Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay
Ang desinyo ng drainage manhole sa Boracay ay hindi pantay
sa kalsada kundi may kunting lalim ito na maikukumpara sa isang pinggan.
Kapag napapadaan ang mga sasakyan dito ay kanilang iniiwasan
upang hindi maiuntog ng mga pasahero ang kanilang mga ulo, o mapinsala ang
kanilang mga karga.
Subali’t problema nga ba ang desinyo ng manhole na ito, o
dapa’t lang talaga mag-ingat ang mga motorista?
Ang sagot sa katanungang ito ay minarapat ipagkatiwala ng
mga otoridad sa baranggay justice system ng baranggay Manoc-manoc, matapos
magsalpukan ang isang truck at traysikel doon kahapon ng hapon.
Nabatid sa report ng Boracay PNP na habang minamaneho ni
Dhady Caminto ang puting Isuzu Elf papuntang Manoc-manoc nang di inaasahang
makasalpukan nito ang traysikel na minamaneho ni Porferio Zamora.
Papunta naman sana ang huli sa baranggay Balabag, nang
mapansin nito ang drainage manhole na kanyang madadaanan doon.
At para hindi maibagok ng mga pasahero ang kanilang mga ulo
sa traysikel sakaling maalog ang mga ito, ay tinangkang umiwas ng drayber sa
manhole, rason naman upang mabangga nito ang nakasalubong na Elf.
Maliban sa tinamong pinsala ng mga naturang sasakyan, ay
wala namang naiulat na nasaktan.
Payo naman ng mga pulis sa mga motorista, ibayong ingat lang
sa kalsada.
No comments:
Post a Comment