Posted June 5, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Hindi lingid sa kaalaman ng Boracay Land Transportation
Multi Purpose Cooperative (BLTMPC) ang problema ng mga estudyante sa Boracay sa
pagsakay sa mga tricycle unit sa isla.
Kung kayat dahil dito, isang solusyon ang kanilang nakita
sa pamamagitan ng “free ride” para sa mga mag-aaral ng Manoc-manoc, Balabag at
Yapak Elementary School na sinimulang ipatupad noong nakaraang pasukan.
Ayon kay BLTMPC Chairman Joel Gelito, layunin ng kanilang
free ride ay makatulong sa mga mag-aaral na nahihirapang makasakay sa mga
tricycle pauwi ng kanilang tahanan.
Nabatid kasi na karamihan sa mga tricycle driver sa
Boracay ay manhid o nagbulag-bulagan sa tuwing may pumapara sa kanilang mga
estudyante pauwi.
Sinabi naman ni Gelito na mayroong isa o dalawang unit ng
multicab ang naka-standby sa mga nasabing paaralan kung saan libre ritong sumakay
ang lahat ng mga estudyante papunta at pauwi ng eskwelahan.
Napag-alaman na hiniling noon ni Gelito sa Sangguniang
Bayan ng Malay ang pagdagdag nila ng unit ng nasabing sasakyan sa Boracay para
dito.
Samantala, paalala naman ng kooperatiba sa lahat ng mga
pasahero na tinanggihang pasakayin ng tricycle driver na ilista ang plaka ng kanilang
minamanehong sasakyan at isumbong ito sa kanilang tanggapan upang mabigyan nila
ng agarang aksyon.
No comments:
Post a Comment