YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, October 02, 2012

Matapos mabawasan, mga pulis sa Boracay, muling nadagdagan


Matapos mabawasan ang puwersa ng mga pulis Boracay nitong nagdaang buwan ng Setyembre, kinumpirma naman ni Police Senior Inspector Joeffer Cabural, hepe ng BTAC o Boracay Special Tourist Assistance Center, na mayroon nang dagdag at bagong puwersa ng mga pulis dito.

Ito’y matapos matanggal at mailipat sa ibang police station ang mahigit dalawampung pulis nitong nagdaang ika-labing anim hanggang dalawampu’t isa ng Setyembre, dahil sa iba’t-ibang kadahilanan.

Subalit ang naipalit umano sa dalawampung na-relieve na mga pulis dito ay anim pa lamang, mula sa Regional Mobile Group.

Nabatid na bago madagdagan ang mga pulis dito sa isla ay kailangan pang idaan sa karampatang proseso.

Ibig sabihin, magre-request muna ang Boracay PNP sa Provincial Command, at ang Provincial Command naman ang hihiling nito sa PNP Regional Office.

Samantala, habang ginagawa ang balitang ito ay hindi pa masabi ni Cabural kung madadagdagan pa ang anim na bagong pulis dito, kapalit ng mga narelieve at mga kusang nagparelieve mula sa Boracay PNP.

Matatandaang nangako ng 24/7 o bente kuwatro oras na police visibility sa isla ang nasabing hepe, nang mag courtesy call ito sa mga LGU Malay, iba pang offices at mga stakeholders sa Boracay. | md102012

No comments:

Post a Comment