YES THE BEST 911 BORACAY

Sunday, July 20, 2014

Isang lalaking minor de edad, dinala sa DSWD Boracay dahil sa umano’y pagnanakaw

Posted July 19, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Isang lalaking minor de edad ang minarapat dalhin sa DSWD o Department of Social Welfare and Development-Boracay nitong hapon.

Kasama umano kasi ito ng ilan pang minor de edad sa isla na sangkot sa ilang serye ng nakawan sa isla ng Boracay.

Ayon sa mga otoridad, kaagad nilang dinala sa DSWD ang bata matapos itong tumakas nang makita ang mga nagrorondang MAP o Municipal Auxiliary Police, habang gumagawa ito ng sand castle sa beach front ng station 2.

Mahigpit kasing ipinagbabawal ng ordinansa ang paggawa ng sand castle kung kaya’t pauli’t-ulit ding nakikipaghabulan ang mga MAP sa mga batang gumagawa nito.

Samantala, may impormasyon umano ang mga MAP na kasama ng nasabing bata ang nagnakaw sa gamit ng naliligong turista sa station 2 nitong nakaraang buwan ng Hunyo kung kaya’t kanila din itong inimbistigahan bago dinala sa DSWD.

Marami na ring mga establisemyento at maging mga turista sa isla ang napaulat na naging biktima ng nagnanakaw na mga batang sand castle maker sa Boracay.

No comments:

Post a Comment