Posted May 9,
2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Humingi ng paumanhin si Public Information Officer Region
6 at Official Spokesperson for APEC Police Inspector Shiela Mae Sangrines sa
mga naka-deploy na pulis sa Boracay.
Ito’y matapos nitong malaman ang sitwasyon ng mahigit sa 3,000
pulis mula Region 6 na naka-deploy ngayon sa Boracay para sa APEC ministerial
meeting sa susunod na linggo.
Sa panayaman ng himpilang ito sinabi ni Sangrines na
walang ibinibigay na financial assistance rito ang PNP dahil ang inilaan lamang
umano sa kanila ay ang billeting area o matutuluyan kagaya ng mga paaralan sa
Boracay at ang kanilang pagkain araw-araw.
Samantala, sinabi nito na bagamat ito’y isang call of
duty hindi dapat umano asahan ng mga pulis na maganda o kumportable ang
inilaang billeting area sa kanila na kahalintulad ng hotel ngunit sa ngayon
umano ay patuloy nila itong inaayos at binibigyan pansin.
Iginiit din nito na mahigpit na ipinagbabawal ng Philippine
National Police (PNP) ang pagbibigy ng additional cash allowances sa mga pulis
sa oras ng kanilang operasyon sa Boracay dahil ito umano ay isang violation.
Nabatid na karamihan sa mga pulis na naka-deploy ngayon
sa Boracay ay nahihirapan sa kanilang billeting dahil sa kawalan ng mahihigaan
at hirap sa paggamit ng banyo.
Samantala, mahigit tatlong linggong mananatili ang mga
security forces sa Boracay para sa pagpapaigting ng seguridad ng APEC
Ministerial meeting na magsisimula ngayong Mayo 10.
No comments:
Post a Comment