Posted December 15, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Nananatili umanong suspindido ang biyahe ng mga bangka sa
Boracay ayon kay Lt. Edison Diaz Commander in Chief ng Philippine Coastguard-Caticlan.
Ito’y dahil sa nagbabadya parin ang sama ng panahon dulot
ng bagyong Nona kung saan isa ang lalawigan ng Aklan sa apektadong lugar sa
Visayas.
Ayon kay Diaz, hindi pa nila matiyak kung maibabalik na
nila ang biyahe ng mga bangka dahil sa masyado pa umanong malakas ang alon kung
saan mas minabuti naman ng mga boat operator na itago pansamantala ang kanilang
mga bangka upang hindi maapektuhan ng malakas na hampas ng tubig dagat.
Sinabi nito na kung sakaling hindi pa maging mahinanahon
ang karagatan ay wala pang tiyansa na makapaglayag muli ang mga bangka.
Nabatid na mahigit sa isang daan na umano ang mga
na-stranded na pasahero sa Cagban at Caticlan Jetty Port simula ng itigil ang
biyahe ng mga bangka ala-6 kagabi kung saan nadadagdagan pa ito ngayon.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Diaz ang publiko na
may balak tumawid ngayon mula at papuntang isla na iwasan muna ang magtungo sa
mga pantalan dahil sa wala namang operasyon ang mga bangka at makakadagdag
lamang sila sa mga naantalang pasahero.
No comments:
Post a Comment