Pages

Thursday, May 17, 2012

Terminal Fee sa Kalibo International Airport, tataasan na rin


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Plano ngayon ng Kalibo International Airport (KIA) na taasaan na rin ang Terminal Fee sa domestic at international flights.

Bunsod nito, ayon kay KIA Manager Percy Malonesio, ay itinakda na ang Public Hearing para sa pagtaas ng Terminal Fee sa darating na Mayo 24 sa bayan ng Kalibo.

Aasahan umanong dadalo ang mga taga Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) mula sa Metro Manila at Cebu, mga negosyante sa Aklan, lalo na sa Boracay.

Dagdag pa ni Malonecio, kung titingnan, ang Kalibo Airport ang pinaka-huling magtataas ng Terminal Fee sa bansa dahil halos ang lahat ng mga paliparan, kasama na ang Caticlan/Boracay Airport, ay nagawa na magtaas noong nagdaang taon pa, gayong International Airport na rin ito ngayon.

Dahil dito ay umapela na rin umano ang KIA ng umento, upang may pangtustos din sa pang-araw-araw na operasyon ng paliparan.

Kaugnay nito, kapag naaprubahan ang planong pagtataas ng terminal fee, ang P40.00 terminal fee para sa domestic flight ay magiging P200.00, samantalang sa international flights naman ay tataas mula sa P500.00 at magiging P700.00.

Pero bago umano ito ipatupad, aasahang magkakaroon pa ng proklamasyon sa publiko kapag naaprubahan matapos ang gagawing public hearing.

Nilinaw din ni Malonesio na walang exception sa pagbabayad ng terminal fee na ito, kahit pa Aklanon ang pasahero. 

No comments:

Post a Comment