Pages

Monday, May 14, 2012

Maliliit na mga hawksbill sea turtles, nasagip sa Tambisaan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Halos 100 na pawikan na naman na bagong pisa ang nasagip nitong umaga sa Tambisaan, Barangay Manoc-manoc, makaraang madiskubre ito sa buhangin na nasa kusina ng isang restaurant sa nasabing lugar.

Sa impormasyon mula kay Felix Balquin, Marine Biologist ng lokal na pamahalaan ng Malay at Bantay Dagat, ang maliliit na mga pawikang ito na kilala bilang “hawksbill” at isang klase ng sea turtle ay nakuha mula sa kusina ng isang restaurant  na pinamamahalaan Imelda Sevilla.

Nitong tanghali ay pormal nang ibinigay sa Bantay Dagat ang mga naturang pawikan para sa tamang pangangalaga.

Nabatid mula kay Balquin na umabot sa 97 ang bilang ng mga pawikan na pinakawalan kaninang hapon sa baybayin ng Boracay kasabay ng pag-lubog ng araw.

Samantala, hiniling din ni Balquin sa publiko, na sakaling may makita o mamataang itlog o maliliit na pawikan sa baybayin ay hayaan na lang ito at ipagbigay alam agad sa kanilang tanggapan.

Matatandaang nitong nagdaan buwan ng Marso ay halos 100 pawikan din ang nasagip mula sa baybayin ng Poblacion Malay, na pinakawalan din sa baybayin ng mga taga Bantay Dagat. 

No comments:

Post a Comment