Posted July 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay
Walang naitalang kaso ang Provincial Health Office
(PHO) Aklan hinggil sa leptospirosis sa probinsya.
Ito ang sinabi ni Provincial Health Officer II, Dr.
Victor Sta. Maria, ng PHO Aklan, kaugnay sa umano’y nabiktima ng leptospirosis sa
Boracay kamakailan lang.
Gayunpaman, hinimok ng opisyal ang publiko na
mag-ingat sa mga pagbaha at ugaliing magsuot ng bota.
Ayon kay Sta. Maria, kung naghihinala ang isang tao
na tinamaan siya ng leptospirosis matapos na lumusong sa baha na kontaminado ng
ihi ng daga, mas makabubuting kumonsulta kaagad sa doktor o magtungo sa
pagamutan.
Iginiit rin nito na kahit wala nang baha ay dapat
pa ring mag-ingat dahil maaari ring makakuha ng leptospirosis bacteria mula sa
mga putik na naiwan ng baha.
Anya, karaniwan ay mga lalaking nasa edad 15 pataas
ang nagkakaroon ng leptospirosis.
Ngunit di maiiwasan na maging ang mga maliliit na
bata ay magkakaroon din kung ang mga ito’y nagbababad o lumalangoy sa tubig
baha o kung makakainom ng kontaminadong tubig.
Samantala, nagpapatuloy naman ang isinagawang
monitoring ng DOH tungkol dito lalo na’t panahon na naman ng tag-ulan.
No comments:
Post a Comment