YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, April 10, 2012

SENA ng DOLE, sagot sa problema ng trabahador sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado si Bidiolo Salvador, OIC Provincial Officer ng Department of Labor and Employment o DOLE-Aklan, na marami nang aprehensiyon ang mga empleyado sa Boracay.

Kaya nagpahayag ito ng kahandaang bukas ang kanilang opisina na tumanggap ng mga reklamo, lalo pa ngayong pinapalakas na nila ang sistema ng DOLE na Single Entry Approach o SENA.

Layunin umano ng sistemang ito na maiwasan nang humantong pa sa korte o kaso ang problema ng employer at empleyado.

Dahil sa sistemang ito ay maaayos na ang suliranin sa loob ng tatlompung araw.

Nilinaw din nito na ang SENA ay hindi kaso, sa halip ito ay tulong o assistance lamang sa mga empleyado na may problema sa employer, para ang DOLE na mismo ang magpapatawag sa employer at maglalatag kung ano amg suliraning dinaranas ng isang empleyado.

Samantala, ang sistemang ito ayon kay Salvador ay malaki ang maitutulong sa mga empleyado sa Boracay, sapagkat hindi na kailangan pa ang abogado at hindi na dumaan pa sa mahabang proseso.

Pero sinabi nito na mahalaga parin aniya kung personal talagang magpa-abot ng kaniyang reklamo sa tanggapan ng DOLE ang empleyadong apektado. 

No comments:

Post a Comment