YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, May 08, 2012

Hinihiling na Mayor’s Permit ng Boracay Tubi, tila nakitaan na ng pag-asa

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Matapos ang halos 12 taon, ngayon pa lang nakakakita ng pag-asa ang Boracay Tubi kaugnay sa hinihingi nilang Mayor’s Permit para makapaglatag ng kanilang tubo upang ma-upgrade ang kanilang serbisyo.

Nitong umaga, sa ginanap na weekly session ng SB Malay ay dininig na ng konseho ang problema ng kumpaniyang ito makaraang humiling ng tulong sa Sangguniang Bayan para mabigyan ng permit.

Di umano ay kumpleto naman sila sa dokumento katulad ng Environmental Compliance Certificate (ECC), pero tila hindi umuusad ang kanilang aplikasyon noon pa man, kaya ang pag-i-endorso ng konseho ang isa sa mga nakikita nilang paaraan upang sila ay makakuha ng permit.

Nabatid mula kay Jojo Tagpis, Operations Manager ng Boracay Tubi, na taong 2000 pa nila isinumite ang kanilang aplikasyon pero hanggang sa nagyon ay wala pa silang nakukuhang tugon mula sa punong ehekutibo ng Malay.

Bunsod nito, nitong umaga lang din ay ipinresinta at ipinaliwanag ni Tagpis ang nilalaman ng plano.

Sa nasabing presentasyon ay inimbitahan ang mga representante ng Boracay Foundation Incorporated (BFI), opisyal ng tatlong Barangay sa Boracay, Municipal Health Office at  Environmental Officer, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba upang makapag-komento sa aplikasyon ng Boracay Tubi, lalo na ngayon at isinusulong ng kompanyang ito na pasukin ang serbisyo ng Waste Water Treatment.

Gayon pa man, bagamat halos lahat ng mga katanungan ng konseho at ng mga dumalo ay nasagot naman ni Tagpis, ang pag-i-endorsong inaasahan ng Boracay Tubi ay hindi pa napagpapasyahan ng SB na siyang susuporta sa punong ehekutibo sa pagbibigay ng Mayor’s Permit.

No comments:

Post a Comment