YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, September 21, 2016

Hotline ng mga responders sa isla pinamamadali na

Posted September 21, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Pinamamadali na ngayon ang napagkasunudan na pagkakaroon ng “Hotline” na ilagay sa opisina ng Municipal Disaster Risk Reduction Office o MDRRMO Malay. 

Ito’y patungkol parin sa pag-rescue ng mga local responders na kinabibilangan ng Boracay Action Group (BAG)/ Boracay Fire Rescue and Ambulance Volunteers (BFRAV) at MDRRMO para sa mga nangangailangan ng kanilang tulong sa isla.

Sa ginanap na SB sesyon kahapon, naging bisita sina Rowen Aguirre Executive Assistant IV/MDRRMO Boracay, Consultant Adviser Leonard Tirol ng BAG at MDRRMO Malay Catherine Fulgencio kung saan nagpresinta sila ng mga numero na tatawagan sa oras na merong itatawid na pasyente na dadalhin sa ospital ng Kalibo o Iloilo.

Nabatid na ang unang tatawagan na responders dito sa Boracay ay BAG na may numerong 288-2338 sumunod ang MDRRMO Malay na may 288-8853 at cellphone number na 0919-851-4102 para sa ambulansya o medical assistance sa pasyente.

Samantala kung magkakaroon na ng “Hotline” ay puwede ng tawagan ang lahat ng mga rescue operators upang mapadali ang pagrespondi sa oras na may mangyaring insidente sa Boracay.

31 Badjao at dalawang pamilyang Ita sa Boracay na-rescue ng MSWDO

Posted September 21, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hindi na pinaabot ng umaga ang pag-rescue ng Municipal Social Welfare and Development (MSWDO) at ng Boracay PNP ang pag-rescue sa mga Badjao at Ita sa isla.

Nagsimulang sagipin ang mga ito kaninang alas-2 ng madaling araw mula sa kanilang tinutulugan sa mga gilid ng kalsada kasama na ang sa beach area at Bolabog beach.

Sinagip ang mga ito sa pangunguna ni Magdalena Prado, Municipal Social Welfare Officer kasama ang kanyang grupo mga taga Baranggay, MAP at Boracay PNP para sa tinatawag na “Oplan Sagip.”

Ayon kay Prado nasa kabuuang 31 Badjao ang kanilang nasagip na kinabibilangan ng 11 pamilya kung saan 17 dito ang nasa wastong edad at 14 naman ang mga bata.

Maliban dito nasa dalawang pamilya naman ng Ita ang kanilang na-rescue at tatlong mga bata na walang mga magulang habang dalawa ang native mula sa Iloilo.

Matapos ang pag-rescue ay dinala naman ang mga ito sa Crisis Intervention Unit sa Argao sa bayan ng Malay bago sila iuuwi sa kani-kanilang mga lugar.

Ang mga nasabing Badjao ay nagmula pa umano sa Zamboanga City kung saan dito sila napadpad sa Boracay para mamalimos na kadalasang nakikita sa beach front at sa mga kalsada.

Samantala, ang “Oplan Sagip” ng MSWDO at ng Boracay PNP ay magapatuloy parin hanggang sa maubos na ang mga ito sa isla.

Dalawang care taker sa boracay, arestado sa pagbebenta ng droga

Posted September 21, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Arestado ang dalawang Caretaker ng isang guest house matapos mahuli sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Manoc-manoc kaninang madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Rogelio Jasper Dela Rosa, 40-anyos ng New Buswang Kalibo at Reenan Enricoso, 34-anyos ng Consolacion, Cebu City.

Nahuli ang mga suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Malay MPS, Boracay PNP, Aklan Public Provincial Public Safety Company (SWAT) at Maritime Group kung saan nahulihan ang dalawa sa pagbebenta ng isang plastic sachet ng suspected shabu na may kapalit na pera na P1,000.

Maliban dito nakuha pa sa ginawang body search kay Dela Rosa ang isang sachet ng hinihinalang shabu 38 revolver na kargado ng bala at isang unit ng cellphone habang nakuha naman kay Enricoso ang dalawang sachet ng suspected shabu at isang live ammunition ng kalibre 45.

Ang dalawang suspek ay nakatakdang humarap sa kasong paglabag sa Sec 5 at Sec 11, Article II of RA 9165 sa pagbebenta ng iligal na droga at RA 10591 sa paggamit ng baril.

Menor de-edad sa boracay huli sa pagnanakaw, perang tinangay pinambili ng gadget

Posted September 21, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for theftNasa pangangalaga na ngayon ng Municipal Social Welfare and Development (MSWDO) sa Boracay ang menor de-edad na suspek sa pagnanakaw sa isang hotel sa Station 1 Barangay Balabag, Boracay.

Sa pulis report ng Boracay PNP, nakilala ang nagrereklamong si Sharyl Sta. Maria, 42-anyos at empleyado ng nasabing hotel.

Salaysay ng nagrereklamo sa pulis lumabas umano siya saglit sa kanyang opisina nguni’t sa pagbalik nito ay nakabukas na at nawawala na ang perang P9, 000 sa cash box.

Pinaniniwalaan naman nito na ang menor de-edad na pabalik-balik sa lugar ang nanloob sa kanilang opisina ngunit ng makita niya umano ito matapos ang insidente ay kanya itong kinumpronta at doon ay umamin naman ang bata na siya nga nagnakaw ng pera.

Pag-amin pa ng suspek binili niya umano ang ninakaw na pera ng Tablet na nagkakahalaga ng mahigit P5, 000, SD Card na P300 at kumain sa sa isang fast food chain.

anloob sa kanilang opisina ngunit ng makita niya umano ito matapos ang insidente ay kanya itong kinumpronta at doon ay umamin naman ang bata na siya nga nagnakaw ng pera.

Pag-amin pa ng suspek binili niya umano ang ninakaw na pera ng Tablet na nagkakahalaga ng mahigit P5, 000, SD Card na P300 at kumain sa sa isang fast food chain. 

Pag-isyu ng permit to transport para sa mga motorsiklo sa Boracay, sinuspendi

Posted September 21, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for LGU MalayPansamantala muna ngayong sinuspendi ng LGU Malay ang pag-isyu ng permit to transport sa Boracay.

Ito ang nakapaloob sa Memorandum Order No. 2016-42 ng  LGU Malay sa Transportation Office kung saan nag-uutos ito na suspendehin ang transport o permit to operate ng mga single motorcycle sa isla na epektibong ipinatupad nitong Biyernes.

Ang suspensyong ito ay may kinalaman sa dumaraming bilang ng motorsiklo sa isla kung saan laganap na rin ang mga illegal na nag-ooperate ng motorsiklo.

Kaya naman panawagan ng LGU Malay na huwag muna silang bumili ng motorsiklo na dadalhin sa Boracay dahil sa ngayon ay hindi pa sila makakapagbigay ng permit.

Samantala, kung sakaling maaktuhan naman ang mga driver ng motorsiklo na walang permit to transport ang kanilang motor na inisyu ng MTO ay huhulihin ang mga ito ng MAP at bibigyan ng kaukulang penalidad.