Posted May 16, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay
Sugatan ang isang babae matapos umanong mahulog sa bangin sa
Sitio Bolabog, Boracay.
Personal na nagsumbong sa himpilang ito ang 29 anyos na
babaeng itinago lamang sa pangalang ‘Michele’ ng Tulingon, Nabas, at residente
ng Barangay Balabag.
Kuwento ng babae, doon na siya nagkamalay sa parlor ng taong
nagligtas sa kanya matapos umano siyang mahulog sa bangin dakung alas 3:00
kaninang madaling araw.
Ayon sa kanya, sakay siya ng motorsiklo kasama ang kanyang
kaibigang babae nang pumunta umano sila sa hindi na niya maalalang lugar sa
Sitio Bolabog.
Pagdating sa lugar, inutusan umano ng driver ang kasama niya
na mag-selfie ang biktima gamit ang kanilang cell phone.
Subali’t huli na pala umano nito napansin na bangin na pala
ang sa kanyang likuran, kung kaya’t nahulog siya doon at nawalan ng malay.
Nitong umaga na lamang din umano siya nagkamalay at
minarapat pumunta sa himpilang ito upang ipaabot ang pasasalamat sa taong tumulong
sa kanya, sa halip na magpagamot sa ospital.
Samantala, wala na rin umano siyang planong magsampa ng kaso
o magreklamo sa kanyang kaibigan, sa kabila ng paniniwalang sinadya ang
pag-utos sa kanyang umatras papunta sa bangin.
Aminado naman ang babae na nakainom na siya nang magkita
sila ng kaibigan sa labas ng isang bar, bago nangyari ang insidente.
No comments:
Post a Comment