YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 23, 2014

Seguridad sa Kalibo International Airport, mahigpit na ipinatutupad

Posted August 23, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Maghigpit ngayon ang ipinatutupad na seguridad sa Kalibo International Airport (KIA).

Ito’y matapos ang insidente ng pagnanakaw sa isang babaeng bakasyunista sa nasabing paliparan nitong linggo.

Nabatid sa 28th SP Regular Session na sinabi ni SP Member Esel Flores, Chairman on Tourism na nag-imbestiga sa nasabing kaso na makakaapekto ang nasabing insidente sa turismo ng probinsya.

Matatandaang isa sa mga myembro ng Office for Transportation Security (OTS) ang kumuha ng cellphone ng nasabing bakasyunista matapos na maisama sa tray na dumaan sa Kalibo airport’s security x-ray scanners.

Samantala, sinuspende naman ang nasabing staff matapos na aminin din nito ang insidente dahil natakot din umano syang mapaalis sa kanyang trabaho.

Reforestation project ng NGP sa Aklan, nagpapatuloy parin ayon sa CENRO

Posted August 23, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpapatuloy parin ang ginagawang proyekto ng National Greening Program (NGP) sa reforestation sa ilang bayan sa probinsya ng Aklan.

Ito ang sinabi ni Merlen Aborka ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Kalibo.

Aniya, nasa ika-apat na taon na umano nila itong ginagawa simula noong taong 2011 hanggang sa 2016 kung saan mayroong 1.5 bilyong ipinamahaging puno ang NGP para itanim sa 1.5 million hectare forest area sa buong Pilipinas.

Sa ngayon umano ay nasa 75 porsyento na ang itinanim na puno ng CENRO Kalibo sakop ang forest area ng bayan ng Libacao, Madalag at Malinao habang ang CENRO Boracay ay nasa 89 na porseyento sakop naman ang forest area ng Malay, Tangalan, Ibajay, Burangga at isla ng Boracay.

Nabatid na target ng national government na maitanim ang mga puno sa 2,425 hectares na forest area sa Aklan bago matapos ang buwan ng Setyembre ngayong taon.

Samantala, layunin ng NGP na makapagtanim ng native na mga puno katulad ng narra at acasia gayon din ang mga madaling lumaki kagaya ng mahogany at gimelina sa mga target areas sa bansa.

PHO Aklan, ikinalungkot ang pagkakaroon ng stoppage order ng Boracay Hospital

Posted August 23, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ikinalungkot ng Provincial Health Office (PHO) Aklan ang pagkakaroon ng stoppage order ng Boracay Hospital.

Ito’y kaugnay sa ginagawang expansion at pag-upgrade sa nasabing pagamutan, kung saan binabaan ng stoppage order o ipinahihinto ng LGU Malay ang construction dahil sa wala pa itong building permit.

Ayon kay Provincial Health Officer II, Dr. Victor Sta. Maria, ng PHO Aklan, masasabing tiyak na matatagalan pa bago muling magamit at mapakinabangan ang nasabing pagamutan.

Samantala, nabatid naman sa unang ipinahayag ni Municipal Engineer OIC Engr. Arnold Solano, nagrequest at nabigyan na ng demolition order ang nasabing ospital, subali’t wala parin umanong nag-aaplay ng building permit nito kahit nagpapatuloy na ang construction project.

Kaugnay nito, iginiit din ni Solano na dapat paring magkaroon ng building permit ang ospital na isa ring government facility.

Sa kabilang dako, umaasa naman ang PHO Aklan na agad na maaayos at muling masimulan ang nasabing construction.

Magugunitang sinimulan nitong nakaraang buwan ng Marso ang pagpapalapad ng nasabing ospital na pinondohan naman ng Department of Health (DOH) ng 40 million pesos.

Friday, August 22, 2014

Mga videoke bar sa Manocmanoc Boracay, mahigpit na binabantayan ng Brgy. Council

Posted August 22, 2014
Ni Jay-ar  M. Arante, YES FM Boracay

Mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng Brgy. Council ng Manoc-manoc sa isla ng Boracay sa mga videoke bar sa kanilang lugar.

Ito’y matapos masangkot sa human trafficking nitong nakaraang buwan ng Hulyo ang dalawang videoke bar sa nasabing brgy. kung saan 28 kababaihan ang nailigtas ng mga otoridad.

Ayon kay Manoc-manoc Brgy. Captain at LIGA President Abruam Sualog, kailangan umanong masugpo ang nagsasagawa ng ganitong ilegal na gawain sa Boracay.

Aniya, ang mga nailigtas umanong kababaihan ay agad na dinala sa Department of Social Welfare Development (DSWD) para sa counseling.

Sinampahan na rin umano ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9208 ang MGA operator ng videoke bar na sangkot sa human trafficking law sa isla ng Boracay.

Napag-alaman na 35 kababaihan ang nailigtas ng mga otoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Boracay kasama ang isang videoke bar sa Brgy. Yapak.

Pumping station ng TIEZA, hindi parin gumagana

Posted August 22, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Hindi parin gumagana ang pumping station ng TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Ayon kasi kay OIC for Municipal Engineer’s Office Engr. Arnold Solano, kailangan pa talagang linisin ang mga baradong drainage bago tuluyang paganahin ang pumping station.

Samantala, base naman sa impormasyon, patuloy naman ang paglilinis ng contractor ng TIEZA na ITP Construction sa mga nasabing drainage base na rin sa mandato sa kanila na madiliin ang proyekto lalo pa’t panahon ngayon ng tag-ulan.

Magugunita namang naunsyami ang pagpapagana sa pumping station dahil sa kakulangan ng piyesa.

Mahigit 9 napung libong piso natangay ng magnanakaw sa isang establisyemento sa Boracay

Posted August 22, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isang pelican box na naglalaman ng mahigit 9 napung libong peso ang natangay ng magnanakaw sa isang establisyemento sa Boracay.

Sa blotter report ng Boracay PNP, kinilala ang nagrereklamong si Edwin Gomez, 35-anyos ng Puerto, Galera, Mindoro at stay-in at staff sa nasabing establisyemento.

Basi sa salaysay ni Gomez nilagay niya umano ang pelican box sa drawer ng kanilang shop na naglalaman ng pera na may halagang P37,348 at apat na tseke na may halaga namang P56, 904.86 nitong nakaraang araw ng Martes.

Sinabi pa nito na sinarado niya umanong mabuti ang backdoor ng kanilang shop bago siya natulog sa loob ng establisyemento.

Ngunit ng magising umano ito bandang alas-4 ng madaling araw nitong Miyerkules ay nagulat nalang siyang naka bukas na ang back door ng nasabing shop kung saan makalipas ang ilang oras ay natuklasan din ng mga ito na nawawala na ang pelican box.

Lumabas din sa embistigasyon ng pulisya na ang nasabing backdoor ang siyang ginamit ng magnanakaw para tangayin ang pelican box na naglalaman ng siyam napung libong peso.

Samantala, patuloy parin ang isinasagawang embistigasyon ng Boracay PNP hinggil sa nangyaring nakawan.

Lalaki, hinampas ng botelya sa noo habang nasa loob ng isang bar sa Boracay

Posted August 22, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo ng physical injury ang isang lalaki sa Boracay PNP Station, matapos na umano’y hinampas ito ng bote ng beer sa kanyang noo.

Sumbong ng biktimang si Randy Ricaforte, 40 anyos ng Cajilo, Makato, Aklan, alas dos ng madaling araw habang sya ay umiiinom sa loob ng isang bar sa So. Lugutan, Manoc-manoc, Boracay.

Nilapitan umano ito ng isang hindi kilalang lalaki at sa hindi malamang rason ay biglang hinampas ng bote ng beer na tumama naman sa kanyang noo at kaliwang kilay.

Matapos ang pangyayari ay kaagad din umanong tumakas ang suspek.

Samantala, iniimbestigahan naman ngayon ng mga taga Boracay PNP ang nasabing kaso.

SP Aklan, inihinto na ang pagsusuri hinggil sa nawawalang cellphone ng isang bakasyunista sa KIA

Posted August 21, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inihinto na ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang kanilang isinagawang pagsusuri hinggil sa isang bakasyunista na ninakawan ng cellphone sa Kalibo International Airport (KIA).

Ito’y matapos matuklasang isa sa mga staff ng nasabing paliparan na hindi na pinangalananan ang kumuha ng cellphone ng nasabing bakasyunista.

Kaugnay nito, ina-probahan kahapon sa isinagawang 28th SP Regular Session ang pagpapahinto sa nasabing pagsusuri matapos na e-refer sa komitiba ng Tourism, Trade and Industry and Commerce ang pagsasagawa ng imbestigasyon.

Samantala, nabatid na nagliwaliw sa probinsya ng Aklan kamakailan ang nasabing bakasyunista nang mawalan ng cellphone sa KIA habang papauwi sa kanilang lugar.

Thursday, August 21, 2014

Dahil lamang sa tubig, lalaki tinangkang saksakin ng kanyang ka-trabaho

Posted August 21, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinangka umanong saksakin ng kanyang katrabaho ang isang lalaki dahil lamang sa tubig sa isang resort sa Boracay kahapon ng hapon.

Base sa report ng Boracay PNP, kinilala ang biktimang si Alan Undang, 21-anyos ng Hagachac Baybay, Makato, Aklan at presinteng nakatira sa isla ng Boracay.

Ayon sa biktima nagalit umano ang suspek na kinilalang si Raymond Cabucana ng Sitio. Ambulong Brgy. Manoc-manoc Boracay ng tanungin nito kung inimom niya ang kanyang tubig.

Ngunit agad umanong nagalit ang suspek kung saan isang mainit-init na argumento ang namagitan sa kanilang dalawa.

Sinabi pa ng biktima na tinangka umano siyang hampasin ng rolling pin ng suspek pero agad din itong naawat ng iba nilang kasamahan sa trabaho.

Lumabas din sa embistigasyon ng pulisya na nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay ang biktima matapos niyang harangin ang tangkang pananaksak sa kanya ng supek.

Samantala, mas minabuti ng Boracay PNP na idulog sa Brgy. Justice System ang nasabing insidente.

Tubong naglalabas ng tubig sa kalsada ng Boracay Hospital, tinakpan na

Posted August 21, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Kampanti umano ngayon si OIC for Municipal Engineer’s Office Engr.Arnold Solano na hindi na muling babahain ang kalsada ng Boracay Hospital.

Tinakpan na umano kasi ng mga taga MRF o Materials Recovery Facilities sa utos ni Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño ang mga tubong naglalabas ng tubig doon sa kalsada.

Ayon pa kay Solano, pitong tubo pala mula sa isang establisemyento ang natuklasan nilang nakakonekta sa drainage ng nasabing kalsada.

Samantala, aminado rin si Solano na hindi gumagana ang drainage sa harap ng ospital kung kaya’t magpapatuloy din umano ang kanilang pag-inspeksyon doon.

Napag-alamang umaabot hanggang gutter ng kalsada ang baha sa harap ng ospital sa tuwing maglalabas ng tubig ang nasabing establisemyento.

Pag-regulate sa mga local at foreign tourguides sa Boracay patuloy na pinag-aaralan ng SB Malay

Posted August 21, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy parin ang ginagawang pag-aaral ng Sangguniang Bayan ng Malay sa pag-regulate ng mga local and foreign tourguides sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos na muling tinalakay sa SB Session ng Malay nitong Martes ang nasabing usapain kaugnay sa isinagawang committee hearing para dito.

Ayon kay Manoc-manoc Brgy.Captain at LIGA President Abruam Sualog, kamakailan lang umano natapos ang hearing tungkol dito kung saan may kaugnayan ito sa guidelines at pag-regulate sa mga nasabing tour guides para sa muli nilang pagkuha ng permit sa 2014.

Samantala, sinabi naman ni SB Member Rowen Aguirre na mag a-adopt pa umano sila ng amendments kung saan pag-aaralan din ito ng proper committees para sa proper action.

Napag-alaman na isang committee hearing ang ginawa para dito dahil sa umano’y pang ha-harass sa mga foreign tourguides ng Tourism Regulatory Enforcement Unit (TREU) gayon din para maiwasan ang pagkalat ng mga illegal tourguide sa isla.

French national, ninakawan ng bading habang nanonood ng fire dance sa Boracay

Posted August 21, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Malungkot ang sinapit ng isang French national sa halip na kasiyahan habang nanonood ng fire dance sa Boracay.

Ninakaw kasi ng hindi nakilalang lady boy o bading ang kanyang Nikon dSLR na camera alas-dyes kagabi.

Kwento ng French national na si Soltani Sofian, 31 anyos, napadaan ito sa Station 1 Balabag Boracay at nawili sa kakapanood sa mga fire dancers.

Ilang sandali pa ay nabigla na lamang di umano ito nang biglang hinablot ng isang lady boy o bading ang kanyang camera at saka itinakbo.

Ayon pa sa biktima, hinabol pa umano nya ito, subalit hindi na naabutan.

Samantala, nagsasagawa naman ngayon ng follow-up investigation ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) hinggil sa nasabing insidente.