Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Sa umpisa pa lamang ng paggulong ng ikinasang Task Force
Moratorium sa Boracay, tila apektado ang opisina ng island administrator sa mga
pagpuna na ipinapaabot sa mga ito.
Sapagkat kung ang layunin ng task force na ito ay maging
mata ang kumunidad para ipabatid sa pamahalaan ang pangyayari sa Boracay,
mistulang apektado naman ang mga ito sa kanilang natatangap na pagpuna sa ilang
istrakturang ginagawa sa Boracay.
Ito ay makaraang ihayag kahapon sa pulong ng Task force
Moratorium ni Island Administrator Glenn Sacapano ang kanyang reaksiyon sa pag-kuwestiyon
sa pagkakaroon di umano ng petisyon ng ilang indibidwal sa planong pagsakop sa bahagi
ng baybayin ng Bolabog Beach upang gawing kalsada o mapasama sa circumferential
road.
Maliban dito, inihayag din ni Sacapano ang kaniyang
pagkadismaya kaugnay sa pag-kuwestiyon
sa pagkakaroon ng seawall sa Bolabog sa kabila umano na ang mga katulad na
proyekto ay para naman sa lahat.
Samantala, maliban dito, ipinaliwanag din ni Sacapano ang
hinggil sa suliranin ng Manoc-manoc hinggil sa sewer at drainage na matagal
nang problema ng isla.
Gayun pa man, nilinaw nito na ang lokal na pamahalaan ng
Malay ay may ginagawa naman para aksiyunan ito, lalo na at nalalapit na ang
tag-ulan. Kaya para sa doble-dobleng dahilan, bumili na rin umano ang LGU ng
dalawang makina na pang-pump para matugunan ang problema kaugnay sa pagbaha at
problema sa Manoc-manoc.
Bagamat sinabi nito na hindi ang pag-pump ang solusyon sa
baha, nilinaw naman nito na ginagawa nila ito bilang pansamantalang aksiyon.
Ang Task Force ay binuo upang maging bantay ang kumuniada sa
mga illegal na gawain sa isang barangay dito sa isla ng Boracay, upang
maisaayos ang mga bagay-bagay na naririto na, kabilang na ang pagdami ng illegal
na konstraksiyon, at upang malaman kung ano ang suliranin sa islang ito upang
mapabilis ang pagtugon.
No comments:
Post a Comment