Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Naging matagumpay naman, ayon sa Boracay Land Transportation
Multi-purpose Cooperative (BLTMPC) ang una at ikalawang araw ng Color Coding
Scheme sa mga tricycle sa isla nitong Biyernes at Sabado.
Pero kahit papano ay may nakikita pa rin aniyang ibang kulay
na bumabiyahe sa kalye maliban sa naka-iskedyul na kulay asul o dilaw.
Ayon kay Ryan Tubi, General Manager ng BLTMPC, may mga berde
pa na traysikel na pumpasada at siyang pinoproblema umano nila sa ngayon.
Ang tinutukoy nitong berde ay ang e-trikes na
pinahintulutang pumasada ng LGU Malay kahit pa walang prangkisa.
Samantala, sinabi din ni Tubi na minsan, kapag may tricycle
na gumagala sa kalye at hindi naka-iskedyul, ang usapan aniya nila ay dapat
lagyan ito ng karatula na “for personal” o kaya ay “for family use” upang hindi
malabag ang batas na may kaugnayan dito.
Sa kabilang banda, kung gaano naman ka-epektibo para paluwagin
ang kalsada ng Boracay sa scheme na ito, ganoon din kahirap sumakay para sa
pasahero noong Lunes, ang ikatlong araw ng implementasyon, dahil sa hindi na maisakay ang ibang pasahero,
lalo na noong hapon kung saan nakita ang mga kumpul-kumpol na mga estudyante lalo
na at may pasok na.
Bagay na hindi na umano nakakapanibago o ikinagugulat pa ng BLTMPC.
Ngunit ayon kay Tubi, gayong nasa ordinansa naman ang color
coding na ito, dapat ay tumalima sila.
Pero ang lokal na pamahalaan ng Malay na rin aniya ang
nagsabi na kapag mahirapan ang riding public o mga pasahero at may mga reklamong
natatanggap ang kooperatiba, handa naman aniya ang LGU na kanselahin ang color
coding na ito.
Ang reklamo din na
ito mula sa publiko ang gagamitin din ng BLTMPC para mapakansela ang scheme.
No comments:
Post a Comment