YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 21, 2013

Pag-expand ng Kalibo International Airport inuumpisahan na

Ni Jay-ar M. Arante, YES BFM Boracay

Matapos ang pagdami ng direct flights mula abroad ay inuumpisahan ng ngayon ang ginagawang expansion ng Kalibo International Airport.

Ayon kay CAAP o Civil Aviation Authority of the Philippines OIC- Manager Cynthia Aspera.

Inuuna nilang ipagawa ang run way ng nasabing paliparan na matagal na ding naging plano ng pamahalaan ng probinsya ng Aklan.

May mga pagbabago din umano sa nasabing paliparan na higit na ikakaganda sa mga susunod na taon.

Nauna ng sinabi ng gobyerno ng Aklan na madami silang kailangan gawing proseso para sa pagpapalaki ng Kalibo International Airport kabilang na dito ang pagbili ng lupain na tatamaan na pagpapahaba ng run way at pag-iba ng rota ng kalsada sa labas ng airport.

Matatandaan na nitong taon ay halos sunod-sunod ang naging pag-aberya ng mga eroplano sa KIA matapos na sumadsad ang mga kariton nito sa run way ng paliparan.

Inaasahan naman na CAAP na lalo pang dadami ang Internationa flights makaraang maging tanyag  pa ang isla ng Boracay sa ibat-ibang panig ng mundo.

Pag-expand ng Boracay Hospital sinisimulan na ayon sa Aklan PHO

Ni Jay-ar M. Arante YES FM Boracay

Sinisimulan na umano ang pag-expand ng Don Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital o mas kilala  sa tawag na Boracay Hospital.

Ayon kay Aklan Provincial Health Officer Dr. Cornelio Cuachon Jr., may nakalaan nang apat napung milyong pisong pondo ang Department of Health para dito at nagbigay din umano ng lima hanggang sampung porsyento ang probinsya ng Aklan.

Aniya, napag-planohan nila itong palakihin at gawing tatlong palapag kasama na ang paglalagay ng elevator para dito.

Una nang sinabi ng Provincial health office o PHO na magiging isang magandang hospital na ito dahil sa maglalagay sila ng mga equipment para sa ibat-ibang operasyon ng mga magpapagamot.

Kabilang pa aniya ang pagdagdag ng mga staff para lalong mabigyang pansin ang mga pasyenteng magpapagamot na hindi lang taga isla ng Boracay kundi maging ang mga turista.

Samantala suportado naman ng LGU Malay ang nasabing proyekto para hindi na mahihirapan ang mga magpapagamot na bumiyahe papuntang bayan ng Kalibo.

Malay Transportation Office, ikinababahala ang pagdami ng mga motorsiklo sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinababahala ng Malay Transportation Office o MTO ang pagdami ng mga motorsiklo sa isla ng Boracay.

Ayon kay Remo Arcelis ng Malay Transportation Office o MTO, kaliwat kanan na ngayon ang pagsusulputan ng mga motorsiklong bumibyahe sa Boracay kabilang na ang hindi pampasaherong motorsiklo.

Aniya, nililimitahan naman ito ng LGU Malay para maiwasan narin ang pagpasok ng mga motorsiklong ilegal na nagpapasada sa isla.

Hindi din umano sila basta-bastang nagbibigay ng permit sa mga driver ng motosiklo hanggat hindi nila nakukumpleto ang kanilang ibinibigay na requirements para dito.

Iginiit naman ni Arceles na marami ngayong bumibyahing motorsiklo sa Boracay na walang plate number dahil sa matagal din umano ito bago makuha sa Land Transportation Office o LTO kaya’t binibigyan na lamang sila ng temporaryong plaka na for registration.

Sa kabilang banda sinabi naman ni Arcelis na hindi excuse sa kanila ang mga habal-habal na drivers na tinatanggal ang plate number para hindi ma-identify na bumibyahe.

Maaari aniya nilang bigyan ng kaukulang pinalidad ang mga drivers na nagsasagawa ng ganitong gawain at maaari din na ma-impound ang kanilang mga motorsiklo.

Matatandaang mahigpit na ipinag-babawal ng lokal na pamahalaan ng Malay ang pag-biyahe ng mga habal-habal sa Boracay.

Sa ngayon binubusisi naman ng maayos ng Malay Transportation Office o MTO ang nag-aaplay sa kanila ng permit para sa pagpasok ng mga motorsiklo sa isla ng Boracay.

Operasyon ng Kalibo Airport bumalik agad sa normal matapos sumadsad sa runway ang eroplano ng Zest Air

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bumalik agad sa normal ang operasyon ng Kalibo International Airport o KIA matapos sumadsad sa runway ang gulong ng eroplano ng Zest Air kahapon.

Ayon kay Kalibo CAAP o Civil Aviation Authority of the Philippines OIC- Manager Cynthia Aspera, alas 3:15 ng hapon nang nangyari ang insidente, matapos lumagpas ang dalawang gulong sa harapan ng eroplano at lumubog sa lupa.

Dahil dito, ilang biyahe rin ng eroplano ang naantala na kinainip naman ng mga pasahero.

Nabatid na ang RP-C8988 ay may sakay na mahigit isang daan at limampung pasahero na kinabibilangan ng mga foreigners mula sa isla ng Boracay at patungong Busan, South Korea.

Wala namang nasugatan sa nasabing insidente.

Friday, December 20, 2013

Suspension ng sampung pisong Wage Hike sa Region 6, lumulutang parin sa Aklan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Lumulutang parin sa ngayon ang pagpapaliban sa sampung pisong umento sa sahod sa probinsya ng Aklan.

Sa text message ni Department of Labor and Employment (DOLE) Aklan Provincial Head Vidiolo C. Salvacion.

Sinabi nito na hindi pa naaprobahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang resolusyon ng Regional Tripartite Wages Productivity Board (RTWPB) sa Region 6.

Ayon pa kay Salvacion, wala pa sa kanila ang kopya ng mga lugar na tinukoy ng Office of the Civil Defense (OCD) na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda.

Samantala, bagama’t inaprobahan ng RTWPB Reg. 6 ang hinihiling na pagpapaliban sa sampung pesong wage increase ng mga minimum wage earners sa private sector sa Western Visayas.

Nilinaw naman ni DOLE Reg. 6 Director Ponciano Ligutom na ito’y sa mga lugar lamang sa Region 6 na sinalanta ng bagyo base sa inilabas na sertipikasyon ng OCD.

Ang wage increase ay nagsimula pa noong November 29, 2013.

Illegal na pagdaong ng isang barge sa Boracay, iniimbistigahan na ng LGU Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Iniimbistigahan na ngayon ng LGU Malay ang ilegal na pagdaong ng isang barge sa isla ng Boracay nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay Remo Arcelis ng Malay Transportation Office o MTO.

Inaalam na nila kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing barge at kung pano ito nakadaong sa Manoc-manoc port para mapanagot sa kanyang paglabag.

Aniya, wala itong sapat na permit mula sa kanilang opisina o maging sa mayor’s office ng Malay para pahintulutang makapasok sa isla.

Nabatid na matapos sitahin ang nasabing barge ay bigla na lamang umano itong tumakas.

Matatandaang umalma ang mga maliliit na pump boat at cargo operators dahil sa pagsulpot at pagharang ng nasabing barge sa Manoc-manoc port.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng payahag tungkol dito si SB Member Jupiter Gallenero, matapos niya itong buksan sa privileged hour ng SB session noong nakaraang linggo.

Sa halip, ipinasa niya ito kay SB Member Leal Gelito bilang Committee Chairman ng Transportation.

Dahilan ng kadalasang pag-off-line ng mga ATM Machines, ipinaliwanag ng Metro Bank Boracay

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Inaasahang marami ang magwi-withdraw sa mga bangko sa isla, partikular na sa mga ATM Machines ngayong panahon ng kapaskuhan.

Ngunit kapansin-pansin na ang ilan sa mga bangko sa isla ay kadalasang off-line simula pa nang matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda.

Kaugnay nito, nagpaliwanag ngayon ng tagapag-salita ng Metrobank, isa sa mga bangko sa isla, na marami umanong factor kung bakit minsan ay off-line ang kanilang mga ATM Machines.

Isa umano rito ay ang palagiang brownout, at minsan ay ang mahinang signal ng network na konektado sa kanilang mga machine tulad ng Smart, Globe at Sun.

Katunayan, maging ang ilang bangko umano ay nakakaranas din ng kahintulad na shortage ng signal.

Ngunit dahil na rin sa marami silang kliyente, lalo na ang mga nag-wi-withdraw sa kanilang mga ATM Machines.

Sinabi nitong pinapayagan pa rin nila na mag-widthraw ng pera over the counter ang sinumang Metrobank card holder, at tanging Metro Bank Boracay card holder lamang.

Tiniyak naman ng nasabing bangko na agad nilang bibigyan ng aksyon ang anumang problema na nararanasan ng kanilang mga ATM Machines.

Thursday, December 19, 2013

DOT Boracay, tiwala sa seguridad na ipinapatupad ng mga pulis sa isla ng Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kaugnay ng sunod-sunod na mga kriminalidad na nangyayari ngayong holiday season sa bansa.

Buo umano ang tiwala ng Department of Tourism (DOT) Boracay sa seguridad na ipinapatupad ng mga kapulisan sa isla ng Boracay.

Ito’y kaugnay ng pananalasa sa Metro Manila ng ilang mga masasamang elemento katulad ng “martilyo gang” na hindi umano malayong mangyari dito sa isla.

Ayon kay DOT-Boracay Officer in Charge Artemio “Tim” Ticar.

Nagkakaroon sila ng mga pagpupulong kasama ang mga otoridad para patuloy na e-monitor ang mga kaganapan sa isla at matiyak ang seguridad ng mga bisita lalo na ngayong kapaskuhan.

Samantala, nabatid rin na pinaalalahanan ng gobyerno ang mga pulis na maging alerto at mahigpit na bantayan ang matataong lugar ngayong holiday season matapos na sumalakay ang nasabing gang sa isang jewelry store doon.

Sa ngayon ay mahigpit ang ipinapatupad na seguridad ng mga pulis sa isla para maiwasan ang ganitong pangyayari at mapangalagaan ang bawat turista at publiko.

Pagpasok ng mga heavy equipment sa Boracay hindi lahat dumadaan sa Transportation Office

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hindi lahat ng mga heavy equipment na pumapasok sa isla ng Boracay ay dumadaan sa Malay Transportation office (MTO).

Ito’y matapos na madiskubre ang mga nakapasok na umano’y ilegal construction equipments sa isla nitong nakaraang Huwebes.

Ayon kasi kay Malay Transportation Officer Cezar Oczon, may mga kumukuha din ng permit sa mayor’s office ng LGU Malay para pahintulutang maipasok sa Boracay ang kanilang equipments.

Sa kabilang banda, sinabi ni Oczon na ilegal ang pagpasok ng mga sasakyan kung halimbawang ang sampu rito ay kukuhaan ng permit at sasamahan ng mga walang permit.

Dagdag pa nito ang mga permit na kanilang ibinigay ay kinakailangang mag-operate lang sa loob mismo ng resort at higit na ipinagbabawal sa main road ng Boracay.

Maaari din umanong i-impound ng LGU Malay ang mga nasabing sasakyan kung hindi sila agad makakakuha ng permit at makabayad ng dalawang libo at limandaang pisong penalidad.

Samantala, sinabi ni Oczon na kaya naipasok ang mga heavy equipment sa isla nitong Huwebes ay dahil sa minamadali na umano ang pagpapagawa ng gusali sa New Coast Boracay.

Pang-iistorborbo ng mga menor de edad sa beach front ng Boracay, nakakabahala na

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nakakabahala na ang pang-iistorborbo ng mga menor de edad sa beach front ng Boracay.

Maliban kasi sa mga menor de edad na humahabol at nanghihingi ng pera sa mga turista sa beach front tuwing gabi o madaling araw.

May mga menor de edad na rin ngayon na animo’y tinuruan kung paano maperahan ang mga lalapitang turista.

Nabatid na may mga batang edad anim hanggang pitong taon ang lalapit at sasabitan ng ibinibentang bracelet ang kamay ng turista kahit ayaw, at hindi aalis hangga’t hindi nabibigyan ng pera.

Ilan tuloy sa mga nasabing turista ang nagugulat, nadidismaya, at napipilitang bigyan ng pera ang mga bata.

Bagay na iimbistigahan umano mismo ni DOT Boracay Officer in charge Tim Ticar.

Sinabi nito na kailangang bigyang pansin ang ganitong eksena upang maaksyunan.

Matagal na ring pinoproblema ng mga otoridad sa isla ang pang-iistorbo ng mga kabataang namamalimus sa isla.

Wednesday, December 18, 2013

Ordinansang nagbabawal sa mga nakakalasing na inumin tuwing may kalamidad, isinusulong sa SP Aklan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang ordinansa na nagbabawal sa mga nakakalasing na inumin tuwing may kalamidad.

Sa ginanap na Committee Hearing kamakailan.

Sinabi ng sponsor nito na si SP Member Atty. Plaridel M. Morania, na ito’y upang maiwasan umano ang panggugulo at ang mga posibleng mangyari kapag lasing ang ilang mga residente.

Mas makakapaghanda umano kasi ang mga residente sa panahon ng kalamidad kung  hindi lasing at nasa tama ang pag-iisip.

Samantala, sa ngayon ay ipinagpaliban muna ang nasabing ordinansa at nakatakdang talakayin sa mga susunod na sesyon ng SP Aklan.

Illegal Commissioners sa Boracay, problema parin ng DOT

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Problema parin ng Department of Tourism (DOT) ang mga naglipanang illegal Commisioners sa isla ng Boracay.

Ayon kay DOT-Boracay Officer In Charge Artemio “Tim” Ticar.

Masasabi nyang isa sa mga sakit ng ulo ng ahensya nila ngayon ang mga nasabing illegal commissioners na halos araw-araw ay nadadagdagan, at niloloko ang mga dayuhan at lokal na turista.

Gayong buwan na ng kapaskuhan at inaasahan ang pagdagsa ng maraming bisita at bakasyunista sa isla.

Kaugnay nito, nanawagan narin si Ticar sa lokal na pamahalaan na istriktong ipatupad ang mga batas at regulasyon laban sa mga illegal commissioners.

Samantala, pinayuhan naman ni Ticar ang mga bisita na huwag basta-bastang sumama o tumanggap ng anumang iniaalok sa kanila, lalo na sa mga walang kaukulang dokumento.

Aniya, mas maigi na magtungo na rin sa opisina ng DOT para sila na rin umano ang magturo kung ano ang mga magandang aktibidad sa isla.

Mga ilegal na heavy equipment at mga dump truck sa Boracay nadiskubre ng LGU Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nadiskubre sa isinagawang inspeksyon ng LGU Malay ang mga ilegal na heavy equipment at dump truck sa loob ng New Coast Boracay nitong nakaraang Linggo.

Ayon kay Malay Transportation Officer Cezar Oczon.

Napag-alaman nilang labing isang mga heavy equipment ang walang permit samantalang anim lang sa mga ito ang nakapagkuha ng permit mula sa kanila.

Pinagunahan naman ng SB Malay sa katauhan nina SB Member Floribar Bautista at SB Member Leal Gelito ng Committee on Transportation ang pagsasagawa ng imbistigasyon sa loob ng New Coast Boracay kasama ang Municipal Auxiliary Police (MAP).

Nabatid na ang mga ilegal na construction equipments na mga ito ay idinaan sa Baranggay Manoc-manoc na walang kaukulang permit.

Dahil nga sa ilegal ang ilan sa mga nasabing sasakyan ay tinikatan ito ng MAP katuwang ang transportation office ng LGU Malay.

Binigyan naman ng sapat na panahon ang lumabag para kumuha ng permit mula sa MTO para maipagpatuloy ang kanilang operasyon.

Bagamat sinabi ni Ozcon na hanggang ngayon ay hindi parin sila nakakakuha ng kaukulang permit ay maaari nilang gawin kung ayaw nilang mahaharap sa mas mabigat na pinalidad.

Maalala na naging laman ng privileged speech ni SB Member Jupiter Gallenero noong mga nakaraang Linggo ang mga ilegal truck kasama na ang pagdaong ng mga ilegal na barge.

Lalaki sa Boracay, sinaksak kagabi, suspek nakatakas

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Kaagad isinugod sa ospital sa Boracay ang isang lalaki, matapos itong masaksak sa barangay Manoc-manoc kagabi.

Ayon sa police report ng Boracay PNP.

Naghahapunan sa isang restaurant doon ang biktimang si Rafael Lacorte, 55 anyos residente ng Barangay Balabag nang mangyari ang insidente.

Sinasabing napansin ng biktima ang dalawang lalaki ang pumasok sa restaurant at kinalauna’y nakarinig ito na may sumisigaw at hinahamon itong lumabas.

Isang malaking pagkakamali ng biktima ang kanyang paglabas, nang sugurin umano ito ng suspek na si Ram-Ram Castillon at sinaksak sa kanyang puson.

Minarapat namang ilipat sa isang pagamutan sa bayan ng Kalibo ang biktima, dahil sa tinamo nitong sugat.

Kasalukuyan paring pinaghahanap ng mga otoridad ang tumakas na suspek, matapos ang insidente. 

Restorant ng isang Japanese National sa Boracay, tineyk-over ng mga sekyu

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nagpasaklolo sa mga pulis ang isang Japanese National matapos umanong iteyk-over ng mga sekyu ang kanyang restorant kahapon ng madaling araw.

Kinilala sa police report ng Boracay PNP ang Japanese National na si Hirofumi Yamamoto ng Cubao, Quezon City, at may-ari ng Gasthof Restaurant sa station 2 Balabag, Boracay.

Kuwento ni Yamamoto sa mga pulis, alas 2: 45 ng madaling araw nang pinasok umano ng mga nasabing sekyu ang kanyang restaurant, at inakyat siya sa kanyang kuwarto at sapilitang pinalabas.

Dinala umano siya ng mga ito sa ibaba at hinayaan doon ng ilang oras.

Ayon pa kay Yamamoto, hinanapan niya ng kaukulang dokumento ang mga sekyu kaugnay sa kanilang pagpasok doon subali’t wala umanong maipakita ang mga ito.

Alas sais naman ng umaga nang tuluyan na itong pinalabas sa kanyang restaurant kasama ang kanyang security guard.

Samantala, nabatid na lima sa mga nasabing kalalakihan ang ikinostodiya ng mga pulis dahil sa nasabing insidente.

LGU Malay magbibigay ng financial assistance sa anim na bayan sa Aklan na matinding hinagupit ni Yolanda

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Magbibigay ng financial na tulong ang LGU Malay para sa anim na bayan sa Aklan na matinding hinagupit ng bagyong Yolanda.

Nauna na itong napag-usapan ng SB Malay matapos ang pananalasa ng nitong nagdaang Nobyembre.

Sa order of Business ng SB Session kaninang umaga isa sa mga nilalaman nito ang resolusyon na nagtatalakay sa ibibigay na financial assistance ng LGU Malay sa anim na bayan sa Aklan.

Nabatid na mabibigyan ng tig-iisang daang libong piso ang bayan ng Banga, New Washington, Libacao, Altavas, Balete at Batan mula sa limang porsyentong calamity fund ng munisipalidad ng Malay.

Kaugnay nito magkakaroon pa ng pangalawa at final reading ang SB Malay bago tuluyang maaprobahan ang pagbibigay ng financial assistance.

Publiko sa Boracay, inalerto kaugnay sa isang umano’y Portugese man-of-war

Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Inalerto ngayon ng MAO o Malay Agriculture’s Office ang publiko sa Boracay kaugnay sa isang uri ng dikya.

Ito’y kaugnay sa isang umano’y report na natanggap ng MAO na may isang turista ang nabiktimang  Physalia physalis o  Portugese man-of-war kamakailan lang sa karagatan ng Malay.

Ayon sa MAO, ang mismong biktima pa umano na natusok ng galamay ng Portugese man-of-war ang nagpadala ng litrato sa kanila tungkol dito, bagay na kaagad inimbistigahan ng mga otoridad.

Ang Physalia physalis o  Portugese man-of-war ay isang uri ng siphonophore  o marine creature na lumulutang o lumalangoy at may mga nakakalasong galamay, at kadalasang napagkakaalang jelly fish o dikya.

SB Malay gustong isama sa School curriculum ang swimming para sa mga bata

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

IMG_1917
Gustong isama ng SB Malay sa School curriculum ang larangan ng swimming para sa mga kabataan.

Ito’y kaugnay sa ginagawang pagsasanay ng Philippine Red Cross (PRC) Boracay-Malay Chapter sa mga kabataan ngayon dito.

Sa ginanap na SB Session kahapon sa bayan ng Malay isa sa mga inimbitahan nilang panauhing pandangal si Marlo Schoenenberger Chapter Administrator ng PRC Boracay-Malay Chapter.

Dito iprinisinta ni Schoenenberger, sa mga konsehales ng Malay ang naging aktibidad ng PRC ngayong taong kasama na ang kanilang mga pagkakawang gawa.

Masaya din nitong sinabi na maraming mga kabataan ang kanilang natutulungan kung paano matutong lumangoy.

Kaugnay nito, nag suhestisyon si SB Member Floribar Bautista na kung maaari ay maisama ito sa School Curriculum o extra activities sa mga paaralan lalo na sa bayan ng Malay.

Samantala inaasahan namang magkakaroon ng pagpupulong ang SB Malay, DepEd at PRC tungkol dito.

Tuesday, December 17, 2013

Pagsusuot ng Life Jacket, walang exemption - PCG

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Walang exemption sa pagsusuot ng Life Jacket.

Ito ang nilinaw ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa implementasyon ng Marina Memorandum Circular 2008-08.

Nabatid na may isang grupo ng mga turistang pasahero ng isang bangka ang papunta ng Boracay nitong Sabado.

Pinasuot sila ng kanilang tour guide ng life jacket habang ang mga boatman doon ay hinayaan lamang na walang life jacket ang iba pang pasahero.

Nagmistula tuloy na may mga exempted sa pagsusuot ng life jacket sa mga bangka.

Ayon kay Coastguard Boracay Sub-station Commander Chief Petty Officer Arnel Sulla.

Mahigpit na ipinagbabawal ng nasabing Marina Circular ang hindi pagsusuot ng life jacket, bilang safety measures sa mga sasakyang pandagat na may open deckhouse.

Maliban dito, iniisyuhan din umano ng Passenger Safety Certificate (PSC) ang mga motor banca kung saan makikita ang bilang ng mga otorisadong pasahero at sapat o higit pang bilang ng mga life jacket.

Samantala, sinabi pa ni Sulla na marami narin ang kanilang mga nahuling lumabag sa nasabing regulasyon at nabigyan ng mga karampatang penalidad.

Kung kaya’t umapela ito sa mga boatman na sundin ang mga ipinapatupad na batas para sa ikabubuti ng lahat.

Mga bike patrollers ng Boracay PNP, isi-shifting ang pagroronda

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Isi-shifting ang pagroronda sa isla ng mga pulis na nakabisikleta o ang mga tinaguriang bike patrollers.

Ito ang sinabi ni Boracay PNP Deputy Chief Police Inspector Fidel Gentallan, kaugnay sa kanilang pagpapalawak ng kanilang police visibility ngayong holiday season.

Inaasahan na kasi na dadagsa ang mga bakasyunista sa isla, kung kaya’t kailangan nilang pag-ibayuhin ang seguridad ng publiko laban sa anumang uri ng kriminalidad.

Kaugnay nito, sinabi ni Gentallan na magsasalitan sa pagroronda maging ang kanilang mga nagbibisekletang pulis.

Ibig sabihin, may papalit o hahalili agad na mga in coming duty sa mga out going bike patrollers.

Rorondahan din umano ng mga ito ang iba’t-ibang lugar sa isla upang maglaan ng police visibility.

Samantala, nabatid na may mga miyembro ng BTAC ang sumailalim sa bicycle training noong nakaraang buwan ng Hunyo sa Camp Delgado, Iloilo, kaugnay sa tamang paggamit ng bisikleta habang nagreresponde sa isang krimen, paggamit ng baril habang nakabisikleta, at iba pa.

Pasko sa Boracay, may liwanag na ang mga bahay

Ni: Mackie Pajarillo, Yes FM Boracay

May liwanag na ang mga bahay sa buong isla ng Boracay bago sumapit ang kapaskuhan.

Ito ang magandang balita na ipinaabot ni Engr. Joel Martinez, Assistant General Manager for Engineering Department ng Aklan Electric Cooperative o AKELCO, kaugnay sa pagkakaroon na normal na suplay ng kuryente sa lalawigan nitong nagdaang Sabado.

Kinumpirma kasi ni Martinez na halos isang daang porsiyento na rin ng suplay ng kuryente ang naibabalik na ngayon sa normal sa isla.

Aniya, hindi na dapat mag-alburuto ang mga residente sa isla, dahil siniguro nito na bago mag-pasko ay may mga power supply na ang mga households at business establishments sa isla.

Samantala, sinabi din ni Martinez na susubukan nilang mabigyan din ng power supply ang mga taga Caticlan, Malay at Buruanga bago sumapit ang kapaskuhan.

Hanggang ngayon umano kasi ay marami pa silang linya na dapat ayusin doon.

Nanawagan din si Martinez sa mga member consumer ng AKELCO sa isla, na sakaling magkaroon pa rin ng problema sa power supply sa kanilang lugar ay maaari lamang sumangguni sa tanggapan ng AKELCO sa Tambisaan Sub Station para matugunan agad ang problema.

Matatandaan na nawala ang kuryente sa buong probinsya ng Aklan matapos humagupit ang super typhoon Yolanda mahigit isang buwan na ang nakakaraan.

AKELCO, hindi magtataas ng singil sa kuryente katulad sa MERALCO

Ni: Mackie Pajarillo, Yes FM Boracay

Hindi magtataas ng singil sa kuryente ang AKELCO o Aklan Electric Cooperative.

Ito ang sinabi ni Engr. Joel Martinez, Assistant General Manager for AKELCO Engineering Department, kaugnay sa espekulasyon ng publiko na baka maging katulad sa Maynila na tataas din ang singil sa kuryente ng AKELCO.

Bagama’t matatandaang sinabi ng AKELCO na magtataas sila ng rate sa mga susunod buwan.

Nilinaw naman ni Martinez na pansamantala lang ito at babalik din sa regular rate ang kanilang singil, kapag naibalik sa normal ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines ang suplay ng kuryente.

Nawalan umano kasi sila ng suplay ng kuryente mula sa NGCP dahil sa nagdaang Bagyong Yolanda, kung kaya’t galing sa isang Diesel Power Plant ang kanilang suplay para sa Boracay, Buruanga, Caticlan at buong Malay.

Samantala nabatid na magtataas ang Manila Electric Company (MERALCO) ng singil sa kuryente ngayong Disyembre, dahilan ang pagamit ng diesel bilang fuel sa mga plantang pinagkukunan nila ng kuryente dala ng maintenance shutdown ng Malampaya natural gas facility.

Monday, December 16, 2013

Taunang liwanag ng kapaskuhan, binuksan na sa bayan ng Kalibo

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muling binuksan sa publiko ang taunang liwanag ng kapaskuhan sa bayan ng Kalibo.

Alas-kwatro kahapon ng hapon ay nagsimula ang programa kung saan pinanguhan ito ng lokal government unit ng Kalibo at ng provincial government ng Aklan.

Ibat-ibang palabas rin ang itinanghal ng mga Kalibonhon para sa libo-libong manunuod.

Habang papasapit naman ang gabi ay unti-unti pang dumarami ang mga tao para saksihan ang pagliwanag ng Pastrana Park.

Bandang alas-siyete ay sinimulan ang count down para pailawan na ang nasabing plaza at sinabayan naman ito ng makukulay na fireworks display na ilang minuto rin ang nagtagal.

Halos buong paghanga naman ang naging reaksyon ng mga nakasaksi sa pagbubukas ng taunang liwanag sa bayan ng Kalibo.

Sa kabila kasi na wala pang sapat na suplay ng kuryente ang probinsya ay ipinadama parin ng mga lokal agencies at mga establishment owners sa Kalibo ang himig ng kapaskuhan.

Samantala, tuloy-tuloy parin ngayon ang ginagawang pagsasaayos ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) ng mga nasirang poste ng kuryete sa Aklan para muling magliwanag ang kapaskuhan ng mga Aklanon.

Unang araw ng simbang gabi masaya paring idinaos sa Aklan

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Masaya paring idinaos ng mga kababayang Aklanon ang unang araw ng simbang gabi.

Ito’y sa kabila ng kawalan parin ng normal na suplay ng kuryente sa mga barangay na sakop ng mga bayan dito sa Aklan.

Marami parin kasing linya ng AKELCO o Aklan Electric Cooperative na sinira ng bagyong Yolanda ang inaayos ngayon.

Halos punuan naman ang mga simbahan lalo na sa bayan ng Kalibo na dinaluhan ng libo-libong katao.

Sa kabila nito mas lalo pa ngayong tumibay ang pananampalataya ng mga biktima ng supertyphoon Yolanda.

Hindi naman alintana ng mga residente ang nangyaring bagyo, kung saan kahit na may kadiliman sa kani-kanilang mga lugar ay buong sigla parin silang dumalo sa Misa de Gallo.

Samantala, maliban sa mga checkpoints  nagpakalat din ng puwersa ang Philippine National Police (PNP) para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng publiko, sa pagsisimula ng tradisyonal na Simbang Gabi kanina.

Nagsimula na kaninang alas kuwatro ng madaling araw ang "nine-day countdown" ng mga Filipino sa pagsapit ng araw ng Pasko.

Unang araw ng simbang gabi sa Boracay, dinagsa

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Dinagsa ang unang araw ng simbang gabi sa Boracay.

Katunayan, umabot pa sa plaza ang dami ng mga taong magsisipagsimba kanina.

Ayon sa ilang mga nakagawian nang magsimba tuwing Misa de gallo o Simbang gabi.

Nag-aabang na sila sa pagbubukas ng simbahan alas tres pa lang ng madaling araw kanina.

Ayon naman kay Aling Mildred ng Barangay Balabag, gising na siya alas dos pa ng madaling araw kanina at tumungo sa simbahan.

Samantala, naglaro na lamang ang ilang mga bata sa plaza, dahil wala nang bakanteng upuan sa simbahan.

Tumayo na lamang din sa kanilang kinaroroonan ang mga empleyado ng mga resort at establisemyento sa isla na galing sa trabaho ngunit dumiretso na sa simbahan upang magsimba.

Kinumpirma naman ni Father Nonoy Crisostomo ng Holy Rosary Parish Boracay na naubusan sila ng hostiya dahil sa dami ng mga nagkumunyun.

Pagkatapos ng misa, biglang sumikip ang trapiko sa mainroad ng Balabag plaza, dahil sa paglabasan ng mga tao mula sa simbahan, kung kaya’t kaagad itong kinontrol ng mga pulis, municipal auxiliary police at mga tanod doon.

Inaasahang mauulit ang ganitong eksena bukas sa ikalawang araw ng simbang gabi.