Ito na ang inaasahang magiging kulay ng mga bangka ng BIHA o
Boracay Island Hopping Association sa isla sa susunod na mga araw.
Isinulong kasi kahapon ng LGU Malay ang pagkakaroon ng
pare-parehong pintura sa mga nasabing pump boat bilang dagdag atraksyon sa mga
turista.
Maliban sa pagpapa-pintura ng bughaw at puti, ilalagay din sa
mga bangka ang logo ng “Sali Ako Diyan” ng BBMP o Boracay Beach Management
Program.
Sa panayam ng himpilang ito kay Boracay Island Administrator
Glenn Sacapaño, sinabi nitong maliban sa pagiging atraksyon ay matutukoy din
ang mga colorum na mga bangkang nag-o-operate sa isla.
Sisimulan umano ang paglulunsad ng nasabing plano sa araw ng
Huwebes, ikalabing lima ng Nobyembre ng taong kasalukuyan, kung saan sampu muna
mula sa mahigit dalawang daang bangka ng BIHA ang pipinturahan.
Ayon pa kay Sacapaño, para hindi mabigat para sa mga operator
ay si mismong Mayor John Yap na ang maghahanap ng mga sponsor para dito, na
sinang-ayunan naman umano ng mga taga BIHA.
Ang nasabing plano ay ilan lamang umano sa mga pinag-usapan kahapon,
sa ipinatawag na pagpupulong ng LGU sa mga taga Boracay Island Hopping
Association.
No comments:
Post a Comment