YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, July 04, 2018

Panukalang “Boracay Management Authority” nais isulong ng House Committee On Natural Resources

Posted June 4, 2018

Ang pagbuo ng “Boracay Management Authority” ang nakikitang direksyon ng House Committee on Natural Resources kapag natapos na ang ginagawang congressional inquiry patungkol sa Boracay closure.

“Hindi ito pwedeng ipamahala sa mga kapitan o kaya sa local government unit, kailangan may nagma-manage ng Boracay” ito ang paliwanag ni Rep. Arnel Ty kung saan  ihahalintulad umano sa Subic Bay Development Authority ang istilo  pamamahala.

Sa ibabalangkas na panukala, bubuo sila ng mangangasiwa na magmumula sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno katuwang ang pribadong sektor.

Hindi pa binabanggit ng kongresista kung ano ang magiging papel ng  Lokal na Pamahalaan ng Malay sa hakbangin na ito dahil dedepende ang lahat sa resulta ng imbestigasyon.

Sa pag-iikot at site inspection ng komite, hindi kumbinsido ang mga ito na kakayin ng dalawang water utility provider ang volume ng wastewater na umaabot sa 19,000 cubic liter dahil sa ngayon ay nasa 11,000 cubic liter lang ang kayang linisin.

Kahit na may inilabas na memorandum ang DENR na kailangang magkaroon ng sariling STP ang mga resort na may 50 rooms pataas, pangamba ng mambabatas, wala itong garantiya na ma-monitor kaya mas mainam na komunekta pa rin sa sewerline.

Sa kabuuan, ang panukala na “Boracay Management Authority” ay long-term na hakbang para mapangalagaan ang Boracay at para hindi na maulit ang mga nangyaring pang-aabuso sa kalikasan.


No comments:

Post a Comment