YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, January 22, 2014

Mga problema sa Caticlan at Cagban Jetty Port, tinalakay sa Session ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinalakay kahapon sa Session ng Sangguniang Bayan ng Malay ang ibat-ibang problema sa Cagban at Caticlan Jetty Port.

Ito’y matapos na imbitahin ng SB Malay si Jetty Port Administrator Niven Maquirang para ipaliwanag sa kanila ang patakaran ng “no sticker no entry policy” na isa sa naging problema kamakailan lang.


Hindi lamang tungkol sa mga sasakyang walang sticker na pumapasok sa Cagban jetty port ang tinalakay sa session kundi maging ang pakikitungo ng mga security personnel sa mga turista.

Personal namang ipinaabot ni SB Member Rowen Aguirre at SB Member Floribar Bautista ang kanilang mga obserbasyon sa labas at loob ng jetty port kabilang na ang pakikitungo ng mga empleyado at maging ang mga sirang pasilidad sa pantalan.

Ilan pa sa mga napansin ng mga konsehales ay ang sobrang dami ng mga commercial signboards sa labas ng pantalan na halos hindi na maganda tingnan sa mata ng mga turista, gayon din ang sira-sirang hagdan na paakyat at pababa ng bangka na halos kinakalawang na.

Maliban dito, nais namang pagandahin pa ng SB Malay ang Jetty Port para maging isang International standard.

Nangako naman si Maquirang na bibigyan niya ng pansin ang mga ipinaabot sa kaniya ng mga konsehales para sa ikakabuti ng kanilang serbisyo at lalong lalo na ng isla ng Boracay.

No comments:

Post a Comment