YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, August 17, 2012

Unang araw ng 24-hour color coding-scheme sa mga traysikel sa Boracay: “OK pa sa olrayt!”

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Mapayapa  at walang problema.

Ganito ilarawan ni Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative Chairman Ryan Tubi ang bente kuwatro oras na color coding scheme sa mga traysikel sa Boracay na sinimulan noong ika-13 ng Agosto.

Sa panayam kay Tubi, sinabi nitong wala namang nagpaabot ng anumang reklamo sa kanilang opisina hinggil sa pagpapatupad ng naturang kautusan.

Nitong mga nakaraang araw kasi ay ginawang dose oras lamang ang biyahe ng mga traysikel base sa kulay na itinalaga ng nasabing kooperatiba.

Subalit dahil sa kahilingan din umano ng mga traysikel drayber na gawing tag-24 oras ang biyahe ng bawat kulay ng traysikel, ay pinahintulutan din ito ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Rason umano ng mga drayber, bitin parin para sa kanila ang dose oras na biyahe.

Habang pabor naman sa kanila ang bente kuwatro oras, para makapagpahinga naman sila ng maha-haba para sa susunod na araw nilang iskedyul.

Kaugnay nito, ang lahat ng mga namasadang traysikel sa isla kahapon ay pawang kulay blue lamang, habang ngayong araw ng Martes ay tanging ang mga kulay dilaw naman.

Samantala, kampanti din umano si Tubi na nasusunod nga ang ganitong sistema, dahil bente kuwatro oras ding nagbabantay ang mga pulis, municipal auxiliary police, at maging ang taga opisina ng BLTPMC para dito.

Matatandaang kamakailan ay ginawang dose oras ang biyahe ng mga traysikel sa Boracay, sa paniniwalang ito ang magiging sagot sa problema sa trapiko dito sa isla.

No comments:

Post a Comment