YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, February 20, 2012

Karagdagang ambulansya sa Boracay, planong hilingin ng SB Malay


Ni Edzel Mainit , Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Karagdagang ambulansiya para sa Boracay ang planong hilingin ng Sangguniang Bayan ng Malay sa Punong Ehekutibo.

Sa proposisyon ni SB member Jupiter Gallenero sa konseho, hiniling nito sa kapwa konsehal na magpasa ng resolusyon para hilingin na magkaroon ng sariling ambulansiya ang lokal na pamahalaan ng Malay sa loob ng Boracay, bilang katuwang ng kasalukuyang ambulansiya ng red cross sa isla.

Ayon kay Gallenero, nahihirapan na rin ang awtoridad sa isla partikular ang kasama sa Boracay Action Group (BAG), na binubuo ng pulis, army, Coast Guard.

Ito’y dahil kapag may insidente, sila umano ang nahihirapan sa pagsagot sa mga turista kung bakit naniningil ng serbisyo ang ambulansya ng Red Cross, gayong sa pagkaka-alam umano ng mga nangangailangan ay pag-aari ito ng LGU.

Sa kabila nito, naiintindihan naman umano ng konseho ang paniningil ng Red Cross dahil boluntaryong organisasyon lamang at walang kaukulang pondo.

Bagama’t sang-ayon sa planong ito si SB Member Esel Flores, inihayag nito ang problema kung saka-sakali.

Ayon kay Flores, walang paglalagyan para sa ambulansiya ng LGU, sabay sabi na sana ay maunang magpadala o magkaroon ng ambulansiya ang pamahalaang probinsiya para sa Boracay gayong ang Boracay Hospital ay pag-aari ng probinsiya.

Ang kahilingang ito ni Gallenero ay nag-ugat umano sa hiling din ng mga miyembro ng BAG, kaugnay sa serbisyo ng ambulansiya ng Red Cross.

At lamang lang din na tatlo naman ang ambulansya ng LGU sa Mainland, hiniling ng konseho na dalhin nalang ang isa sa Boracay.

No comments:

Post a Comment