pinabulaanan ng BFI

Mariing pinabulaan ni Boracay Foundation Incorporated (BFI) President Dionesio “Jony” Salme ang lumalabas na balitang balak na nila ngayong bawiin ang kasong naisampa sa pamahalaan probinsiya kaugnay sa usapin ng reklamasyon sa Caticlan.

Ayon kay Salme, wala itong katotohanan, kundi ang ginawa umano nila ay ang panindigan ang kanilang unang hakbang na magpasa ng resulosyon na hindi na sila tututol kung hanggang 2.6 ektarya lamang ang gagawing reklamasyon, pero ang pagbawi sa kaso ay hindi talaga nila pinag-usapan.

Kaya bilang pagtupad sa request ng Supreme Court kung saan isinampa ng BFI ang kaso, balik umano sa zero at dadaan na sa tamang proseso ang probinsiya upang mabawi na ang Temporary Environmental Protection Order (TEPO) na ibinaba ng SC laban sa proyekto.

Una rito, nagsagawa na ng Public Hearing ang pamahalaan probinsiya sa Boracay bilang kanilang hakbang upang muling umusad ang reklamasyon ng ipatigil ng Korte sa kahilingan na rin ng BFI.

Kung maaalala, ilang beses na rin lumabas ang usaping ito, pero sa pagkakataong ito, babawiin na umano ng BFI ang kaso kung ibabalik ng probinsiya ang lahat ang nagastos nila sa pagsampa ng kaso, na siyang mariing itinanggi naman ni Salme.

Ito ay dahil na rin sa ang isyung pangkapaligiran ang mitsa ng pagsampa ng kaso ng BFI sa may proposisyon ng proyektong reklamasyon sa Caticlan na nagresulta sa pagpapatigil sa pagtatambak doon.

Hiniling umano ni Salme sa ginawang Public Hearing kamakailan sa pamahalaang probinsiyal na sakaling matuloy na ang 2.6 ektaryang reklamasyon, dapat ay may standby o may naka set-aside na agad na pondo para sa epektong pwedeng madala ng reklamasyon sa kapaligiran lalo na sa dagat ng Boracay.

Ito ay maliban pa umano sa hiniling nilang magkaroon ng patuloy na environmental study sa area na ito.

Layunin umano nito na kung ano man ang kahihinatnan ng proyekto dahil na rin sa mga pangaba, mahalaga aniya na may pondo na talagang inilaan para hindi na lumala pa at maaksiyunan agad lalo pa at ayaw umano nito na maging rason lang ang kawalan ng pera o pundo kapag nasa hindi na inaasahang sitwasyon.

Inihayag din ni Salme na positibo naman umanong tinanggap ng pamahalaang probinsiya ang suhistiyon nito. | emc092012