YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, July 19, 2012

“Pacquiao Resort” sa Boracay, ipapagiba na!


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Sa halip na mga turista ang makikita sa West Cove, ang tinaguriang Pacquiao Resort sa Boracay, mga sundalo, pulis at mga miyembro ng Malay municipal auxiliary police ang naroon matapos isama ang mga ito ni Mayor John Yap.

Hindi upang ipasyal, kundi upang ipatupad ngayong umaga ang isang demolition order laban sa nasabing resort.

Napag-alamang dalawang beses na pala itong pinadalhan ng closure order ng alkalde dahil sa mga umano’y naging violation o paglabag nito.

Wala kasi umano itong mga kaukulang permit katulad ng mayor’s permit, business permit, building at occupancy permit at maging ng Environmental Compliance Certificate.

Samantala, iginiit naman ng may-ari ng naturang resort na si Crisostomo “Cris” Aquino na may pinanghahawakan itong Forest Land Use Agreement for Tourism Purposes o Flag-T, mula sa dating DENR Secretary Lito Atienza.

Kung kaya’t kampante ito sa paniniwalang ang kinatatayuan ng kanyang resort ay hindi sa “no build zone”, dahilan upang magpasaklolo ito sa pamamagitan ng Temporary Restraining Order, upang matuloy ang kanilang operasyon.

Samantala, matapos ang umano’y patuloy na paglabag ng nasabing resort katulad ng hindi na dapat nito pagdagdag ng anumang istraktura doon, minarapat ngayon ni Mayor John Yap at ng DENR na ipatupad na ang nasabing demolisyon.

No comments:

Post a Comment