Inaasahang ngayon araw pa lang kukuha ng mga permit ang mga
establishemento sa Boracay na lalahok sa taunang fireworks display sa isla.
Ito ang inihayag ni Island Administrator Glenn Sacapaño kahapon
kung saan sa panayam sa kaniya ay sinabi nito na wala pang may kumuha ng mayors
permit hanggang sa mga oras na iyon.
Pero inaasahang susugod umano ang mga ito sa tanggapan ng
Alkalde ngayong araw, Biyernes at huling araw ng opisina para sa taong ito.
Ang firework display sa Boracay ay isa na rin sa dinadayo ng
mga turista sa isla at taunang ginagawa, sa tulong at kooperasyon ng bawat
resort at mga establishimiyento dito.
Dito ay sabay-sabay na sinisindihan ang mga fireworks na ito
sa front beach pagsapit ng alas-dose ng ika-31 ng Disyembre.
Nabatid naman mula kay Sacapaño na sa tubig o isasakay sa
mga bangka ang paputok at doon ito sisindihan para hindi maiwan ang mga basura
at pulbura sa mapuputing buhangin ng Boracay.
Layunin umano nito ay upang maprotektahan ang beach at gayon
din ang publiko na nanunuod ay maging ligtas. #ecm122012