Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay
Hindi puwede mag-fogging kahit may kaso na ng dengue.
Ito ang iginiit ngayon ni Municipal Health Officer Dr. Adrian Salaver, kaugnay sa kaso ng dengue sa Boracay, partikular sa sitio Din-iwid, Barangay Balabag.
Sa panayam ng himpilang ito kay Salaver, sinabi nito na kung gagamitan ng fogging ang lugar na may kaso ng dengue ay balewala lang umano ito, dahil hindi din naman nito masyadong mapupuksa ang mga lamok.
Sa halip, maitataboy lang ng fogging ang mga lamok pupunta sa ibang lugar at makaka-biktima pa ito ng iba.
Ayon pa kay Salaver, ang pagpapa-fogging ay kinakailangan lamang kung sadyang marami nang biktima sa iisang lugar lamang.
Kaugnay nito, minarapat na lamang na ipaalala ni Salaver na sundin ang apat na “S” na inilunsad ng Department of Health (DOH) para makaiwas sa dengue.
Ang unang “S” ay “seek and destroy” na nagsasabing dapat linisin ang mga lugar na posibleng pamugaran ng mga lamok.
Ang pangalawang “S” naman ay “seek early consultation” na nagpapaalalang huwag nang hintayin pa ang paglala ng lagnat at magpa-konsulta agad sa doktor.
Sunod naman nito ay “self protection” kung saan kailangang magsuot ng mga damit na may mahahabang manggas lalo na sa mga bata at maglagay ng kulambo sa oras ng pagtulog.
At ang pang-huling “S” naman ay “say no to fogging” dahil dapat na gamitin lamang ito kung may dengue outbreak na sa lugar.
Ang nasabing reaksyon ay may kaugnayan sa “concern” na ipinaabot ng isang nagngangalang Randy Ronquillo sa Facebook account ng himpilang ito.
Dito ay nanawagan si Ronquillo na kung maaari sana ay mapausukan ang kanilang lugar.
Ito’y matapos umanong mabiktima ng dengue ang kanyang buong pamilya nitong nagdaang Sabado.
Sa katunayan, nag-post din ito ng kanyang sariling litrato kasama ang kanyang pamilya sa isang ospital habang ginagamot.
Ayon pa kay Randy, may iba pang pasyente mula sa Boracay ang dinala doon na umano’y nabiktima din ng dengue.