YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, April 01, 2017

Lalaking wanted sa Malay, Aklan, kulong matapos kumuha ng Police Clearance

Posted April 1, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay


Image result for wantedKukuha na sana ng Police Clearance ang suspek na si Marlon Rustro, 28 anyos ng Barangay Caticlan, Malay, Aklan ng matuklasang wanted pala ito.

Ayon kay PO2 Anthony Valderama ng Malay PNP, nagsasagawa umano ng operation ang kanilang himpilan hinggil sa mga wanted person ng matuklasan na wanted pala itong si Rustro na kukuha sana ng Police Clearance.

Nabatid na ini-reklamo ang suspek ng kanyang asawa ng pananakit o RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.

Samantala, matapos makulong ang suspek ay agad din itong nakapag-pyansa na nagkakahalaga ng P6,000 para sa pansamantalang kalayaan nito.

Task Force, buoin para imonitor ang drainage sa Boracay - Salaver

Posted April 1, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

“Task Force”

Ito ang isang nakikitang solusyon ni Municipal Health Officer Head Dr. Adrian Salaver para mamonitor ang drainage sa isla ng Boracay.

Binuksan itong usapin kahapon sa kanilang ginawang pulong kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)- Environmental Management Bureau (EMB) Region 6 kasama ang stakeholder sa Boracay, Brgy. Officials, Coast Guard, at LGU-Officials may kaugnayan ito sa resulta na iprenesenta nila tungkol sa Water Monitoring Beaches ng isla.

Image may contain: 1 person, sitting, table and indoorDito, umapela si Brgy. Balabag Captain Lilibeth Sacapano at Dr. Salaver na magkaroon ng drainage monitoring dito ng sa gayon ay maidentify kung sino ang iligal na nag-kokonekta sa mga drainage system. 

Nabatid kasi na hindi lang maruming tubig na lumalabas sa drainage ang nakikita kundi may kasama pa itong mabahong amoy na kanilang nalalanghap.

Kasabay nito, suhestyon naman ng EMB-Region 6 na dapat magtulungan at dapat bigyan na ng aksyon itong nasabing hakbang.

Friday, March 31, 2017

Sangguniang Panlalawigan Aklan, tatanggap na ng entries para sa Legislative Quiz Bee

Posted March 31, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for sp aklanDahil sa papalapit na Legislative Quiz Bee ng Sangguniang Panlalawigan Aklan, tumatanggap na sila ngayon ng entries sa mga  sumali.

Gaganapin ito sa susunod na buwan ng Abril 20 sa Governor Augusto B. Legaspi Sports Complex and Cultural Center kung saan ang deadline ay hanggang Abril 7 ng taong kasalukuyan.

Ang mga kwalipikadong sasali dito ay mga empleyado at opisyales ng labing pitong bayan ng probinsya ng Aklan kabilang na ang mga estudyante mula sa mga unibersidad at highschool sa probinsya.

Kaugnay nito, ang mga kwalipikadong entries ay sasailalim sa briefing sa Abril 14 para sa mga mechanics at rules ng Legislative Quiz Bee.

Ang Legislative Quiz Bee, ay patimpalak sa pags-selebra ng  61st Aklan Day sa pangunguna ng Bise Gobernador at Regular Presiding Officer na si Atty. Reynaldo Boy-Quimpo.

MPDC nagpadala ng listahan ng mga Zoning Violators kay Mayor Cawaling

Posted March 31, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for floribar bautista
“Nakaka-alarma”.

Ito ang naging pahayag ni Sangguniang Bayan Member Floribar Bautista sa kaniyang Privilege Speech kung saan kaniyang pinuna ang patuloy na construction ng iba’t-ibang establisyemento sa isla na walang kaukulang permit.

Ani Bautista, dapat i-monitor ang mga lumalabag na ito dahil nakaka-alarma na ang kanilang ginagawa.

Ang pahayag ay nag-ugat mula sa kopya ng liham na ipinadala sa Sangguiniang Bayan ng Malay na ipinapaalam ni MPDC Head Alma Belejerdo kay Mayor Cawaling na merong anim na proyekto kabilang ang opisina ng isang sikat na mall na itatayo sa Manoc Manoc ang walang Zoning Clearance.

Nakapaloob sa sulat na base sa monitoring na ginawa ng kanilang inspector, ito umanong mga may-ari ng residential building at mga establisyemento ay patuloy pa rin sa kanilang konstruksyon na walang kaukulang Zoning Clearance  kahit pa nabigyan na ang mga ito ng notice of violations.

Nabatid na nakapaloob sa zoning ordinance ang mga regulasyon o batas na tumutukoy sa kung paano ang tiyak na paggamit ng isang ari-arian sa isang geographic zone.

Nakasaad din sa sulat ang rekomendasyon ni Belejerdo na ipatupad na sa lalong madaling panahon ang Municipal Ordinance 131 at 337 para matigil na ang iligal na aktibidad sa mga project site na natukoy.

Kasabay nito, hangad naman ngayon ng kanilang opisina na maaksyunan ito ng Alkalde.

BFP- Boracay, nagtala ng tatlong sunog sa buwan ng Fire Prevention Month

Posted March 31, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for fire prevention month 2017
Nakapagtala ng tatlong insidente ng sunog ang Bureau of Fire Protection Unit o BFP-Boracay ngayong Marso.

Sa panayam kay FO2 Giovanni Saude, bukod sa nasabing bilang, wala naman umanong naitalang malaking sunog sa buwan na ito kung saan ang pinakahuli ay ang nangyari sa Sitio Cagban Brgy. Manoc Manoc,Boracay noong Linggo.

Kaugnay nito, nagpaabot ito ng mensahe sa publiko na maglaan ng ibayong pag-iingat sa kanilang mga appliances at electrical devices na madalas iniiwan sa kanilang mga bahay.

Aniya, i-secure dapat nila kung naka-unplug ang kanilang mga kagamitan at ang paggamit ng kandila ngayong Holy Week na maaring pagmulan ng sunog.

Sa ngayon ay todo-alerto na rin ang Bureau of Fire Protection Unit para sa seguridad sa isla ng Boracay para sa paggunita ng Semana Santa.

Boracay, hinirang bilang isa sa Asia’s Top 10 Beaches- TripAdvisor

Posted March 31, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for BORACAY BEACH
Napabilang muli ang isla ng Boracay sa listahan ng Asia’s Top 10 Beaches ng TripAdvisor matapos itong i-anunsiyo noong Marso 21 ng taong kasalukuyan.


Hinirang sa ika-pitong pwesto ang Boracay sa 2017 Travelers’ Choice Awards kabilang sa iba pang naggagandahang destinasyon sa buong Asya.

Kaugnay nito, pasok din ang anim na mga hotels sa isla sa Top 25 hotels sa bansa dagdag pa ang tatlo ring mga resorts na naisama sa Top 25 small hotels.

Maliban sa Boracay, kinilala din ng TripAdvisor ang Bali, Indonesia na nasa top spot, Phuket Ko Samui,Koh Tao, Lombok, Indonesia,Gili Trawangan, Langkawi, Havelock Island at Nicobar Islands at ang Taketomicho Iriomote-Jima ng Japan.

Ang naging basehan para sa resulta ng mga napabilang sa TripAdvisor awards ay ang dami ng mga reviews ng publiko sa loob ng labin-dalawang buwan.

Bagama’t papalapit na ang super peak season ay dagsa na sa isla ang mga bakasyunista at mga turista, magugunitang target ngayon taon ang 2Million tourist arrival sa Boracay.

BTAC, handa na para sa Super Peak Season at LaBoracay

Posted March 31, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image may contain: 1 person, sitting
Naka- alerto na ngayon ang hanay ng kapulisan sa isla ng Boracay para sa Super Peak Season at LaBoracay.


Sa panayam kay BTAC Chief Intelligence PInsp Joey Delos Santos, nasambit nito na ang BTAC ay laging handa sa mga gaganaping aktibidad sa isla lalo na ang papalapit na LaBoracay .

Ang kanilang ilalatag na seguridad umano ay iba-base sa nakalipas na LaBoracay  dahil batid nito mas marami ang dadalo dahil sa mga summer events na tulad nito.

Tiniyak din ni Delos Santos na mayroon silang sapat na bilang na mga pulis para dito kung saan ang kabuuang 159 ay madadagdagan pa ng limampung mga police officers.

Tututok din daw ang mga kapulisan sa kahabaan ng frontbeach ng isla kung saan mas maraming nai-rereport na mga insidente.

Dagdag pa ni Delos Santos, patuloy pa rin ang kanilang operasyon at pamimigay ng mga leaflets sa publiko, bakasyunista at mga turista, kasabay ng paalalang huwag iiwan ng basta-basta ang kanilang mga gamit at ibayong pag-iingat din at palaging maging vigilante sa mga aktibidad na kanilang ginagawa sa isla.

Bukod dito, ipinaabot din nito sa mga organizers ng aktibidad na sila ay kasama sa mananagot sakaling may mangyaring hindi maganda sa event.

Kaugnay nito, nagbigay din ng mensahe si Delos Santos sa mga resort owners na bigyan nila ng paalala ang kanilang mga guest para maiwasan ang mga insidente ng pagkawala ng kanilang mga gamit.

Magugunitang sa nakalipas na taon, nakapagtala ng mahigit sa 11,000 ang bilang ng dumalo sa LaBoracay kung kaya’t inaasahan ngayon taon ang paglobo ng numero sa 13,000 hanggang 14,000 dahil na rin sa dagsa na ang mga bakasyunista at turista sa isla lalo na sa holiday break.

Thursday, March 30, 2017

Oplan Double Barrel-Reloaded, mas paiigtingin pa sa isla – BTAC

Posted March 30, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo YES FM Boracay

Image may contain: one or more people, people sitting and indoorMas paiiigtingan pa ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang pag-momonitor ng mga drug personality sa isla sa muling pagbabalik ng operasyon kontra iligal na droga na Oplan Double Barrel Reloaded.

Sa panayam kay PInsp Joey Delos Santos ng BTAC sa himpilang ito, nabanggit niya ang patuloy na house to house visitation nila sa lahat ng mga nakalista at sumuko sa ginawang Operation Tokhang noon sa Boracay.

Aniya, ang Oplan Double Barrel Reloaded ay hindi lamang naka-pokus sa mga illegal drug users kundi pati na rin sa mga police scalawags na nabibilang sa mga hanay ng kapulisan na mayrooong mga bad records.

Ngayong taon ay bubuuin umano ang DEU o Drug Enforecement Unit kung saan magiging mahigpit ang kanilang pagsisiyasat sa mga napasamang police officers sa isasagawang background investigation.

Ani Delos Santos, bagama’t nagtala sila ng 88 na naaresto sa nakaraang taon mula Agosto hanggang Disyembre, ramdam daw nila marami ang tumigil sa dati nilang bisyo ngunit sa paglilinaw nito ay may mga bago umanong gumagamit at nagtutulak ng droga sa isla.

Nagpaabot naman ito ng mensahe sa nalululong sa droga na habang may pagkakataon pa ay sumuko na sila at magbago dahil tuloy pa rin ang kampanya kontra droga ng Duterte administration.

Sa kasulukuyan, tuloy pa rin naman umano ang validation sa mga identified o suspek na involve sa droga sa Boracay.

Wednesday, March 29, 2017

Pagbebenta ng bottled gasoline, muling pinuna ng SB Malay

Posted March 29, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for no bottled gasolineMahigpit pa rin na ipinagbabawal ang pagbebenta ng bottled gasoline o mga tingi-tinging gasolina sa mga Sari-sari store o tindahan sa isla ng Boracay.

Kahapon sa 11th Regular Session ng Sangguniang Bayang ng Malay, naging panauhin ang mga Punong Barangay  ng Balabag, Manoc Manoc at Yapak kasama ang MDRRMO at Malay Fire Station Chief Admin FO2 Andri Von Rowan.

Dito ay tinalakay nila kung ano ang mga hakbang na dapat gawin sa mga maliliit na tindahan na nagbebenta ng bottled gasoline kung saan ay muling napansin kahit na matagal na itong ipinagbabawal sa isla.

Ayon kay Balabag Brgy. Captain Lilibeth Sacapano, may ordinansa na umano sa kanilang Brgy. na ipinagbabawal ang pagbebenta nito at kung sinuman ang mahuli ay agad na isususpendi ang kanilang permit gayundin umano sa Brgy. ng Manoc Manoc.

Pag-alala naman ni Yapak Brgy. Captain Hector Casidsid, paano umano  ang gagawin nila sa pagdating ng emergency kung  malayo ang Yapak sa mga gasoline station.

Kaugnay nito, ayon kay SB Floribar Bautista nasa Ordinance 292 umano ay hindi nagbabawal ang pagbebenta nito subalit kailangan sumunod sa lahat ng patakaran bago mabigyan ng permit sa pagbebenta.

Sinagot naman ito ni SB Nenette-Graf, na kailangan lang umano siguro ng disiplina sa sarili ng mga tao kung alam na malapit ng maubos ang gasolina ay bumili na agad upang hindi maubusan dahil dapat na talaga itong ipagbawal.

Sinabi naman ni Catherine Fulgencio ng MDRRMO delekado umano ang pagbebenta ng bottled gasoline kung saan ni-rekomenda ito sa Bureau of Fire Protection Unit (BFP) para imbestigahan ito.

Tugon ni FO2 Rowan, kung may mapansin na nagbebenta nito at delekado sa isang lugar ay maari nila itong idulog sa otoridad para sa agarang aksyon.

Samantala, meron umanong existing ordinance dito subalit may mga bagay pang dapat ayusin kung saan nakatakda itong pag-usapan ng LGU-Malay, Brgy. Oficials at Bureau of Fire Protection Unit o (BFP).

“No Shortchanging Act of 2016”, ipapatupad na

Posted March 29, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for “No Shortchanging Act”
Ipapatupad na ngayon ang “No Shortchanging Act” sa bansa kung saan ang alituntunin sa tamang pagtanggap ng bayad at sukli ay dapat sundin ng mga establisyemento o mga sasakyan sa kanilang mga kustomer.

Ito ang sinabi ni DTI-Aklan Officer In Charge Ma. Carmen Iturralde kung saan ay may nakalaang penalidad sa mga lalabag dito.

Nakapaloob sa naturang batas na sa First Offense ay papatawan ng P500 pesos, Second Offense P5,000 pesos, 3rd Offence na may P 15, 000 at tatlong buwang suspension ng lisensya,  at sa 4rth Offence naman ay  P 25,000 at may revocation of license to operate.

Bukod dito, hindi dapat umano lalagpas sa sampung araw ang magrereklamo dahil lumagpas na ito ay hindi na ito pwede.

Samanatala, nag-apela naman si Iturralde sa publiko na kung may reklamo ay dumulog lang sa kanilang opisina upang agad nila itong maaksyunan.


Tuesday, March 28, 2017

Tricycle, tuloy ang arangkada habang inaayos ang E-Trike Program

Posted March 27, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for Electric Tricycle o (E-trike)Dahil sa hindi pa maayos na operasyon ng mga Electric Tricycle o (E-trike) ay pansamantala munang ikinansela ang aging para sa mga pampasaherong traysikel sa isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ni Vice Mayor Abram Sualog sa panayam ng Yes FM pagkatapos makipag-pulong ito sa mga supplier at operators ng E-trike alinsunod sa  ng Municipal Tricycle Franchising and Regulatory Board ng Malay.

Ayon sa Bise-Alkalde, hindi pa pwedeng ipatupad ang aging ng mga traysikel habang marami pang dapat ayusin at siguraduhin bago ang full implementation ng E-Trike sa isla.

Sa ginawang dayalogo, inalam ng Municipal Tricycle Franchising and Regulatory Board ang mga hinaing at nakitang problema ng mga operator sa operasyon ng E-trike.

Kung matatandaan, noon pa sanang nakaraan taon ito ipinatupad kung natapos ng E-trike Suppliers ang anim na buwang patakaran na maayos nila ang kanilang pag-operate sa isla.

Nabatid kasi na nakapaloob sa Resolution No. 074, ang ordinansa na ang lahat ng mga magpapalit ng kanilang franchise ay ni-re-required ng kumuha ng Electric Tricycle (E-trike) pampalit sa kanilang pinapasadang tricycle sa isla.

Sa ngayon ay merong apat ng E-trike Suppliers ang isla kung saan ito ay Bemac, Tojo, Gerweiss Motors at Prozza.