Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Plano ngayon ng Kalibo International Airport (KIA) na
taasaan na rin ang Terminal Fee sa domestic at international flights.
Bunsod nito, ayon kay KIA Manager Percy Malonesio, ay itinakda
na ang Public Hearing para sa pagtaas ng Terminal Fee sa darating na Mayo 24 sa
bayan ng Kalibo.
Aasahan umanong dadalo ang mga taga Civil Aviation Authority
of the Philippines (CAAP) mula sa Metro Manila at Cebu, mga negosyante sa Aklan,
lalo na sa Boracay.
Dagdag pa ni Malonecio, kung titingnan, ang Kalibo Airport ang
pinaka-huling magtataas ng Terminal Fee sa bansa dahil halos ang lahat ng mga
paliparan, kasama na ang Caticlan/Boracay Airport, ay nagawa na magtaas noong nagdaang
taon pa, gayong International Airport na rin ito ngayon.
Dahil dito ay umapela na rin umano ang KIA ng umento, upang
may pangtustos din sa pang-araw-araw na operasyon ng paliparan.
Kaugnay nito, kapag naaprubahan ang planong pagtataas ng
terminal fee, ang P40.00 terminal fee para sa domestic flight ay magiging P200.00,
samantalang sa international flights naman ay tataas mula sa P500.00 at magiging
P700.00.
Pero bago umano ito ipatupad, aasahang magkakaroon pa ng
proklamasyon sa publiko kapag naaprubahan matapos ang gagawing public hearing.
Nilinaw din ni Malonesio na walang exception sa pagbabayad
ng terminal fee na ito, kahit pa Aklanon ang pasahero.
No comments:
Post a Comment