Nababahala na rin si Aklan Governor Carlito Marquez sa
sitwasyon ng reklamasyon sa Caticlan, lalo pa ngayong papasok na ang Habagat
Season.
Ito ay dahil baka gumuho na lang aniya ang mga tinambak na
bato at buhangin sa proyektong ito.
Bagamat nais umano nilang ayusin na ito sa kasalukuyan, pero
wala silang nagagawa sa bagay na ito dahil nasa Supreme Court pa ang desisyon sa
kasong ito.
Sa panayam ng himpilang ito kay Marquez nitong umaga, inihayag
nito na isang “urgent motion” na ang ginawa ng probinsiya para sa Korte Suprema at ang pag-endorsong ibinigay ng Sangguniang
Bayan ng Malay sa 2.6-hec. na reklamasyon sa Caticlan ay isinama na umano doon isang
buwan na ang nakakalipas.
Samantala, sa ngayon, lalo pa at alam na aniya ng lahat na
abala na ang Supreme Court sa impeachment case ni SC Chief Justice Renato
Corona, tiwala ang gobernador na matatapos
din ang lahat ng ito.
Dahil dito ay patuloy silang nananalig at nananalangin para
maibigay na aniya ang maayos na serbisyo sa lumulobong bilang ng mga turista sa
Boracay.
No comments:
Post a Comment