YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, January 20, 2012

Reklamasyon sa Caticlan, balak na muling i-apela ng probinsiya sa Supreme Court

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nire-respeto ni Aklan Governor Carlito Marquez ang naging aksiyon at magiging aksiyon ng Sangguniang Bayan ng Malay kaugnay sa hinihingi nitong pag-e-endorso sa proyektong reklamasyon sa Caticlan.

Aniya, kung hindi man nila ito mai-endorso ngayon dahil sa hinihintay pa ng konseho ang desisyon ng Supreme Court (SC), kung saan isinampa ang kaso laban sa pamahalaan probinsiya ng Boracay Foundation Incorporated (BFI), ay naiintindahan naman nila ito, ayon kay Marquez, lalo pa at hindi pa naman tapos ang pagdinig sa kaso.

Subalit nilinaw ni Marquez na ang paghingi umano ng probinsiya ng pag-endorso mula sa SB Malay ay kailangan talaga, para makatulong sa pag-apela sa Supreme Court na bawiin na ang Temporary Environmental Protection Order o TEPO na binababa ng kataas-taasang korte laban sa probinsiya kaya hanggang ngayon ay hindi pa maka-usad ang proyekto.

Ito at kasunod sana umano ng plano nilang pag-apela ulit sa SC, sa paniniwala na makakatulong ito sa mabilis na pagbawi ng TEPO kung makita ng korte na nai-endorso na ito ng konseho.

Subalit ngayon, labis na nagtataka ang gobernador kung bakit, ganoon pa rin ang paninindigan ng SB Malay gayong ang BFI naman ang nagsampa ng kaso at ayaw sa proyekto.

Umaasa pa rin si Marquez ng pag-e-endorso mula sa SB sapagkat, katulad nila, ay sangay din ng pamahalaan ang konseho kaya dapat i-endorso ang proyektong ito.

Nagtataka din ang gobernador kung bakit umano tinututulan ang proyektong ito, sa kabila ng mga napapansing masyado nang masikip ang Caticlan Jetty Port, gayung para naman ito sa mga turista, buong probinsiya ng Aklan, at Malay, lalo na sa mga stakeholders, partikular ang BFI, ang makikinabang nito.

No comments:

Post a Comment