YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, April 30, 2012

Pag-apaw ng sewerage at manhole sa Boracay, pino-problema ng BIWC

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kasabay ng pagdami ng bilang ng mga turista sa isla ngayong summer season, tumaas din ang water waste mula sa mga establishimiyento dito, kaya naging sanhi ng pag-over flow o pag-apaw ng manhole ng sewerage system ng Boracay Island Water Company (BIWC).

Kasunod nito, aminado naman si Acs Aldaba, Customer Service Officer ng BIWC, sa problemang katulad nito dahil sa natatanggap aniya nilang kaliwa’t kanang reklamo dahil sa umapaw ang manhole sa Main Road Station 3 sa Manoc-manoc at sa area ng Angol.

Bunsod nito, dumoble na rin umano ang serbisyo nilang ginagawa para makontrol ang pag-apaw ng sewer.

Batid umano nila na delikado ito kapag umabot sa front beach at nakakahiya naman sa mga turista ang eksenang ito sa main road.

Dahil dito, ayon kay Aldaba, panay ang monitor at pagtanggal nila sa laman ng manhole sa kanilang pumping station sa lugar na tinutukoy at pinapasipsip nila ang tubig na umaapaw sa main road na nagmula sa sewer.

Dagdag pa nito, natukoy na umano ng BIWC kung anong establishimiyento sa lugar na ito ang nagpa-pump papunta sa sewer na isa rin sa mga rason kung bakit mabilis mapuno ang daanan ng sewerage system. Naki-usap na rin aniya sila sa mga ito kung maaari ay iwasan na itong gawin para hindi na umapaw pa ang manhole.

Sa ngayon, maituturing naman umanong seryosong problema ito sa bahagi ng BIWC.

Matatandaang nitong nagdaang Biyernes at Sabado ay umaapaw muli ang manhole sa main raod na nagdadala naman ng hindi nakais-nias na amoy sa mga dumadaan dito maliban pa sa tubig na lumalabas dito at na-ipon sa kalsada.

1 comment:

  1. Kelangan lang talagang magkaroon ng mas magandang sistema hindi lang pagdating sa sewerage system ng isla kundi sa lahat ng sistema sa buong isla. Ok lang para sa mga turista at sa mga hindi naka-pirme sa Boracay, pag alis nila maiiwan sa isla ang mga problema ng isla. Pero pano naman yung mga residente sa isla?

    ReplyDelete