Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay
Isang napakalaking hamon
umano para sa isla ng Boracay ang taong ito partikular na sa usaping turismo.
Ito ang inihayag ni Sangguniang Bayan Member at Committee
on Tourism Chairman Jupiter Gallenero.
Ayon kay Gallenero, maraming mga bagay ang kailangang
bigyan ng pansin pagdating sa turismo lalo pa nga’t ang isla ang itinuturing na
“Precious Jewel” ng bansa.
At sa pakikipag-tulungan aniya ng punong ehekutibo at ng tourism
head ng Malay ay unti-unti nang nababago ang dating ng isla ngayong taon.
Una rito ang naging matagumpay na Boracay Ati-Atihan nito
lamang nakaraang linggo at ang pagsipagdatingan ng mga cruise ship sa isla.
Sa pagdating mga cruise ship, kanila umanong binigyan ng
pansin ang mga front liners kaugnay sa kung papaano nila dapat i-cater ang mga
international guest, maging kung paano mamintina ang peace and order sa isla.
Bukod dito, ipagpapatuloy pa rin umano nila ang pagpapatupad
sa mga ordinansa sa vegetation area sa isla.
Sa ganitong paraan aniya ay tiyak na marami ang
makikinabang sa magandang resulta ng naturang implementasyon.
Katunayan, mas lalo pa umanong gumanda ngayon ang front
beach kung ikumpara noong mga nakaraang taon na hindi pa naiimplementa ang
vegetation.
Inihayag pa nito na may mga programa ding nakalinya para
sa mas lalo pang ika-uunlad ng turismo sa isla.
Nakatakda rin umanong linisin ang buong baybayin ng isla,
at ang pag-upgrade sa terminal ng Tabon Port, maging sa pagsasa-ayos ng
Manoc-Manoc Port.
Naniniwala si Gallenero na sa tulong na rin ng mga
opisyales ng Lokal na pamahalaan ng Malay at ng Probinsya ay tiyak na mas lalo
pang maging maganda at kaaya-aya ang isla ng Boracay.
No comments:
Post a Comment