YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, September 25, 2017

Water Rate ng BIWC, pinag-usapan sa SB-Malay

Posted September 25, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Balak ngayong ipatawag ng Sangguniang Bayan ng Malay ang Boracay Island Water Company pagkatapos na napansin ng karamihan ang pagtaas ng kani-kanilang bayarin sa tubig.

Sa 32nd regular session ng Sangguniang Bayan ng Malay nitong Martes, laman ng privilege speech ni Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero ang tungkol sa pagtaas ng presyo ng tubig ng Boracay Water Company (BIWC).

Binuksan ni Gallenero ang usapin ng tanungin umano ang konsehal kung nagkaroon ba ng Public Hearing na isinagawa ang BIWC at kung inimbita ba ang huli.

Nais din malaman ng konsehal kung alam ba ng mga residente bago ginawang  adjustment ng BIWC.

Ayon naman kay Committee Chairman on Tourism at Sangguniang Bayan Member Dante Pagsuguiron, kaya umano nagtaas ng singil ang BIWC ay dahil siguro sa kanilang expansion at mga bagong proyekto.

Subalit sa paglilinaw nito, hindi umano ito pwedeng gawing dahilan para taasan agad ang water rate dahil kahit siya mismo ay nagtatanong kung bakit tumaas din ang kanyang bayarin sa tubig.

Dagdag pa ni Pagsuguiron, marahil wala itong  problema sa mga big investors pero paano naman raw ang mga residene kung saan nagtanong pa ito kung bakit palagi umano nila itong tinataasan.

Dahil dito, nakatakdang ipatawag sa susunod na buwan ang pamunuan ng Boracay Island Water Company para pagpaliwanagin.

Sa panayam sa pamunuan ng BIWC, nagpatawag na umano sila ng meeting noong buwan ng Hulyo kung saan napag-usapan ang usapin sa drainage system project ng BIWC sa Boracay at nakatakdang rate adjustment sa presyo ng tubig.

Samantala sa pahayag kay BIWC Business Operations Head Acs Aldaba, pupunta sila sa imbitasyon ng SB-Malay para ipagpaliwanang ang tungkol sa water increase ng kompanya.

Sa ganito umanong  paraang ay mailalatag nilang mabuti sa publiko kung ano ang dahilan at bakit tumaas ang water rate nila sa isla ng Boracay.

No comments:

Post a Comment