YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, September 14, 2012

Pagbawi sa moratorium sa pag-iisyu ng ECC sa Boracay, nasa plano na rin ng EMB

Isa sa mga bagay na binibigyang prayoridad na rin umano ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbawi sa moratorium na nagsususpende sa pagbibigay ng Environmental Compliance Certificate (ECC) sa gusaling itatayo sa Boracay.

Ito ang inihayag ni Boracay CENRO Officer Merza Samillano, at katunayan ay nakatanggap na rin umano siya ng komunikasyon mula sa Environmental Management Bureau (EMB) Regional Office partikular na mula kay Atty. Jonathan Bulos na hihilingin na rin nila sa kalihim ng nasabing ahensiya ang pagbawi sa moratorium na ito.

Ang nasabing hakbangin ng EMB Regional Office ay katulad din plano ng Sangguniang Bayan ng Malay.

Nabatid din mula kay Samillano na taong 1997 pa sinuspende ng DENR ang pag-isyu ng ECC sa Boracay.

Sinundan din umano ito ng Memorandum Order mula sa EMB nitong nakalipas na taon ng 2011 na pinasususpende din ang issuance of ECC sa Boracay dahil sa na-pending din ang pag-apruba sa Cadastral Survey sa isla.

Kung maaalala, nais na rin magpasa ng resolusyon ng SB Malay para hilingin ang pagbawi sa moratorium na ito upang mabigyang pagkakataon ang mga investor na nais pumasok sa Boracay. | emc092012

Pagsuspende sa sea sports activities, nasa kamay ng Coast Guard Boracay

Ipinasa na ng Coast Guard Caticlan sa Coast Guard Boracay Detachment ang agarang pagdidisisyon sa pagsuspende ng mga sea sports activities sa isla kapag may biglaang sama ng panahon na nararanasan dito.

Kaya ayon kay Chief PT Officer Ronny Hiponia, OIC Station Commander ng Coast Guard Caticlan, ang pagpapasya kung kakanselahin o hindi ang operasyon ng mga sea sports dala ng biglaang pagsama ng panahon ay nasa mga kamay umano detachment sa Boracay dahil may instraksiyon na rin umano sila kaugnay dito.

Aniya, kapag lumakas ang hangin at tumaas ang mga alon ay dapat ang detachment sa Boracay ang siyang magpapalabas ng babala.

Pero kapag may ibinaba na umanong babala, hindi naman aniya ibig sabihin nito ay buong araw na nang i-sususpende ang  operasyon ng sea sports dahil pansamantala lamang ito.

Kaya ang pagbawi din sa suspensiyon ay nasa pagpapasya din umano ng Coast Boracay Detachment. | ecm092012

Pagbili at pagbibenta ng forest land sa Boracay, BAWAL! --- CENRO

“Hindi pwede at bawal talagang ibenta ang lupa sa Boracay na klasipikadong Forest Land.”

Ito ang mariing sinabi ni Boracay Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Officer Merza Samillano nang kapanayamin ito kaugnay sa madalas na katanungan ng ilang indibidwal na intresadong bumili at mamuhunan sa isla: “safe pa ba ang bumili ng lupa sa Boracay?”

Bagamat napapangiti ito sa nasabing tanong, inihayag ni Samillano na dapat ikonsidera ng mga nagbibenta at nais bumili ng lupain sa isla ang pagkakaroon muna ng sertipikasyon kung saan ba klasipikado ang lupa.

Anya, mahalaga umano ito sapagkat napaloob sa Presidential Decree (PD) 1064 ng dating Pangulong Gloria Arroyo, klasipikado na ang Boracay sa dalawa, iyon ay ang “Alienable and Disposable Land or Agricultural Land”  at “Forest Land for Tourism Purposes”.

Gayon pa man, hindi nito direktang sinabi kung safe o ligtas pa ba ang bumili ng lupain sa Boracay.

Pero malaking tulong at mahalaga talaga umano kung may sertipikasyon ang mga ito kaugnay sa estado ng lupa at klasipikasyon.

Samantala, inihayag din nito na mariin umano ang utos sa kanila ng kalihim ng DENR na dapat ay wala nang development pa sa mga Forest Land sa Boracay lalo na sa mga area na wala pa talagang istraktura.

Paliwanag kasi nito ang Forest Land ay deklaradong nang pag-aari ng pamahalaan kaya dapat ay pinuprotektahan lang ito. | ecm092012

Thursday, September 13, 2012

Gastusin sa demolisyon sa mga illegal structure sa Boracay, pwedeng ipasa sa may-ari --- DILG Prov. Dir. Azarcon

Maaaring ipabalikat sa may-ari ng istraktura sa Boracay ang gastusin para sa demolisyon ng illegal structure, kung Municipal Ordinance ang pagbabatayan.

Ito ang inihayag ni DILG provincial director John Ace Azarcon sa panayam dito kahapon.

Ito ay may kaugnayan sa balak ng LGU Malay na ipasa na lang sa may-ari ng West Cove ang ibang gastusin sa demolisyon kapag kinulang sa pondo ang LGU.

Ayon kay Azarcon, sa pagkakatanda nito, may ordinansa sa Boracay na nakapaloob doon na ang may-ari  ang siyang magtatanggal din sa  mga illegal na istraktura  nila sa isla.

Kaya naniniwala ito na ito rin ang sandigan ng Malay para sa hakbang na ito kung sakali.

Bagamat aminado ito na mahihirapan aniya ang lokal na pamahalaan na gawin ito, pwede naman nila itong ipatupad dahil valid naman ito.

Pero, anya, dapat pa rin umano itong idaan sa tamang proseso. | ecm092012

77% sa illegal structure ng West Cove, tapos ng tibagin --- kontraktor

Umabot na  umano sa 77% ang natibag sa mga istraktura sa West Cove na siyang ipinapa-demolish ng lokal na pamahaan ng Malay batay sa report na isinumite ng kontraktor sa lokal na pamahalaan ng Malay.

Ito ang laman ng ulat ni Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero sa sesyon kahapon, bilang update umano sa ginagawang demolisyon sa resort na ito na ginastusan ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Nabatid na ang Legaspi Builders ang demolition team na kinontrata ng LGU Malay.

Sa ulat, hanggang nitong Agosto a-tres halos nasa 77% na umano ang natatapos nila sa halos 2,000 square meter na titibagin doon batay sa mapa na isinumite ng CENRO Boracay.

Sa kontrata, sa bawat metro kwardrado na matitibag nila, P400.00 ang babayaran ng LGU Malay sa kontraktor.

Bagamat pinondohan umano ang pagpapatibag na ito ng LGU, kapag kinulang aniya ang pondo ay posibleng ipasa nila ang gastos sa may-ari ng establishemento.

Pero dahil sa dadaan pa ito sa mahabang proseso, isa sa mga nakikitang solusyon ng LGU Malay, malamang ay gagastusan muna nila ito at saka nalang singilin ang may-ari ng istraktura.

Kung matatandaan, sa ginawang pagbisita ng himpilang ito sa demolition site nitong ika-anim ng Setyembre, makikitang halos hindi pa nga nangalahati ang natitibag sa illigal na istraktura ng West Cove batay sa mga markings na inilagay na DENR doon. | ecm092012

Artificial Reef ng Sangkalikasan, sisiyasatin ng SB Malay

Tila nababahala ngayon si Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero para sa pondong ibinigay ni Sen. Loren Legarda para sa artificial reef sa Boracay na ipinagkaloob sa grupo ng Sangkalikasan Cooperative.

Sapagkat nais nito ngayong malaman kung ano na ang sitwasyon ng proyekto lalo pa at nakarating umano sa kaniya ang impormasyon na tila nabasag ang ilan sa mga dome na bahagi ng proyekto na pinondohan ng P50M.

Pinunto ni Gallenero na tiwala siya sa proyektong ito na ipinatupad ng Sangkalikasan lalo na at nakumbinsi ito na ang grupong ito ay gagamit ng kanilang secret formula upang maging matagumpay ang proyekto, kung saan hanggang sa ngayon ay hindi nasisiwalat kung ano ang secret formula na ito.

Subalit kabaliktaran naman ito sa inaasahang niya kung sakaling totoong na nasira nga ang mga dome.

Maliban dito, nangangamba din ito na baka may masamang maidulot sa baybayin ng Boracay ang mga nasirang dome lalo na sa mga korales na dapat ay pinuprotektahan.

Bunsod nito, nangmungkahi si SB Member Rowen Aguirre na tingnan ang kalagayan ng mga dome na ito sa tulong ng mga divers mula sa Municipal Agricultures Office (MAO) para siyasatin ang kalagayan.

Ang dome ay isang artificial reef na siyang magsisilbing tahanan ng mga isda sa Boracay kasabay ng napabalitang nasisira na ang mga korales sa isla. | ecm092012

SB Malay, sinisingil na ang probinsiya; re: Caticlan Reclamation


Sinisingil na ngayong ng isang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay ang pamahalaang probinsiyal ng Aklan sa mga kondisyon na hiningi nila kapalit ng ibinigay na pag-endorso para sa 2.6 ektaryang reklamasyon sa Caticlan.

Ayon kay SB Member Rowen Aguirre, anim na buwan na ang nakakalipas pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natutupad ng probinsiya ang mga konsdisyon para sa nasabing proyekto na tila nagpapahiwatig umano na hindi seryoso ang pagtupad dito, lalo pa at ginawa lamang umano nila ang pag-endorso sa pamimilit na rin ng probinsiya.

Sinabi din ni Aguirre na kapag intresado umano ang probinsiya, nasimulan o nagawa na nila sana ito matapos ang anim na buwan simula ng magbigay sila ng pag-endorso.

Sila din naman umano ang apektado kung hindi nila tinupad ang kondisyon doon.

Partikular na tinukoy ni Aguirre ang kondisyon sa pagsagawa ng Environmental Study sa epektong madadala ng 2.6 hectar na proyekto sa Caticlan, gayon din ang pagbuo ng Caticlan Jetty Port Management Board.

Pero ipinagtanggol naman ni SB Member Jupiter Gallenero ang probinsiya dahil sa pagkaka-alam aniya nito, nagsisimula na ngayon ang may proposisyon ng proyekto para matupad ang mga konsdisyong ito.

Katunayan ay nakapagsimula na rin silang kumonsulta sa mga stakeholders sa Boracay, bilang isa sa requirement na hinihingi ng Korte Supreme.

Kung maaalala, nang magpasa ng resolusyon ang SB Malay, may anim na kondisyon silang hiningi sa probinsiya. Ito ay  ang pagkakaroon ng Environmental Study, pagbuo sa Jetty Port Management Board, Public Consultation, maging limitado lamang sa 2.6 hectare ang reclaimation at maglaan ng espasyo  sa Caticlan Jetty Port para sa LGU Malay. | ecm092012

Wednesday, September 12, 2012

LGU Malay sa provincial gov’t: 15% share sa environmental fee, nasaan na?


Tila hinahanap na ngayon ng Sangguning Bayan ng Malay sa pamahalaang probinsiyal kung saan napunta ang 15% na binibigay ng LGU Malay sa probinsiya mula sa nakokolektang environmental fee sa mga turista sa Boracay.

 Ito ang laman ng privilege speech ni Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre sa sisyon ng konseho kahapon kung saan nagrekomenda ito sa kapwa konsehal na magpadala ng sulat sa pamahalaang probinsiyal.

Layunin nitong hilingin na bigyan ang Malay ng kopya ng mga proyektong pinag-gamitan ng 15% share nila mula sa koleksiyon ng environmental fee.

Sapagkat sa pagkaka-alam umano nito, sa ordinansa kung saan nakasaad ang hatian ng probinsiya at LGU Malay sa environmental fee ay nalatag doon na dapat ang share nila ay gagamitin din sa mga proyektong pangkapaligiran at dapat ay sa Boracay din ito ibalik dahil kapag hindi umano ito sinunod ng probinsiya, malinaw na paglabag ito sa ordinansa.

Maliban dito, inatasan din ni Aguirre ang kalihim ng SB na magpadala ng opisyal na komunikasyon para itanong sa Treasury ng Malay kung magkano na lahat ang nai-remit nila sa probinsiya simula ng umpisahan noong taong 2006 ang pangungulekta ng environmental fee. | ecm092012

Drainage sa Station 2, bumubuga na naman ng tubig sa front beach


Kung ang pagbaha sa Barangay Manoc-manoc partikular na sa Faith Village area papuntang Lugutan at pag-ipon ng tubig sa Sitio Angol kanto Tulubhan at paunti-unti nang hinahanapan ng paraan para masolusyunan ng LGU Malay, problema pa rin ngayon sa Front Beach sa Station 2 ang tubig na nagmumula sa drainage papunta sa swimming area.

Sapagkat sa mga oras na ito, hindi pa rin nabibigyang sulusyon ang suliraninng ito.

Lalo pa at sa gilid ng bunganga ng drainage na ito, kung saan lumalabas ang may amoy na tubig, ay may mga turista ding na nagsa-sun bathing, naliligo at mga batang naglalaro sa tubig.

Hindi naman ito alintana ng ibang turista pero hindi rin maitatanggi na dismayado ang mga ito sa kanilang nakikita lalo na kapag nalingunan ng mga ito ang sitwasyong ito.

Bagamat ang problema na ito ay matangal nang suliranin, may mga pagkakataon naman na walang tubig na lumalabas sa drainage papuntang front beach.

Samantala, ikinagulat naman ito ng tanggapan ng Department of Tourism sa Boracay, at maging ito ay nagtataka na may mga naglalabas o didispatsa pa rin ng tubig doon.


Ayon kay Boracay OIC DoT Officer Tim Ticar, ang problema na ito ay agad niyang idudulog sa Engineering ng lokal na pamahalaan ng Malay para masolusyunan. | ecm092012

Pagpasok ng isang higanteng fast food chain sa Boracay, tinutulan


Naging laman ng usapin sa Sangguniang Bayan ng Malay ang biglaang pagsulpot di umano ng isang higanteng pambatang fast food chain sa Boracay.

Dahil dito, samu’t-saring reaksiyon mula sa mga konsehal ang kanilang nilatag lalo pa at taong 2010 umano ay na-disapprove na nila ang katulad na aplikasyon ng isang indibidwal na nais magtayo ng fastfood chain sa isla particular sa front beach.

Kaya malaking palaisipan ito sa SB kung bakit sumulpot ito bigla sa isla na hindi man lang dumaan sa kanila at wala sa kanilang kaalaman.

Kaugnay nito, isang mosyon ang nabuo ng SB para siyasatin kung bakit nabigyan ito ng permit kung mayroon man dahil sa pagkaka-alam ng konseho ay nasimulan na ang konstraksiyon gusali para dito.

Maliban dito, nakatakdang magpatawag ng Committee Meeting ang konseho makaraang magpanukala si SB Member Rowen Aguirre na magpasa ng resolusyon ng pagtutol sa pagpasok ng higanteng fastfood chain sa Boracay.

Bunsod nito, nakatakdang ipatawag ng SB sa darating na Lunes ang representante mula sa tanggapan ng Punong Ehikutibo, Engineering, Zoning, at ilang representante mula sa business sector sa isla.

Paniniwala ng SB, malaking kawalan ito sa mga maliit na negosyante sa isla, lalo na sa mga Boracaynon. | ecm092012

Pagiging Party Place at lugar para makapag-relax, target ng DoT para sa Boracay

Bagamat tila komplikado sa ibang ordinansa ng Boracay ang mga elemento para mahilera ang islang ito sa “Top 10 Party Beaches in the World”, Naniniwala pa rin ang Department of Tourism sa Boracay na maganda ito para sa tourism industry ng isla.

Ayon kay Tim Ticar, Officer-in-Charge (OIC) ng DOT sa Boracay, mas maganda pa nga umano kung maging number 1 ang isla sa survey para sa titulong ito.

Pero hindi aniya ito nangangahulugang magdadala ng negatibo imahe para sa turismo dahil dalawang bagay din naman ang kinakampaniya nila para sa pagma-market ng Boracay.

Ang tinutukoy nito ay ang pagiging “Party Place” para sa mga nais mag-enjoy lalo na para sa mga “young generation” at turistang mahilig sa kasiyahan.

Maliban dito, nakatuon din umano sila sa kampaniya at promosyon na ang Boracay bilang isang lugar para sa mga bakasyunista na nais makapag-relax.

Kaya sa ganito umanong sitwasyon, dapat tingnang mabuti ang mga ordinansa sa isla at ipatupad aniya ng tama ang dapat na batas.

Ito ay upang wala na ring komplekto na mangyayari para makapag-saya ang mga gustong mag-saya at makapag-relax ang nais mag relax, gayon din maka-enjoy ang mga turista na nais mag-enjoy na walang istorbo.

Ito aniya ang mga bagay na dapat pagtuonan ng atensiyon ng ahensiya ng mga pamahalaan.

Ganoon pa man, sinabi ni Ticar na hindi naman ito problema dahil ang DoT at lokal na pamahalaan ng Malay ay bukas ang komunikasyon para pag-usapan ang katulad na usapin.

Kung magugunita, nitong Biyernes, nakakuha na ng 5 star na ratings ang Boracay sa survey sa ng isang online newspaper at nasa pangalawang pwesto na ito sa ngayon ng “Top 10 Party Beaches in the World”.

Subalit ang mga elemento kung bakit naka-abot sa rank 2 ang Boracay ay siyang mga bagay naman na nire-regulate sa isla gaya ng fire dance, fireworks at operation ng mga disco bar sa isla. | ecm092012

Tubig ng Beach sa Boracay, nasa standard pa rin


Pasok pa rin sa standard ang tubig sa Boracay ayon sa water analysis na isinagawa ng Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR.

Ito ang nabatid mula kay Boracay Community Environmental Natural Resources Office (CENRO) Officer Merza Samillano sa panayam dito.

Aniya, dalawang beses sa isang buwan isinasagawa ang water sampling sa Boracay para malaman kung ligtas pa ba ito sa naliligong publiko sa isla, gayong ang tubig dito ay dapat para din sa recreational standard at panturismo.

Batay aniya sa resulta ng pagsusuri sa water sampling nitong nagdaan buwan, nasa standard pa rin ang tubig dito, kaya walang dapat na ikabahala ang publiko.

Kaugnay nito, inihayag naman ng nasabing opisyal na sa Regional Office pa ng EMB/DENR ginagawa ang pagsusuri sa tubig.

Pero, ibinalita naman nito na nagpresenta na rin ang pamahalaang probinsiya na magtatayo sila ng water laboratory para dito sa Boracay.

Samantala, sa mga usapin naman hinggil sa mga resort na nagdidispatsa ng kanilang waste water, gayong may mga discharges permit naman umano ang mga establishsmentong ito, sinisiguro din ng tanggapan nila na nakoko-comply pa rin ang nakasaad dito.

Kaya kung sino umano ang makita o malaman nilang hindi nag-comply ay ito ang kanilang iisyuhan ng notice of violation. | ecm092012

Monday, September 10, 2012

Estado ng hostel ng DepEd sa Boracay, malabo pa

Ayaw munang magkomento ng principal ng Boracay National High School kauganay sa estado ng hostel na pinapatayo ng Department of Education (DepEd) sa compound ng nasabing paaralan kung tuloy ba ito o hindi.

Ayon kay Almarie Vallejo, school principal ng nasabing paaralan, sa ngayon ay ang Engineer ng DepEd ang umaasikaso ng mga permit para sa matuloy ang pagtatayo ng gusali ng hostel.

Ito ay makaraang ipatigil ng LGU Malay ang konstraksiyon dahil sa wala umanong kaukulang permiso mula sa munisipyo.

Gayon pa man, sinabi nitong ang DepEd ay nakipag-usap na rin sa LGU, lalo sa isyu kaugnay sa lupang pagtitirikan ng istraktura, dahil isa ang mga ito sa dahilan kung bakit naantala ang konstraksiyon sapagkat hindi ito pinayagan.

Kung maaalala, ang may-ari ng lupa ang isa sa tumututol sa proyektong ito, dahil ang nais lamang nilang itayo dito ay mga silid aralan lamang at ibang usapin na umano ang tungkol sa hostel. | ecm092012

Aklan nakapagtala na ng amin na patay dahil sa HIV/AIDS

Umabot na sa dalawangput apat na katao ang naitala sa Aklan na nagkasakit ng Human Immunodeficiency Virus/Acquired Immunodeficiency Syndrome (HIV/AIDS).

Ito ay batay sa record ng Provincial Health Office (PHO) Aklan sa panayam kay Debby Villaflor, Provincial Nurse Coordinator ng STI/HIV/AIDS sa Aklan.

Aniya, sa naitalang 24 na kaso ng Regional Health Office 6, anim dito ang binawian na ng buhay, siyam naman ang bago at ang natitira ay may ilang taong na rin nilang minomonitor.

Dagdag pa ni Villaflor, ang bilang na naitala sa Aklan na nagkasakit ng HIV/AIDS ay may lima hanggang anim na taon na nilang nailista maliban sa mga bago pang kaso.

Mabatid din mula dito na pawang mga kalalakihan ang karamihan sa mga ito, kung saan nakuha nila ang sakit dahil sa pakikipagtalik.

Samatala, tumaggi naman si Villaflor na banggitin kung saang mga bayan sa Aklan nagmula ang mga taong ito, para din umano sa seguridad ng mga pasyente. ecm092012

Problema sa baha sa Boracay, paisa-isa nang inaaksiyunan


Hindi naman umano aabutin ng tatlongpung araw ang ginagawang konstraksiyon ng Malay Engineering sa Barangay Manoc-manoc para lubusan nang masolusyunan ang baha na nararansan sa lugar na ito.

Ito ang sinabi ni Engr. Elizer Casidsid, Municipal Engineer ng Malay sa isang panayam dito, kung saan may isang linggo na umano nilang nasimulan ang konstraksiyon dito.

Aniya, nagsimula na silang maghukay sa area, dahil maglagay sila ng lagusan ng tubig mula Faith Village papuntang Lugutan at ang tubo ay idadaan nila sa drainage.

Matatandaang ilang beses na ring binatikos sa SB Malay ang sitwasyon sa area na ito at ilang beses na ring inireklamo, maging hanggang sa ngayon, dahil sa madalas itong binabaha at hindi nauubusan ng tubig kahit walang ulan.

Samantala, sa kabilang banda naman, sinabi ni Island Administrator Glenn Sacapaño na ang pagbaha sa kanto ng Tolubhan at Angol sa Manoc-manoc ay nabigay na siya ng utos para lagyan ng lagusan pababa ang tubig dito.

Anya, ang tubig na nagmumula at naiipon sa kalsada dito ay ulan lang naman at hindi ganoon kadumi, kaysa maipon pa aniya sa kalsada at maimbak lang doon na panagit naman para sa mga motorista.

Naniniwala si Sacapaño na masinsinang paliwanag ang kailangan sa mga naroroon para pumayag na lagyan ng lagusan ang tubig papuntang Angol. | ecm092012

Kahit binabaha, klase sa Boracay National High School, hindi pa rin apektado - Principal


Kahit napapalibutan na ng tubig baha mula lawa, kanal at tubig ulan ang Boracay National High School sa Balabag, hindi naman umano apektado ang klase nila doon.

Ito ang sinabi kahapon ni Almarie Vallejo, School Principal ng paaralan ito na hindi naman apektado ang klase ng mga estudyante.

Ito ay dahil shifting naman aniya ang klase nila at may sapat na silid aralan para sa mga mag-aaral at guro naman doon.
Maliban kasi umano sa tubig na nakapalibot sa paaralan, wala naman silang ibang problema, dahil naka-alalay sa kanila ang lokal na pamahalaan ng Malay.

Kaugnay naman sa pagbaha, tumutulong naman din umano ang Boracay Island Water Company (BWIC) sa kanila para maalis ang tubig doon.

Nilinaw din nito na matagal na nilang nararamdaman ang suliraning ito, dahil sa mababang bahagi naman talaga ang kinalalagyan o area na ito ng paaralan.


Dagdagan pa di umano ng problema sa drainages kaya nakakaranas sila ng katulad na suliranin, ang pagbaha sa ground ng paaralan. | ecm092012

Isla ng Boracay, nahahanay na sa “party beaches” sa buong mundo


Gumagawa na naman ng pangalan ang isla ng Boracay sa survey para sa “Top 10 Party Beaches Around The World” ng  online travel advisor na Cheapflights.com at nakalathala ngayong sa Huffington Internet Newspaper.

Ang Boracay sa ngayon ay pumapangalawa na online survey, at nakikipag-karerahan sa Psarou Beach ng Mykonos island sa bansang Greece bilang nangunguna sa ranking sa kasalukuyan.

Sa survey na ito, hinahayaan ang mga mambabasa ng nasabing online news paper na sila ang mag-rate.

Five star ang pinakamaas na makukuha ng makakapasok sa Top 10 mula sa mga hanay ng Beaches sa buong mundo na akma para sa titulong “Best Party Beaches Around the World”.

Tanging ang Psarou Beach ng Greece at isla ng Boracay pa lang ang nakakakuha ng pinakamataas na rating na 5 stars noong Biyernes.

Habang ang ikatlo naman sa ranking na Zrce Beach sa Croatia ay nakakuha ng 4 stars.

Parehong ding nakakuha ng 4 stars ang sumusunod:

4. Palolem Island, India

5. Ibiza, Spain.

6. Haad Rin Beach, Koh Phangan, Thailand

7. Nissi Beach, Cyprus.

8. South Beach, Miami, US.

9. Gordon Beach, Israel

Nasa ika-sampung pwesto naman ang Kuta Beach sa Bali Indonesia na may 3 stars.

Ang pagkakasunod-sunod na ito ay naaayon sa resulta ng survey hanggang noong Biyernes, ika-7 ng Setyembre, at aasahang mag-iiba pa ang resultang hanggang sa matapos ang poll.

Samantala, dahil nasa ikalawa na sa ranking ang Boracay, nakikita naman ngayong posibleng maging susunod na Ibiza na rin ang Boracay dahil nagkakaroon na ito ng kakaibang buhay sa gabi.

Mas lalo na umano itong nagkakulay dahil sa mga palabas sa beach gaya ng fire dance, fireworks, live bands at iba’t-ibang parties na tumatagal ng magdamangan sa mga clubs at bars sa beach.

Dahil sa katangian nito, nakilala na rin ang Boracay sa mundo ng mga mahihilig sa kasiyahan.

Pero ang mapuputing buhangin ng Boracay ang isa sa mga katangiang nagdala sa Boracay paitaas.

Ang Ibiza ay matagal ng kinikilalalang “World’s Beach Party Place”, subalit nasa ika-limang pwesto na lamang ito sa nasabing poll.ecm092012

Mga gusali huling itinayo sa Boracay, walang ECC!

Aminado si Island Administrator Glenn Sacapaño na mayroon ngang permit mula sa lokal na pamahalaan ng Malay ang mga gusali sa isla ng Boracay na nitong huli lang tinayo.

Pero  sinabi nito na ang ilan dito ay walang Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil taong 2006 o 2007 sa panahon pa di umano ni Bibeth Gozon nang ito pa ang kalihim ng DENR ay itinigil na nila ang pag-isyu ng ECC sa Boracay.

Kaya ang ginagawa umano sa isla, gumagamit na lamang ng Certificate of Non-Coverage (CNC) ang mga nagtatayo ng gusali lalo na kung mga maliliit na establishimiyento lamang ang mga ito.

Pero ayon sa island administrator, mahalaga pa rin para sa isla ang ECC dahil sa dito nakasaad ang mga kondisyon na dapat tuparin ng nagpapatayo ng gusali para maprotektahan ang kapaligiran.

Kung maaalala, ang tanggapan ng punong ehekutibo ng Malay ay humiling sa Sangguniang Bayan na magpasa ng resolusyon na humihiling sa DENR na bawiin na ang moratorium para sa pag-isyu ng ECC sa isla, upang mabigyan daan ang malalaking investor na nais pumasok sa Boracay.|ecm092012