Kinumpirma ni Boracay Chamber of Commerce and Industry (BCCI) President Ariel Abriam na matutuloy pa rin ang niluluto nilang international movie na gagawin dito sa isla.
Sa panayam kay Abriam, bagamat marami umano ang interesadong makiisa sa kaniya at may balak na mamuhunan sa nasabing pelikula, na pagbibidahan ng isang Hollywood actor, problema umano nila ngayon ay ang desisyon ng ilan sa mga ito, na nais lang din umanong makasiguro na kikita din ang nasabing pelikula.
Sa kasalukuyan, bagama’t balak pa rin nila itong ituloy anuman ang magiging kahihinatnan, hindi pa aniya nila alam kung kailan talaga sisimulan.
Pero nanindigan si Abriam na ito’y matutuloy pa rin at inaasahang sa susunod na mga buwan pa.
Samantala, nilinaw din ni Abriam, na ang layunin nila sa pagkasa ng pelikulang ito ay upang maipakilala at maipakita sa ibang lugar o mundo ang Boracay.
Ito ay dahil marami pa aniya ang nagsasabi sa mga bisita nito sa kaniyang resort na hindi pa talaga nila kilala ang Boracay.
Napunta lamang umano ang mga ito dito sa isla, dahil na rin sa panghihikayat at kuwento ng kanilang mga kaibigang nagawi lang din sa isla.
Matatandaang kamakailan lamang sa sesyon ng Sangguniang Bayan, inihayag ni Abriam na ngayong Abril ay balak na nilang simulan ang naturang pelikula na siya mismo ang nag-produce.
No comments:
Post a Comment