YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, May 02, 2018

“TUPAD” Program ng DOLE sa mga Displaced Workers, nagsimula na

Posted May 3, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 4 people, people sitting and people standing
Nagsimula na ang programang Tulong Panghanapbuhay para Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa isla ng Boracay.

Sa panayam kay Carmela Abellar ng DOLE Aklan Field Office, nasa dalawang libo at limang daan na displaced workers ang kanilang target na matulungan mula sa tatlong Barangay ng ManocManoc, Balabag at Yapak.

Sa ngayon aniya, mahigit isang libo at tatlong daan na ang benepisyaryo na nagsimulang magtrabaho sa TUPAD Program ng ahensya kung saan nitong nakaraang linggo sinimulan sa Balabag at ManocManoc habang bukas naman ang sa Yapak.

Makakatanggap ng P323.50 na sweldo kada araw ang mga manggagawa sa loob ng isang buwan.

Image may contain: one or more people and people standing
Ipinasiguro rin ni Abellar na sa oras na matapos ang isang buwan na pagtatrabaho ng displaced workers sa DOLE pwede din umano silang sumangguni sa DSWD at DTI dahil may ibinibigay rin silang hiwalay na tulong.

Naka-pukos ang mga ito sa paglilinis sa kahabaan ng long beach at kalsadahin ng Boracay gayundin sa mga natitirang wetlands sa isla.

Nabatid na layun ng DOLE sa pamamagitan ng TUPAD Program na matulungan ang mga nawalan ng trabaho na taga-isla habang sarado pa ang Boracay.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Abellar na may nakahanda ring tulong sa mga formal sectors pero sa ngayon umano ay wala pang abiso kung anong trabaho ang maibibigay sa kanila.

Samantala, nagpapatuloy naman ang profiling ng bawat Barangay sa mga residente na nawalan ng trabaho upang sa oras na maibigay na ang calamity fund mula sa pagdeklara ng State of Calamaity sa Boracay ay maibibigay na nila ito sa nangangailan ng tulong.

#YesTheBestBoracayNEWS
#BoracayClosure
#BoracayRehabilitation

Tubong naglalabas ng maruming tubig at masangsang na amoy sa Boracay, bineberipika pa kung kanino - DENR

Posted May 3, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 person, smilingBineberipika pa ng Department of Environment and Natural Resources DENR kung kaninong tubo ang naglalabas ng marumi at masangsang na amoy sa dalampasigan ng Station 2 Boracay.

Sa panayam kay Atty. Richard Fabila, Officer-in-Charge ng local Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) DENR-Boracay, ini-imbestigahan na ng kanyang opisina kasama ang Environmental Management Bureau-EMB kung kanino itong anim na pulgadang pipe na naglalabas ng maruming tubig na hinukay ng grupo nitong nakalipas na araw.

Nabatid na bago nito, isang kawani umano ng Lokal na Pamahalaan ng Malay na nagbibigay ng Demolition Order ang nag-report sa kanya na ito ang kanilang nadatnan sa lugar.

Kasama ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) hinukay nila ang mga wala pang isang dipang lalim ng buhangin at doon tumambad sa kanila ang tubo na nakitaan ng bayolasyon.

Image may contain: beach, outdoor, water and nature
(c) ABS-CBN
Kahapon, nagsagawa na ng water sampling ang EMB Office para malaman ang kalidad ng maruming tubig na lumalabas na may paglabag sa "Clean Water Act" para matukoy kung saan ito galing.

Dagdag pa ni Fabila, sa pamamagitan umano ng Pollution Adjudication Board dito malalaman ang resulta sa isasagawang laboratory test at dito ibabase ang bayolasyon na ipapataw sa may-ari na nagpapalabas ng maruming tubig papuntang white beach ng Boracay.


#YesTheBestBoracayNEWS
#BoracayClosure
#BoracayRehabilitation

LTO pinayuhan ang mga motorista sa Boracay na i-voluntary surrender ang lahat ng illegal na sasakyan

Posted May 2, 2018
Boracay Island – Pinayuhan ng Land Transportation Office o LTO ang mga nagmamay-ari ng sasakyan sa isla na boluntaryong i-surrender na ang mga illegal at hindi-rehistradong sasakyan para maiwasan ang malaking penalidad.

Image may contain: 7 people, people smiling, people standing
Ayon kay LTO-6 Regional Director Roland Ramos, isang malawakang clearing operation ang ilulunsad ng ahensya para ma-decongest sa sobrang dami ng sasakyan sa isla na ayon sa huli ay umaabot na sa mahigit apat na libo kung pagbabatayan ang rekord ng Malay Transportation Office.

Nilinaw ni Ramos na maaari pa ring manatili sa isla ang mga sasakyang nakapag-renew ng rehistro at sumusunod sa batas trapiko kasama na ang pagkakaroon ng driver’s license habang nagmamaneho.

Nagbigay din ito ng mga inisyal na paalala at mahahalagang impormasyon tulad ng:

1.) 1,200 lang ang ideal na dami ng sasakyan of all denomination para sa isla ng Boracay.

Sa kasalukuyan narito ang mga numero mula sa LGU-Malay;

a.) REGISTERED PRIVATE SINGLE MOTORBIKE - 3,040
(Unregistered Habal-habal not included)

b.) BLTMPC TRICYCLE – 222

c.) E-TRIKE FOR HIRE - 259

d.) HOTEL AND RESORT SERVICE VEHICLE – 356

e.) ATV AND BUGCARS - 176

f.) GOLF CARTS – 76

g.) DELIVERY VEHICLES INCLUDING MINI-DUMPTRUCKS – 235

h.) TOP DOWNS – 137

i.) TOURIST TRANSPORT / SHUTTLE SERVICE – 113

j.) HEAVY EQUIPMENTS – 68

2.) Bawal ang ATV at Golf Cart na dumaan o gumamit ng main road.

3.) Huhulihin ang habal-habal kung mamamasada kahit na kumpleto sa dokumento.

4.) Sa E-trike, para maging legal ang pamamasada, kailangan na magkaron ng franchise at dumaan sa LTO para ma-denominate mula Private – For Hire. Kailangan hindi mababa sa 35KV ang baterya ng E-trike para marehistro.

5.) Prescribe helmet o ang standard helmet ang dapat gamitin ng mga single motorbike driver.

Image may contain: 6 people, people standing and indoor
6.) Ang penalidad o multa ay mula P 1,000 hanggang P 12000 sa mga mahuhuling lalabag sa regulasyon na ipapatupad. Ang P 12,000 ay multa kung hindi rehistrado ang sasakyan.


7.) LTO at PNP Augmentation Force ang mangangasiwa sa implementasyon.

Nakahanda na rin umano ang kalahating hektarya na impounding area sa mainland para sa sa gagawing evaluation at validation ng mga sasakyang itatawid.

Bagamat nagpaliwanag si Ramos na walang lokal na ordinansa ang mas mangingibabaw sa batas nasyonal, sa usaping kung ilang pasahero ang dapat at pwedeng isakay ng traysikel, ipapaubaya niya na raw muna ito sa lokal na pamahalaan at sa Sangguniang Bayan ng Malay.

Samantala, sa Mayo a-kinse na sisimulan ng LTO ang clearing operation alinsunod sa kanilang partisipasyon sa ginagawang rehabilitasyon sa Boracay.

#YesTheBestBoracayNEWS
#BoracayRehabilitation