Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Halos 100 na pawikan na naman na bagong pisa ang nasagip
nitong umaga sa Tambisaan, Barangay Manoc-manoc, makaraang madiskubre ito sa buhangin
na nasa kusina ng isang restaurant sa nasabing lugar.
Sa impormasyon mula kay Felix Balquin, Marine Biologist ng
lokal na pamahalaan ng Malay at Bantay Dagat, ang maliliit na mga pawikang ito
na kilala bilang “hawksbill” at isang klase ng sea turtle ay nakuha mula sa
kusina ng isang restaurant na
pinamamahalaan Imelda Sevilla.
Nitong tanghali ay pormal nang ibinigay sa Bantay Dagat ang
mga naturang pawikan para sa tamang pangangalaga.
Nabatid mula kay Balquin na umabot sa 97 ang bilang ng mga
pawikan na pinakawalan kaninang hapon sa baybayin ng Boracay kasabay ng pag-lubog
ng araw.
Samantala, hiniling din ni Balquin sa publiko, na sakaling
may makita o mamataang itlog o maliliit na pawikan sa baybayin ay hayaan na lang
ito at ipagbigay alam agad sa kanilang tanggapan.
Matatandaang nitong nagdaan buwan ng Marso ay halos 100
pawikan din ang nasagip mula sa baybayin ng Poblacion Malay, na pinakawalan din
sa baybayin ng mga taga Bantay Dagat.
No comments:
Post a Comment