Posted March 12, 2016
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay
Pinangangambahan na magdulot ng malaking problema sa
supply ng kuryente ang isla ng Boracay sa hinaharap kung hindi ito
mapagplanuhan na magkaroon ng sariling linya ng kuryente.
Ito ang sinabi ni former Energy Sec. Jericho Petilla sa
isinagawang press briefing ng Department of Health sa Aklan kasama si DOH
Secretary Janette Garin.
Nakakaranas ngayon ng panaka-nakang power interruption
ang Boracay at isa sa nakita nitong dahilan ay ang kakapusan ng suplay ng
kuryente na dumadaloy papasok sa isla.
Phenomenal umano ang progreso sa Boracay at kinakabahan si
Petilla lalo na kapag mag-operate na ang mga bago at malalaking resort na
nag-invest dahil hindi daw ito kakayanin ng kasalukuyang estado power supply.
Dagdag pa ni Petilla, kailangan muna isabatas ang
paglatag ng bagong linya ng kuryente sa Boracay para hindi isingil sa konsumidor
kasama na ang budget na ilalaan sa proyekto sakaling matuloy ito.
Samantala, payo din nito na hangga’t maaga pa ay kailangan
na umanong upuan at paghandaan para hindi na makadulot ng anumang suliranin ang
premiere tourist destination ng bansa.