YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, May 25, 2012

“Color coding” para sa mga tricycles sa Boracay, sisimulan ngayong Hunyo


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

May moratorium na sa mga sasakyan na ipapasok sa isla, may color coding pa ang tricycle sa Boracay.

Ito ang dalawang bagay na inaasahang mangyayari at ipapatupad sa Boracay sa susunod na buwan ng Hunyo ayon kay Cezar Oczon, Municipal Transportation Officer ng Malay.

Bunga umano ito ng mga isinagawang pagdinig sa pangunguna ng Committee on Transportation ng Sangguniang Bayan ng Malay, at mga sector na apektado lalo na ang kooperatiba ng mga tricycle sa isla.

Dahil dito ay nagkasundo ang mga ito na ipatupad na ang color coding sa mga tricycle sa darating na Hunyo 15.

Layunin ng scheme ay upang lumuwang naman ang main road mula sa mabigat na daloy ng trapiko dahil sa dami ng mga sasakyan sa isla.

Dahil sa sistemang ito, inaasahan umanong makikita na sa kalye ang mga kolorum na tricycle gayong iisa lamang ang kulay ng tricycle na tumatakbo sa kalye araw-araw, maliban na lang sa araw ng linggo.

Maliban dito, maglalagay din umano ang Municipal Transportation Office ng sticker sa mga tricycle kung saan doon nakalagay ang body number.

Mula doon ay maaari umanong mabigyang solusyon at malaman nila na sa iisang unit lamang nagagamit ang isang prangkisa. 

No comments:

Post a Comment