YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, July 18, 2012

Mga akyat-bahay at insidente ng nakawan sa Boracay, ikinabahala ng SB Malay

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Tinatawagan ang atensyon ng mga pulis, municipal auxiliary police, barangay chairman at mga tanod sa Boracay!

Nababahala na ngayon ang Sangguniang Bayan ng Malay sa pananalasa ng mga kawatan at mga insidente ng nakawan sa isla.

Ito’y matapos idulog sa sesyon kahapon ni SB Member Welbic Gelito, ang problemang may kaugnayan sa mga akyat-bahay na pinangangambahan dito ng mga residente.

Sinabi ni Gelito na natatakot at nag-aalala na umano ang ilan sa mga nakausap nitong residente na lumabas tuwing gabi, sa pangambang masalisihan o pasukin sila ng akyat-bahay.

At dahil ang naturang sitwasyon ay patungkol din sa seguridad ng isla, iminungkahi nito sa sesyon na magsumite ang mga kapulisan dito ng kanilang security plan.

Nababahala din umano kasi ito na ang pami-merwisyo ng mga kawatan sa Boracay ay kumalat sa internet na magiging pangit naman sa industriya ng turismo.

Nagsuhestiyon din ito na kung maaaring tingnan din nila ang posibilidad kung makakapagdagdag pa sila ng budget, upang mapalawig pa hanggang sa gabi ang trabaho ng MAP o municipal auxiliary police dito.

Samantala, sinabi naman ni SB Member Esel Flores na mas makabubuti ring tawagin ang pansin ng mga barangay chairman at hindi lamang ang mga kapulisan.

Ang mga kapitan din umano kasi ng barangay ang may mandato sa mga tanod, at may mas malaking responsibilidad sa pagsugpo ng krimen.

Maliban naman sa pagtawag-pansin sa mga kinauukulan, iginiit din ni Gelito ang pagpapalagay na ng ilaw sa mga madidilim na lugar sa isla, katulad ng daan papunta sa Mt. Luho sa barangay Balabag.

No comments:

Post a Comment